
Hindi Pinapansin ng Mister ang Palaging Pagkahilo ng Misis; Pagsisisihan Niya ang Kahihinatnan ng Asawa
“O, ‘tay, narito pala kayo? Nakatanggap po ako ng text mula kay nanay na nahihilo raw siya. Akala ko wala siyang kasama kaya umuwi ako kaagad,” humahangos na sambit ni Adrian sa kaniyang amang si Cardo.
“Sabi nga niya sa akin. Naroon sa kwarto at humiga sandali. Sa tingin ko ay umaarte lang ‘yang nanay mo dahil alam niyang aalis na naman ako. Hindi tuloy ako makapunta kina Pareng Tony,” naiinis na wika ng ama.
“Tutal pala, narito ka na, ikaw na ang tumingin sa nanay mo! Aalis na muna ako sandali at pupunta muna ako sa kumpare ko,” dagdag pa ng ama.
Agad na pinuntahan ni Adrian ang inang si Mirasol upang tingnan ang kalagayan nito.
“Ayos lang po ba kayo, ‘nay? Baka naman bumababa ang dugo n’yo?” pag-aalala ni Adrian.
“Ilang araw n’yo nang idinadaing ‘yang hilo n’yo. Baka kailangan na kayong magpatingin sa doktor,” sambit pa ng binata.
“Pagod lang siguro ito, anak, o hindi kaya ay sa mata ko. Maayos-ayos na rin naman ang kalagayan ko ngayon. Pasensiya ka na at pinag-alala pa kita, anak,” tugon naman ni Mirasol.
“Wala kayong dapat ipagpasensiya, ‘nay. Gusto n’yo ba, bukas ay samahan ko kayong magpatingin sa doktor nang sa gayon ay malaman natin ang tunay na dahilan ng pagkahilo n’yo? Baka naman buntis kayo, ‘nay, a!” pabirong wika pa ni Adrian.
“Ikaw talaga! Puro ka kalokohan. Mabubuntis pa ba ako sa edad kong ito?” natatawang sambit naman ng ginang.
“Sige na, anak. Itutulog ko na lang muna ang pagkahilo kong ito at kumain ka na muna ng hapunan. Paggising ko, tiyak ko’y ayos na ako,” wika pa ni Mirasol.
Labis na ang pag-aalala ni Adrian dahil ilang beses nang idinadaing ng kaniyang ina na madalas itong mahilo. Ayos naman daw ang presyon ng dugo ng ginang kaya hindi maintindihan ng mga ito kung bakit laging umiikot ang paningin nito. Minsan nga ay may pagkakataon pang hihimat@yin ito.
Kaya kinabukasan ay hindi na pumasok si Adrian sa kaniyang trabaho at sinamahan niya ang ina sa doktor sa mata. Pinagawan niya ito ng bagong salamin dahil tumaas daw ang grado ng salamin nito.
“Ayos na po ba ang pakiramdam n’yo, ‘nay? Hindi na kayo nahihilo? Dapat pala ay noon pa natin pina-check up ang mga mata n’yo,” tanong ni Adrian.
“Ayos naman na, anak. Siguro ay nag-aadjust na lang ang mga mata ko sa salamin na ito. Maraming salamat sa pagpapatingin mo sa akin. Nakompromiso mo pa tuloy ang trabaho mo,” sambit naman ng ina.
“Ayos lang po ‘yun, ‘nay! Wala pong anuman,” tugon naman ng binata.
Ilang sandali pa ay dumating na si Cardo mula sa kaniyang pamamasada. Napansin niya ang bagong salamin sa mata ng kaniyang asawa.
“Bagong antipara lang pala ang gusto mo, nag-iinarte ka pa ng ilang araw. Dapat sinabi mo na lang!” bungad ng mister.
“Tumaas daw po kasi ang grado sa mata ni nanay. Maaaring iyon daw po ang dahilan kung bakit siya nahihilo,” paliwanag naman ng anak.
“E ‘di hindi na ako makakarinig pa ng mga daing mo na nahihilo ka? Sige at ipagtimpla mo na ako ng kape at maghain ka na rin ng pananghalian. Aalis ako kaagad para mamasada ulit,” utos pa ni Cardo.
Tinulungan na lamang ni Adrian na maghain ang ina.
Ilang araw lamang tumigil ang pagsakit ng ulo at pagkahilo ni Mirasol. Hanggang isang gabi habang nagluluto ng hapunan ay nakaramdam na naman siya ng pag-ikot ng paningin.
“Cardo, ikaw na nga muna ang magtuloy ng niluluto ko. Hihiga lang ako sandali at hindi ko na talaga kaya. Nahihilo na naman kasi ako,” pakiusap ng ginang.
“Ikaw ang magluto! Hindi mo ba nakikita na nanonood ako ng basketball. May taya ako sa ending! Nakapusta pa ako sa isang koponan. Ikaw na at kailangan kong manood!” naiinis na sambit naman ni Cardo.
“Sige na, Cardo. Dadating ang anak mo at wala tayong kakaining hapunan. Ikaw na ang magtuloy at nahihilo lang talaga ako,” wika muli ni Mirasol.
“Kung itinuloy mo na ang niluluto mo at hindi ka na nagdadaldal pa riyan ay tapos na sana! Saka bakit nahihilo ka na naman? ‘Di ba nagpagawa ka na ng salamin? Talagang kapag nakikita mo akong nagrerelaks, may dinadaing ka, e ‘no!” iritableng wika naman ng mister.
“Masakit ang ulo ko, Cardo. Nahihilo rin ako. Hindi maganda ang pakiramdam ko kaya nakikiusap lang naman ako sa’yo,” wika muli ni Mirasol.
“Kapag ako minalas dito at hindi ako nanalo’y ikaw talaga ang may kasalanan! Bwisit na buhay ‘to! Minsan ka na nga lang maglibang ay dadaingan ka pa!” asar na asar na tumayo si Cardo mula sa panonood niya ng telebisyon upang ituloy ang niluluto ng asawa.
Hindi pa man nakakapasok sa silid si Mirasol ay bigla na itong nabuwal at nawalan ng malay.
“Hoy, Mirasol! Ano ba ang nangyayari sa’yo?! Gumising ka nga riyan!” sambit ng natatarantang si Cardo habang binubuhat ang asawa.
Nang hindi ito magising ay agad na niya itong dinala sa ospital. Nang malaman naman ni Adrian ang nangyari sa kaniyang ina ay agad itong dumiretso sa kinaroroonan ng mga magulang.
“May pumutok pong ugat sa utak ng asawa n’yo. Ginawa naman po namin ang lahat. Panahon na lang po ang makakapagsabi kung magigising pa siya,” wika ng doktor.
“Hindi ba siya dumadaing sa inyo kung kailan pa niya nararamdaman ang pagkahilo niya? Maaari kasi itong maagapan kung napasuri lang ito nang maaga. Ipagdasal na lang natin na magkaroon siya ng malay,” dagdag pa ng doktor.
Hindi makapaniwala ang mag-ama sa kanilang narinig. Napaluha na lamang si Adrian dahil nasa bingit pala ang buhay ng kaniyang ina. Samantalang si Cardo naman ay hindi na nakapagsalita pa dahil sa pagkagulat.
Hindi pa man inabutan ng bente kwatro oras sa ospital ay binawian na rin ng buhay si Mirasol. Labis ang lungkot na nararamdaman ni Adrian sa pagkawala ng ina.
Habang si Cardo naman ay labis ang pagsisisi kung bakit hindi niya pinansin ang mga daing ng kaniyang misis. Imbis na tugunan ang pangangailangan nito’y wala pa siyang ginawa kung hindi bulyawan ang asawa.
Ngayon ay naranasan ni Cardo ang buhay na wala sa piling niya si Mirasol. Dito niya napatunayan ang kahalagahan ng kaniyang asawa. Hanggang ngayon ay binabagabag pa rin ang kalooban ng ginoo dahil alam niyang hindi niya binigyan ng importansya ang yumaong asawa.