Imbes na Suotin at Pagsawaan ang mga Biniling Damit ay Ginagawa Nito Iyong Koleksyon at Itinatago Upang Hindi Masira; Isang Payong Kaibigan ang Magpapabago ng Paniniwala Nito
Malapad ang ngiti sa labi ni Marcus habang bitbit ang isang malaking supot na sa kaniyang palagay ay mamahaling damit ang laman, base iyon sa tatak ng dala-dala nitong supot.
“Oh! Masayang-masaya ka yata ngayon, Marcus?” Usisa niya sa kaibigan.
“Oo, Daryll, kasi alam mo bang sa wakas nabili ko na rin ang damit na matagal ko nang hinahanap?” masayang wika nito sabay angat ng dalang supot sa kaniyang harapan. “Imported ito’t galing sa ibang bansa kaya medyo may kamahalan. Pero worth it naman, kasi talagang magandang klase at dekalidad talaga ang damit na ito,” aliw na dugtong pa ng kaibigan.
Halata sa mukha ni Marcus ang pananabik at saya sa nabiling damit. Hindi man niya maintindihan ang sayang naramdaman nito pero kahit gano’n ay sinusuportahan niya ang kaibigan, dahil para sa kaniya’y ito ang nais nito kaya wala siyang karapatan para basagin iyon.
“Talaga? Masaya ako sa’yo, Marcus,” nakangiti niyang wika.
“Alam mo ba, Daryll, last item na lang ito. Mabuti nga’t umabot ako,” anito.
“Patingin nga niyang kinaaaliwan mong damit,” muli’y nang-uusisa niyang sambit. “Ilang beses na kitang napansin na halos mabaliw-baliw ka sa kakahanap ng damit na iyan. Ano bang mayroon d’yan?”
Totoong hindi niya maintindihan ang hilig nito, kasi kung titingnan ay normal lang naman ang damit na kinaaaliwan nito. Marami nga siyang nakikita sa bangketang nagbebenta ng gan’tong klaseng damit, ‘di hamak na mas mura pa.
“Ang design kasi nito sa gilid ang kinaaaliwan nang mga kagaya kong collector ng mga ganitong klaseng damit, Daryll. Kung fan ka ng anime ay mauunawaan mo ako,” anito.
“Kahit hindi kita naiintindihan, Marcus, ay sinusuportahan naman kita d’yan sa trip mo. Sadyang nagtataka nga lang talaga ako paminsan-minsan. Hindi ko lang talaga lubos maisip kung bakit kailangan mong hagilapin ang ganiyang klaseng damit na iyan at handa kang mag-bayad ng malaking pera makuha lang iyan, tapos ang mas nakakapagtaka pa’y hindi mo rin naman sinusuot,” prangkang wika ni Daryll.
Ngumiti si Marcus saka binuklat ang loob ng supot at tinitigan ang nakabalot pang damit. “Koleksyon ang tawag sa ginagawa ko, Daryll,” maiksing sagot nito.
“Para saan?” Puno pa rin ng kuryusidad niyang sambit. “Ang ibig kong sabihin ay para kanino mo iyan ginagawa? Para sa sarili mo?”
“Masaya na kasi ako kapag tinititigan ko ang mga koleksyon kong damit,” anito.
“Alam mo, Marcus, payong kaibigan lang naman itong sa’kin. Para sulit talaga ang pagbili mo sa mga damit na iyan ay isuot mo. Kahit once in a month lang basta napakinabangan mo,” aniya sabay akbay sa kaibigan.
“Sabi nga nang iilan ay you only live once, kaya dapat ituring mo ang bawat araw na siya na ring huling araw mo sa mundo. Hindi natin alam baka bukas wala na tayo sa mundo, hindi naman natin hawak ang buhay natin. Kaya imbes na itago’t i-display mo sa loob ng bahay niyo ang mga binili mong damit na iyan. Suotin mo, pagsawaan mo, ipakita mo sa ibang tao para mas maappreciate nila ang ganda ng damit mo. Hindi iyong itinatago mo lang kasi para sa’yo’y koleksyon ang mga iyan. Kapag nam@tay ka, hindi mo madadala ang mga iyan sa hukay mo, kaya habang ngayon na nabubuhay ka pa, pakinabangan mo na para hindi man lang masayang. Lahat nang bagay dito sa mundo ay pansamantala lamang, Marcus, kay imbes na itago iyan suotin mo’t pakinabangan. Kung maluma man dahil sa paggamit mo, at least nagamit mo,” mahabang paalala ni Daryll sa kaibigan.
“Hindi ako kontra sa trip mo sa buhay, Marcus, sadyang nakakapanghinayang lang talaga ang ganda ng damit kung nakatago lang ito sa loob ng bahay mo. Alam mo ba kung ano ang mas magandang ipunin sa buhay?”
“Ano Daryll?” puno ng kuryosidad niyang tanong.
“Mga alaala ng kapwa natin— mga mabubuting alaala nila sa’tin kung paano natin sila pinapakitunguhan araw-araw, iyon ang mas magandang gawing koleksyon habang nabubuhay tayo. Ang gamit kapag nawala tayo sa mundo, wala na rin namang pakinabang ang mga iyan. Pero ang alaala ng mga taong mahal mo sa buhay o kahit ng mga taong nagawan mo ng mabuti habang nabubuhay ka, mananatili iyan sa puso’t isip nila kahit p@tay ka na,” nakangiting wika ni Daryll.
“Gusto ko sanang pumalag sa lahat nang sinabi mo sa’kin, Daryll, kaso napag-isip-isip ko rin na may punto ka rin naman sa sinabi mo,” sang-ayon ni Marcus. “Hayaan mo susubukan kong gamitin ang mga damit na ito, kahit once a month lang,” nakangiting dugtong nito.
Agad namang tinapik sa balikat ni Daryll ang kaibigan at sabay silang nagtawanan.
Lahat nang bagay dito sa mundo ay pansamantala lamang. Ang tanging permanente ay pagmamahal ng mga taong napamahal sa’yo habang ikaw ay nabubuhay pa. Walang masama sa mga taong mahilig mangoleksyon ng kung ano-anong bagay, pero kung itatago niyo lamang ito at hindi gagamitin, ano pang silbi ng pagbili niyo sa bagay na iyon?