Inday TrendingInday Trending
Nag-away ang Dalawang Aplikante dahil sa Isang Matanda; Ito pala ang Magiging Dahilan sa Pagpili ng Bagong Manager

Nag-away ang Dalawang Aplikante dahil sa Isang Matanda; Ito pala ang Magiging Dahilan sa Pagpili ng Bagong Manager

Inip na inip na ang dalagang si Marjorie habang naghihintay ng kaniyang interview sa isang malaking grocery store. Nag-apply kasi siyang manager doon. Habang naghihintay ay may isang dalagang lumapit sa kaniya.

“Hi, miss! Dito ba ‘yung para sa interview?” tanong ng babae.

Tumango lamang na pa-ismid itong si Marjorie.

“Buti na lang pala at nakaabot ako. Sobra kasi ang bigat ng trapiko sa EDSA,” hinihingal na sambit pa ng dalaga.

“Ako nga pala si Kaye, nag-aapply ka rin dito bilang kahera?” tanong pa nito kay Marjorie.

Halata sa mukha ni Marjorie na ayaw niyang kausapin ang dalaga. Ngunit nang marinig niya ang tanong ng dalaga ay hindi maiwasan ni Marjorie ang sumimangot.

“Hindi lang basta kahera ang ina-aplayan ko. Narito ako para sa interview ko para maging manager ng buong grocery store na ito,” pagmamalaki naman ni Marjorie.

“Naku, napakaswerte ko naman pala at kasabay ko pa ang pwedeng maging boss ko. Ako nga po pala si Kaye. Medyo malayo nga sa amin ang lugar na ito pero ayos lang kasi kailangan ko ng trabaho. Kaka-graduate ko lang kasi,” pahayag pa ng dalaga.

“Pwede ba? Wala ka bang magandang asal? Hindi mo ba nararamdaman na ayaw kong kausap ka? Bakit daldal ka pa rin nang daldal?” sita ni Marjorie sa dalaga.

Natahimik na lamang si Kaye sa tinuran ng katabi.

Ilang sandali pa ay pinapasok na si Marjorie sa tanggapan upang kapanayamin.

Mataas ang bilib ni Marjorie sa kaniyang sarili na makukuha niya ang posisyon dahil bukod sa may experience na siya bilang isang assistant manager ay nakapagtapos pa siya sa isang prestihiyosong unibersidad.

Makalipas ang kalahating oras ay si Kaye naman ang kinapanayam. Saglit lamang kinapanayam si Kaye dahil kahera lang naman daw ang inaaplayan nito.

“Parehas na lang namin kayong tatawagan upang malaman n’yo kung nakapasa ba kayo. Maraming salamat sa oras ninyo,” saad ng HR staff.

Bago umuwi ay lumibot muna sandali si Marjorie upang mamili. Nais din niyang tingnan ang mga sulok ng grocery na maaari niyang pamahalaan.

Habang namimili siya ay isang matanda ang hindi sinasadyang nakabunggo sa kaniya. Nalaglag ang mga dala niyang inumin.

“Ano ba naman ‘yan! Hindi mo kasi tinitingnan ang nilalakaran mo!” bulyaw ni Marjorie sa matandang lalaki.

Napansin ni Marjorie na naka-uniporme ang matanda at nagtatrabaho bilang trabahador sa grocery.

“Pasensiya na po. Hindi ko kasi kayo napansin. Sinasalansan ko kasi ang mga inuming ito,” paumanhin ng matandang lalaki.

“Ikaw ang magbayad ng inumin na ‘yan dahil hindi ko babayaran ‘yan. Ikaw ang may kasalanan bakit ‘yan natapon!” pagtataas pa ng boses ni Marjorie.

Patuloy pa rin sa paghingi ng tawad ang matanda.

Sa hindi kalayuan ay naroon din pala ang dalagang si Kaye at nagmamasid din sa grocery. Nang marinig niya ang komosyon ay agad niya itong pinuntahan.

“Ano po ba ang nangyari dito?” tanong ni Kaye sa dalawa.

“Iyang matanda kasi na ‘yan, hindi tumitingin sa dinadaanan niya. Nalaglag at natapon tuloy ang inumin na bibilhin ko dapat! Kapag talaga naging manager ako sa lugar na ito ay una kong tatanggalin ang mga matatandang gaya niya. Hindi na makakatulong sa pag-unlad ng grocery na ito ang mga taong nasa edad niya! Malamang ko ay naawa na lang ang kompanya d’yan kaya binigyan ng trabaho e!” sambit pa ng dalaga.

“Ang sakit mo namang magsalita, ma’am. Kung kayo naman pala ang magiging boss ko dito ay hindi na lang din ako tutuloy pa na magtrabaho dito. Mahirap na ang namumuno ay walang puso. Humingi na nga ng pasenisya sa iyo ang matandang ito’y kala mo kung sino kang ayaw magpatawad!” naiinis nang tugon ni Kaye.

“Ganito na lang, ma’am, ako na ang magbabayad niyang natapong inumin. Hindi naman siguro ako maghihirap kung aakuin ko ‘yan. Itigil mo na ang pagsasalita nang masakit dito sa matanda dahil tulad natin ay pinipilit lang niyang magtrabaho nang marangal,” dagdag pa ng dalaga kay Marjorie.

Dahil patuloy na ang sagutan at komosyon ay hindi na naiwasan pa ng mga guwardiya at ilang staff na tumingin sa nangyayari.

Inawat na si Marjorie at Kaye ng mga nagtatrabaho doon. Sakto naman na parating na ang may-ari ng naturang grocery.

“A-anong kaguluhan to? Anong nangyayari dito?” pagtataka ng may-ari.

“Pa, ano po ang nangyari sa inyo? Ayos lang po ba kayo?” tanong pa ng ginoo sa matanda.

Nagulat si Marjorie at Kaye sa kanilang narinig.

“”Pa? T-tatay n’yo po ang matandang ito?” nauutal na tanong ni Marjorie sa ginoo.

Tumango naman ang may-ari ng grocery.

“Kung tatay n’yo po siya ay bakit po siya nagsasalansan ng mga delata? Bakit po siya nagtatrabaho dito?” tanong naman ni Kaye.

“Ganito talaga ang papa ko. Walang umaga na hindi siya pumunta dito sa grocery upang mag-ayos ng ilang paninda. Alam n’yo kasi, nagsimula lang ang papa ko bilang tagasalansan ng mga delata at prutas sa isang grocery. Nagsikap siya hanggang sa nakapagpatayo siya ng sarili niya hanggang sa napaunlad niya ito. Nang tumanda na siya ay ipinasa na niya sa aming magkakapatid ang pamamahala ng mga groceries namin sa buong Pilipinas. Noong una ay ayaw namin talaga siyang payagan sa ginagawa niya pero ito ang nagpapalakas sa papa ko,” pahayag naman ng ginoo.

Nang malaman ng may-ari ang tunay na nangyari ay nadismaya ito kay Marjorie. Lubos naman ang paghanga niya sa ipinakitang katapangan at kabaitan ni Kaye sa pagtatanggol sa kaniyang ama.

“Ms. Marjorie Salazar, hindi ko hahayaan na isang tulad mo ang mamuno sa grocery na ito. Hindi bagay ang pag-uugali mo sa misyon at bisyon ng aming kompanya. Pasensiya ka na pero makakaalis ka na,” saad ng may-ari sa dalaga.

“Ikaw naman, Ms. Kaye Ramos, hindi ko rin matatanggap ang aplikasyon mo bilang kahera,” wika muli ng ginoo.

Napayuko naman si Kaye. Nauunawaan niya dahil alam niyang naging palengkera siya sa pakikipag-away kay Marjorie kanina.

“Nais ko sana na ikaw na ang maging manager ng grocery na ito. Kailangan ko ang tulad mo na may malasakit sa kapwa. Ganyan kasi ang papa ko, may malasakit siya sa lahat ng bagay at sa lahat ng tao. Malayo ang mararating mo, Ms. Kaye. Maraming salamat sa ginawa mo para sa papa ko,” wika pa ng may-ari.

Nabigla si Kaye sa sinasabing ito ng ginoo. Hindi niya akalain na pumunta siya doon upang mag-apply bilang isang kahera ngunit uuwi siyang ganap na manager na ng naturang grocery store.

Labis ang tuwa ni Kaye habang hindi pa rin makapaniwala si Marjorie. Labis niyang napahiya sa nangyari.

Tunay ngang may gantimpalang nakalaan para sa mga may ginintuang puso.

Advertisement