
Walang Pakialam ang Tiyahin sa Kaniyang mga Pamangkin; Ikapanlulumo ng Bawat Isa ang Nangyari sa mga Bata
“Edna, kailan mo ba balak na umuwi dito sa probinsya? Aba’y hindi lang ikaw ang may trabaho. Hindi na ako makakilos sa kakaalaga nitong mga anak mo!” sambit ni Lorena habang kausap niya ang kapatid sa telepono.
“Alam mo namang iniipon ko ang bakasyon ko para kapag nagpaalam ako sa amo ko’y payagan ako kahit dalawang buwan. Pasensiya na muna, ate. Sinisikap ko namang magpadala diyan ng pera para hindi mo na kailangan pang magtrabaho,” tugon naman ni Edna.
“Kung aasa lang ako sa ipapadala mo, Edna, titirik ang mga mata namin ng mga anak mo sa gutom! Dapat kasi’y iniwan mo na lang ang mga anak mo sa tatay nila! Hindi ‘yung pinapasa mo ang responsibilidad n’yong mag-asawa sa ibang tao, sa akin pa!” sambit pa ng nakatatandang kapatid.
“Pasensiya na talaga, ate. Hayaan mo at sa isang buwan ay uuwi na ako. Aayusin ko ang lahat para maalis na d’yan ang mga bata,” wika naman ni Edna.
Dalawang taon pa lang nagtatrabaho si Edna sa Maynila bilang isang kasambahay. Iniwan niya ang pangangalaga ng kaniyang mga anak sa kaniyang Ate Lorena. Matagal na kasing hiwalay sa asawa itong si Edna kaya mag-isa na lang niyang binubuhay ang mga anak.
Wala namang asawa si Lorena ngunit may mga nakakarelasyon ito. Sa tingin ni Lorena ay malaking hadlang ang kaniyang pamangkin sa pagkakaroon niya ng kasintahan.
Isang araw ay gayak na gayak si Lorena. Aalis ito para makipagkita sa kaniyang nobyo.
“Huwag kayong lalabas ng bahay kahit ano ang mangyari. Ikaw, Daisy, bantayan mo ang mga kapatid mo at huwag kang kung saan-saan nagpupunta! Ikukulong ko kayo rito kapag matigas ang ulo n’yo!” pananakot ng tiyahin.
Dahil sanay naman na ang magkakapatid na laging umaalis ang tiyahin ay hinayaan na lang nila ito. Madalas nga ay mas mainam pa para sa mga bata na wala si Lorena dahil malaya nilang nagagawa ang kanilang gusto.
“May kaunti akong barya dito. Tara at pumunta na lang tayo sa computer shop ni Ate Ga. May nga bagong laro akong nakita,” sabik na paanyaya ni Daisy sa kaniyang mga kapatid.
Sa tuwing naiiwan ang magkakapatid sa kanilang bahay ay nagtutungo sila sa computer shop ng binabaeng si Ga upang makinood o minsan ay maglaro.
Isang araw ay nais sanang maglaro ng magkakapatid kaya nanghingi sila ng barya sa tiyahing si Lorena.
“Kulang na nga ang ipinapadala ng nanay n’yo ay gusto n’yo pang manghingi ng barya! Mga wala na nga kayong pakinabang dito! Manahimik kayong tatlo, a! Kung gusto n’yo ay makinood na lang kayo do’n. Mga gastador!” naiinis na wika ni Lorena habang abala sa paglilinis ng kaniyang kuko.
Nagtungo ang magkakapatid sa computer shop upang makinood sa ilang batang naglalaro.
Inggit na inggit ang dalawang nakababatang kapatid ni Daisy sa ilang bata na naroon.
“Ate, sige na, kahit dalawang piso lang. Kahit sandali lang ay makapaglaro tayo!’ pakiusap ng kapatid niyang si Joshua.
“Hindi sasapat ang dalawang piso sa isang laro. Dapat ay limang piso o hindi naman kaya’y sampu!” sambit naman ng isa pang kapatid na si Carlo.
Maya-maya ay napansin ng may-aring si Ga ang magkakapatid na nag-uusap-usap.
“Gusto niyong maglaro? Sige paglalaruin ko kayo ng sandali. Pero sa susunod ay may bayad na, a?” sambit ng may pusong babaeng si Ga.
Masayang-masaya naman ang tatlong bata na naglaro. Hapon na nang matapos ang tatlo. Habang pauwi ay laman pa rin ng usapan ng magkakapatid ang kanilang nilaro.
Kinabukasan ay nagpaalam na naman ang tatlo sa kanilang tiyahin upang pumunta sa computer shop ni Ga. Nagbabakasakali sila na muli silang ilibre nito.
“Bahala na kayo sa buhay n’yo tutal wala rin naman akong pakinabang sa inyo dito sa bahay! Magsilayas kayo kung gusto n’yo!” naiinis na bulyaw ni Lorena habang kausap naman sa kaniyang selpon ang lalaking natitipuhan.
Masayang-masayang nagtungo ang mga bata sa computer shop. Palinga-linga sila upang matanaw sila ni Ga, nagbabakasakali na muling malibre ang paggamit nila ng computer.
Laking tuwa ng tatlo nang payagan sila ni Ga.
Ngunit makalipas ang tatlumpung minuto ay agad silang pinahinto ng may-ari.
“Tama na ang paglalaro. Ayos na siguro ang ibinigay ko sa inyong oras,” saad ni Ga.
“Pero, may isang paraan pa para makalibre kayo lagi ng laro dito sa computer shop ko. Ang kailangan n’yo lang gawin ay sumama sa akin sa silid ko at doon ko ituturo sa inyo ang dapat gawin. May computer din do’n. Mas maganda pa! Ano?” pang-eenganyo pa nito.
Kahit may pag-aalinlangan si Daisy ay napilit na rin siya ng dalawang kapatid na tanggapin ang alok ni Ga. Sumama sila sa silid nito at doon ay isa-isa silang pinaupo. Pinaliwanag ni Ga ang kanilang gagawin.
“Kailangan ko lang ng mga larawan n’yo. Tapos, bukod sa libreng gamit ng computer kahit kailan n’yo naisin ay bibigyan ko pa kayo ng pera. ‘Di ba mas ayos ‘yun?” pilit na kinukumbinsi ni Ga ang mga bata.
Dahil sa mura nilang isipan ay agad na pumayag ang tatlo.
Laking tuwa naman ng magkakapatid dahil makakagamit na sila ng computer ay mayroon pa silang limampung piso na maiuuwi.
Kinabukasan ay muling bumalik ang magkakapatid sa computer shop ni Ga. Ngunit sa pagkakataong ito ay palala na nang palala ang mga larawan na hinihingi ng binabae.
Tumatanggi na si Daisy sa nais ni Ga ngunit tinatakot sila nito.
“Baka gusto n’yong hindi na kayo makauwi sa bahay n’yo? Saka alam ko kung saan nagtatrabaho ang nanay n’yo. Gusto n’yo bang hindi na siya makauwi pa dito? Marami akong koneksyon!” sambit ni Ga sa magkakapatid.
Dahil sa pangamba ay naging sunud-sunuran na sila sa nais ni Ga. Naging alipin na ang mga bata sa mapait at mala-impyernong mundo ng p0rnogr@piya. Walang kaalam-alam si Lorena at si Edna sa mga nangyayaring ito sa magkakapatid.
Hanggang sa isang araw ay tumawag si Edna.
“Nakapagpaalam na ako sa amo ko. Bibiyahe na ako ngayon pauwi. Ako na ang bahala sa mga anak ko na maghatid sa tatay nila. Nakausap ko na rin naman si Baldo,” wika pa ng ginang.
“Bahala ka na, basta dalian mo nang umuwi dito at nakukunsumi na ako sa mga anak mo! Sige na at may gagawin pa ako,” iritableng tugon naman ni Lorena sabay baba ng telepono.
Hinanap niya ang magkakapatid para sabihin sa mga ito na uuwi na ang kanilang ina. Nang hindi niya makita sa bakuran ay nagpatuloy na lang siya sa pakikipagtext sa kaniyang kasintahan.
Hatinggabi na nang makarating si Edna sa kanila.
“N-nasaan ang mga bata? Tulog na ba sila?” pagtataka ng ginang.
“Naku, nandoon sa computer shop ni Ga at nawiwiling mag-computer doon! Hindi ko na nga binibigyan ng pera pero nililibre ata nung si Ga!” sambit ni Lorena.
“Bakit naman hindi mo man lang sila sunduin? Hatinggabi na! Ganito ba lagi ang nangyayari sa tuwing wala ako?” naiinis na sambit naman ni Edna.
Ibinaba lang ni Edna ang kaniyang mga gamit at saka niya hinanap ang kaniyang mga anak. Papunta pa lang siya sa computer shop ni Ga ay masama na ang kaniyang kutob.
Nagtataka si Edna nang makitang sarado na ang computer shop ngunit bukas ang ilaw sa silid nito. Upang makasigurado ay hiningi niya ang tulong ng barangay. Hindi talaga kasi maganda ang nararamdaman niya.
Kinatok nila ang bahay ni Ga at narinig nila ang boses ng tatlong bata.
“Mga anak ko ‘yun! Hindi ako nagkakamali, boses ng mga anak ko ‘yun!” nag-aalalang sambit ng ginang.
Dahil nakita ni Ga na kasama ang mga awtoridad ay hindi na siya nagdalawang-isip na palabasin ang magkakapatid. Ngunit sinabihan niya ang mga ito na huwag sasabihin kahit kanino ang tunay nilang ginagawa dahil malalagot ang ina nilang si Edna.
Ngunit nang makita nila, Daisy, Joshua at Carlo ang kanilang ina ay mabilis silang nagsitakbuhan patungo rito. Nang mayakap nila ang ina ay patuloy na ang kanilang pagsusumbong sa kung ano talaga ang pinapagawa sa kanila ni Ga.
Hindi makapaniwala si Edna sa kaniyang narinig. Maging ang mga tauhan ng barangay ay nabigla at nagimbal sa mga sinabi ng bata. Agad nilang ginalugad ang lugar at doon nga ay napatunayan nila ang sumbong ng mga bata.
Nanlalambot ang tuhod ni Edna sa mga inamin sa kaniya ng tatlong anak. Halos gulpihin niya si Ga sa labis na sama ng loob.
“Wala kang puso! Napakasama mo! Paano mo naatim na kunin ang pagiging inosente ng mga bata? Sunugin sana ang kaluluwa mo sa impyerno!” bulyaw niya dito.
Pinagsabihan din ni Edna ang kapatid niyang si Lorena.
“Dahil sa kapabayaan mo, Lorena, tingnan mo ang nangyari sa mga anak ko! Kahit kaunting pagtingin ay wala ka man lamang ipinakita sa kanila! Anong klaseng tiyahin ka?!” umiiyak na sambit ni Edna.
Niyakap ni Edna ang magkakapatid at nagpasya siyang kahit kailan ay hindi na rin lilisanin ang tabi ng mga anak upang siya mismo ang magbantay at mag-alaga sa mga ito.
Masakit man kay Edna ang nangyari sa kaniyang mga anak ay kailangan nilang harapin ang bukas nang buong tatag ng kalooban. Nagsisisi si Edna dahil ipinagkatiwala niya ang kaniyang mga anak sa kapatid na wala ni katiting na malasakit para sa sarili nitong pamangkin.
Humihingi man ng kapatawaran si Lorena sa nakatatandang kapatid ay hindi na siya pinatawad nito. Tanging panahon na lamang ang makakapagsabi kung kailan maghihilom ang lamat sa pagitan ng magkapatid.