Inday TrendingInday Trending
Nag-viral sa Social Media ang Post ng Isang Netizen Tungkol sa Kanilang Barangay na Hindi raw Namimigay ng Tamang Ayuda; Babalik pala sa Kaniya Agad ang Karma

Nag-viral sa Social Media ang Post ng Isang Netizen Tungkol sa Kanilang Barangay na Hindi raw Namimigay ng Tamang Ayuda; Babalik pala sa Kaniya Agad ang Karma

Nakatanggap ng food pack mula sa kanilang barangay sina Aling Gloria noong isang araw na naglalaman ng dalawang kilong bigas, ilang piraso ng mga delatang ulam, noodles, itlog, powdered milk, sabon, alcohol, at tatlong pirasong face masks… ngunit imbes na matuwa ang ginang at agad na magpasalamat ay nagawa pa nitong ikumpara ang kaniya sa natanggap ng kanilang kapitbahay pagkaalis na pagkaalis ng mga kawani ng barangay sa kanilang compound.

Inis na inis pa siya dahil may kasamang vitamins ang food pack na natanggap ng kanilang kapitbahay, samantalang ang kanila ay wala!

“Aba! Nasaan ang equality?” palakat niya bago siya pasalampak na umupo sa kanilang malambot na sofa.

“Mama, hayaan n’yo na. Alam kasi ng mga kabarangay natin na si Papa, sa pharmacy nagtatrabaho at nakakatanggap tayo ng buwanang supply ng libreng vitamins mula sa pharmacy na ’yon kaya siguro hindi na tayo binigyan,” mahinahon namang paliwanag ni Glen, panganay na anak ni Aling Gloria.

“Kahit na! Hindi ba dapat, pantay-pantay lang ang bigayan? Bahala sila! Ipo-post ko ito sa social media!” ngunit galit pa ring giit ni Aling Gloria na ipinaglalaban pa rin ang kaniyang baluktot na pangangatuwiran.

“Mama naman! Hindi na lang ho kayo magpasalamat na tayo, higit pa sa tatlong beses kung kumain kada araw. Masarap pa ang ulam! May malambot ho kayong inuupuan at maayos na tinutulugan, samantalang iyong mga kapitbahay natin, suwertihan na lang kung makakain sila ng dalawang beses kada araw dahil sa krisis na nangyayari ngayon sa mundo!” Halatang hindi sang-ayon ang kaniyang anak sa katuwiran ng sariling ina, ngunit talagang ayaw patinag ni Aling Gloria.

“Manahimik ka riyan Glen at baka ika’y tsinelasin ko! Huwag mo akong pakialaman! Dinadagdagan mo pa ang init ng ulo ko!” Nangingibit pa ang pisngi ng ginang dahil sa galit. Dahil doon ay wala na tuloy nagawa si Glen kundi ang mapailing sa asal at lohika ng kaniyang ina.

Itinuloy ni Aling Gloria ang pagpo-post sa social media ng isang malisyosong balita tungkol sa kanilang barangay. Nakasaad doon na ’di umano ay namimili lamang ng bibigyan ang kanilang barangay at tanging ang mga ‘may kapit’ lamang sa tanggapan ang siyang ipina-prioritize ng mga ito! Hindi akalain ng ginang na, sa loob lamang ng bente kwatro oras, ay agad na magba-viral ang kaniyang post at aani ng pambabatikos ang kanilang barangay mula sa mga nakakita nito!

Wala siyang kamalay-malay na habang siya ay nakikipag-tsismisan sa labas ng kanilang tahanan—nang walang suot na face mask na animo walang protocol na bawal lumabas ng bahay, dahil sa lockdown—ay nakarating na pala sa kanilang kapitan ang nangyari!

Agad na ikinagalit ng kapitan ang naturang post gayo’t kilala pa man din itong mahusay at maayos na pinuno ng kanilang barangay. Nagpalabas ito ng official statement tungkol sa issue. Pagkatapos ay wala itong inaksayang sandali at agad siyang pinuntahan sa kanilang compound upang kausapin.

Gulat na gulat si Aling Gloria nang bisitahin siya nang personal ng kanilang kapitan, kasama ang iba sa mga tanod nito, upang tanungin kung totoo ba ang nakasaad sa kaniyang post, kung saan sinabi niyang ‘hindi siya nakatanggap ng anumang ayuda’ mula sa kanilang barangay!

Hindi nakasagot si Aling Gloria dahil alam niya mismo sa kaniyang sarili na hindi iyon totoo! Agad siyang namutla. Tila nawalan ng dugo ang kaniyang mukha lalo na nang ipakita sa kaniya ng kanilang kapitan ang video footage ng aktwal na pamimigay ng ayuda ng mga kawani ng barangay kung saan kitang-kita siya habang tinatanggap ang food pack na para sa kanila!

“E, k-kap, totoo naman ho na kulang ang ibinigay na ayuda sa akin ng kawani ninyo. W-wala po kasing kasamang vitamins ’yong sa amin,” dahil wala nang maisip na sasabihin ay katuwiran ni Aling Gloria sa kapitan na tila lalo lamang nagpainit sa ulo nito.

“Susmariyosep, Aling Gloria! Nagiging patas amang ho kami sa lahat! Kayo naman ho ay nakatatanggap ng buwanang supply ng libreng bitamina mula sa pinagtatrabahuhan ng inyong asawa, bakit hahangarin n’yo pa ang ipamimigay ng barangay? Isa pa ho, alam ba ninyo na ang bitamina ay ibinibigay lamang ho namin sa mga pamilyang mayroong mga miyembrong bata, matanda, buntis at may kapansanan? O ’di kaya’y iyong mga mayroong mahihinang pangangatawan! Tatatlo lang ho kayo sa loob ng tahanan n’yo, pare-pareho pang malalakas at may mga trabaho… kaya naman iyong para sa inyo ay ipinasya kong idagdag na lamang sa mas nangangailangan!” mariing paglilitanya pa ng kapitan na siyang sumupalpal sa reklamador na si Aling Gloria!

Matapos ang pag-uusap na iyon ay nagkaroon ng panibagong viral post kung saan ipinakita ang panenermon ng kapitan kay Aling Gloria, kaya naman ngayon ay bumalik sa kaniya ang pambabatikos ng mga tao! Labis na pinagsisihan ng ginang ang kaniyang nagawa dahil maging ang kaniyang mag-ama ay nadamay at napahiya kaya ngayon ay masama ang loob nila sa kaniya! May karma talaga ang pagiging sakim!

Advertisement