Inday TrendingInday Trending
Magkasama Silang Nangarap Noon na Yumaman, Ngunit Nang Mangyari ang mga Pinangarap Nila’y Nagbago ang Ugali ng Asawa; Dapat pa ba Siyang Manatili sa Piling Nito?

Magkasama Silang Nangarap Noon na Yumaman, Ngunit Nang Mangyari ang mga Pinangarap Nila’y Nagbago ang Ugali ng Asawa; Dapat pa ba Siyang Manatili sa Piling Nito?

Numugto ang mga mata ni Alma habang nakayukong nakaupo sa sofa ng bahay nila. Kagabi pa niyang hinihintay ang pag-uwi ng kaniyang asawang si Fernan, ngunit alas-diyes na ng umaga’y hanggang ngayon ay wala pa rin ito sa bahay nila.

Hindi niya alam kung saan ito nagpunta, dahil ang paalam lamang nito sa kaniya kahapon ay may importante lang na pupuntahan. Gaano nga ba ka-importante ang pupuntahan nito’t hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nakakauwi.

Nang tumunog ang pintuan sa labas ay agad na umangat ang ulo ni Alma, tama nga ang kaniyang hinala na sa wakas ay dumating na ang kaniyang asawa. Nang makita ito’y agad siyang tumayo upang kausapin ito.

“Saan ka nanggaling nang magdamag, Fernan? Gaano ka-importante ang pinuntahan mo’t ngayon ka lamang nakauwi? Saan ka natulog ha!?” Nanggigigil niyang sunod-sunod na tanong sa asawa.

“Ano ba naman, Alma! Kita mo namang kadarating ko lang ta’s ganyan agad ang salubong mo sa’kin!” galit na sagot nito habang ang kilay ay pinag-isang linya.

Ito pa ngayon ang galit? Matapos itong hindi umuwi nang buong magdamag.

“Sagutin mo muna ang mga tanong ko sa’yo!” aniya. “Hindi mo ba alam na hinintay kita magdamag, Fernan!”

Inilapag muna nito ang baso ng tubig saka siya nilingon. “Sino ba naman kasi ang nag-utos sa’yong hintayin ako! Dala ko ba ang kama’t unan para hindi ka matulog? Huwag mo nga muna akong inisin, Alma!” galit pa rin nitong tugon sa kanya.

“Ikaw pa ngayon ang may ganang magalit sa’kin, Fernan?” puno ng emosyong sambit ni Alma. “Gusto ko lang malaman kung saan ka nanggaling ng buong gabi. Hindi ka umuwi kaya malamang mag-aalala ako at kasabay ng pag-aalala ko’y magtatamang hinala ako! Ano bang gusto mong isipin ko sa ginawa mo? Matuwa ako? May selpon ka pero hindi kita makontak, kapag tinatawagan ka naman ay hindi ka sumasagot,” diretsong litanya ni Alma.

“Nasa kotse lang ako, Alma. Nag-ikot-ikot,” iwas nito.

“Mas pinili mo pang manatili sa kotse mo kaysa umuwi sa bahay natin?” hindi makapaniwalang sambit ni Alma.

Gusto niyang humagulhol ng iyak at magwala, ngunit pagod na siya. Hindi lang ito ang unang beses na ginawa Fernan sa kaniya ang iwanan siya sa bahay nila. Mula noong umangat ang buhay nila’y tila doon na rin nagsimulang lumayo sa kaniya ang asawa. Ang palaging dahilan nito’y may aasikasuhin, kung hindi naman gano’n ay sinasabi nitong mag-iikot-ikot lang dala ang sasakyang nabili nila isang taon na mahigit.

Gusto niyang magpasalamat dahil sa wakas hindi na sila nahihirapang dalawa pagdating sa pera, dahil sa negosyong naitayo niya na agad ring umusbong sa awa ng Diyos. Pero sa kabila no’n ay nais niyang magsisi kung bakit pa sila yumaman, kasabay kasi no’n ang pagbabago ni Fernan.

“Alam mo, Fernan, hindi na ako sigurado kung kilala pa rin ba kita o sadyang nagbago ka mula noong nagkaroon tayo ng sapat na pera,” aniya.

“Minsan mas gusto kong hilingin na sana bumalik tayo sa dati, noong mga panahong walang-wala tayo at tanging ang isa’t-isa lamang ang nasasandalan natin. Noong mga panahong iyon ay hindi mo ako iniiwan-iwan at binabalewala, ramdam na ramdam kong sa’kin umiikot ang mundo mo at mahal na mahal mo ako. Pero hindi ko na maramdaman ang mga bagay na iyon ngayon, Fernan,” puno ng emosyong pahayag ni Alma.

Agad namang umasim ang mukha ni Fernan sa mga sinabi ni Alma. “Alam mo, Alma, nasa isip mo lang ang lahat nang iyan,” anito.

“Nagbago ka nang talaga,” patuloy sa wika ni Alma. “Hindi na ikaw ang Fernan na minahal ko noon.”

“Sus! Pagod ako, Alma,” patuloy sa pambabalewala nito.

“Noon hindi ako naniwalang kagaya ka rin ng ibang lalaki. Inisip kong naiiba ka, kaya nga kita minahal. Pero ngayon napatunayan kong pareho ka lang rin pala sa maraming lalaking nakilala ko. Nilamon ka na ng pera, Fernan, nakalimutan mong kasama mo ako noong naghihikahos ka, ngayong nakakaangat ka na’y tila hindi mo na ako kailangan. Sana kapag nawala ako sa piling mo’y magising ka sa katotohanang mali na ang ginagawa mo sa’kin at sana sa mga panahong iyon tuluyan ka nang hindi mahalin ng puso ko!” matigas na wika ni Alma saka tinalikuran ang asawa at kinuha ang bagaheng kanina pa niya inihanda.

Desidido na siya! Aalis na siya sa poder ni Fernan. Sawang-sawang na siya sa pagbabago nito at sa malamig na pakikitungo nito sa kaniya. Handa siyang sayangin ang labing dalawang taon nilang pagsasama kung halos ikam@tay naman niya ang pagtrato nito sa kaniya. Hindi man siya sinasaktan ng pisikal ni Fernan, pero higit pa sa pananakit na pisikal ang ginagawa nito sa kaniyang emosyon.

Malalaman mo ang tunay na pagmamahal ng isang babae sa panahong walang-wala ang isang lalaki. Malalaman mo naman ang tunay na pagmamahal ng isang lalaki sa panahong nasa kaniya na ang lahat. Kung totoong mahal mo, nasa’yo man ang lahat ay walang rason para magbago ka.

Advertisement