Napagod ang Binatang Manligaw sa Dalaga Kaya Naghanap Ito ng Ibang Liligawan; Ito Pala ang Malalim na Dahilan ng Dalaga
Bibili sana si Andrea sa tindahan ni Aleng Mameng nang mapansin niya ang pamilyar na rebulto ng isang lalaki habang may kausap na babae at tila sweet na sweet habang panay ang kilitian ng dalawa.
Naisip niyang umatras na lamang at sa ibang tindahan na lang bibili ngunit agad ring binawi ang naunang desisyon. Bakit siya iiwas? Hindi ba’t wala naman siyang atraso sa mga ito? Imbes na umatras at umiwas ay ipinagpatuloy niya paghakbang patungo sa tindahan upang bumili.
“Aleng Mameng, pabili po ng isang kondesada at isang evap, pasabay na rin po ng shampoo at conditioner,” aniya.
Gagawa ng salad ang mama niya dahil kaarawan ngayon ng kaniyang bunsong kapatid kaya iyon ang iniutos nitong bilhin niya, isinama niya rin ang kailangan niyang gamitin sa pagligo.
“Hi, Andrea,” nakangising bati ni Vincent sa kaniya.
Manipis siyang ngumiti bilang pagtugon sa pagbati nito saka muling itinuon ang tingin sa loob ng tindahan ni Aleng Mameng.
“Nga pala, Andrea, ipapakilala ko pala sa’yo si Honey, ang nobya ko,” anito.
Talaga bang nang-aasar ang lalaki sa kaniya? Hindi naman siya interesadong makilala ang nobya nito. Ngunit kaysa maging bastos ay nilingon niya ang gawi ng babae saka matamis na nginitian, bilang pagrespeto.
Bakit naman kasi ang bagal-bagal ni Aleng Mameng na ibigay ang binibili niya nang makaalis na siya sa tindahan nito’t maipagpatuloy na ng dalawa ang naudlot na harutan.
“Pasensiya ka na pala, Andrea kung hindi ako nagtiyaga sa panliligaw sa’yo. Limang buwan na rin kasi kitang nililigawan ngunit hanggang ngayon ay hindi mo pa rin ako sinasagot, kaya napagod ako. Pasensiya ka na talaga,” anito.
Nahihimigan ni Andrea sa tono nito ang sinserong paghingi ng tawad, ngunit imbes na matuwa’y tila nainsulto pa siya sa ginawa ni Vincent. Hindi n’ya kailangan ang pasensiya nito. Wala naman sa kaniya kung hindi na nito kayang hintayin siya, at totoong masaya naman siya dahil sa wakas ay nagkaroon na rin ito ng nobya, kahit hindi man siya iyon.
“Nang niligawan ko si Honey ay hindi niya ako pinahirapan kagaya ng ginawa mo,” dugtong nito na mas lalong nagpataas ng sung@y ni Andrea. “Si Honey ang dahilan kaya itinigil ko na ang panliligaw sa’yo. Sana Andrea, sa susunod kapag may manliligaw sa’yo ulit ay huwag mo nang pahirapan nang sobra, hindi naman ang ligawan ang pinapahaba, kung ‘di ang relasyon.”
Kung nakikita lamang ngayon ni Vincent ang totoo niyang nararamdaman ay baka natakot na ito. Kanina pa siya nag-aapoy sa galit dahil sa mga pinagsasabi nito, kung pwede nga lang niya itong sapakin ay ginawa na niya.
“Alam mo Vincent, okay lang naman talaga sa’king hindi naging tayo at naging kayo ni Honey, sa totoo lang ay masaya ako sa inyong dalawa. Pasensiya ka na rin kung pinahirapan man kita sa panliligaw mo. Kung naniniwala ka sa kasabihang hindi ang panliligaw ang pinapatagal kung ‘di ang relasyon, naniniwala rin ako sa kasabihang kapag may tiyaga may mailalaga.
Hindi mo nga napagtiyagaan ang panliligaw, mapagtatiyagaan mo pa kaya ang pagpapatagal sa relasyon? Salamat dahil sa simula pa lang ay nalaman ko nang wala kang tiyagang tao. By the way, Vincent, to be honest I’m so happy for the both of you. Hindi ko kayo hinuhusgahan, pero hindi lang siguro talaga pasado sa’kin ang lalaking walang consistency, pasensiya ka na,” mahabang wika ni Andrea.
Gusto niyang ipaalam sa lalaking hindi siya nanghihinayang sa kagaya nitong hindi marunong magtiyaga at gusto yata’y lahat ay makuha kaagad nang hindi man lang nahihirapan. Paano pala kung naging sila na? Gusto nito na palagi na lang silang masaya, kapag mahirap na ang sitwasyon ay hahanap ito ng malalabasan at iiwan siya, dahil ayaw nito ng mahirap na proseso. ‘Di baleng huwag na siyang mag-dyowa!
“Tama lang iyan, Anding. Huwag kang mag-dyowa ng mga taga-rito lang sa’tin. Sus! Huwag ka nang dumagdag pa sa mga kapitbahay nating nagkandalosyang-losyang noong napangasawa ang taga-rito lang din. Bata ka pa’t maganda, kaya maraming magkakandarapa sa’yong gwapo’t may perang lalaki,” singit ni Aleng Mameng.
Gustong matawa ni Andrea sa ale, kahit kailan talaga’y may pagka-tsismosa rin ang matandang ito. Pero tama naman si Aleng Mameng, hindi lang naman si Vincent ang lalaki sa mundo.
“Oh! Heto na ang binili mo, Anding,” ani Aleng Mameng.
Sa wakas ay naihanda na rin ni Aleng Mameng ang kaniyang mga pinamili. Matapos bayaran ay nakangiting nagpaalam siya kay Vincent at Honey na halata ang inis sa mga mata.
Walang nawala sa kaniya, kaya anong ikapanghihinayang niya? Siya ay higit pa sa sapat para sa taong matiyagang makakapaghintay sa kaniya.