
Walang-Wala na nga ay Nakuha pa ng Isang Matanda na Magbigay ng Tulong; Isang Malaking Biyaya ang Naghihintay sa Kaniya
“Isay! Nasaan ang Lola Lydia mo? Ang sabi niya ay ngayon daw siya magbabayad ng nakuha niya sa aking bigas at de lata noong isang araw? Patung-patong na ang utang n’yo sa tindahan ko, aba’y mahiya naman kayo! Hindi ako charity!” sita ni Aling Tess sa bata nang makita ito sa labas ng tindahan.
“W-wala pa po kasi ang lola ko. Pumunta po ng palengke dahil bumili po siya ng gagamiting sangkap sa ilalako namin bukas,” nahihiyang tugon ng batang si Isay.
“Tingnan mo ‘yang lola mo, may pangbili ng sangkap tapos ay walang pambayad dito sa utang niya! Hindi na kamo kayo ulit makakautang pa rito!” bulyaw ng ginang.
Napayuko na lamang si Isay na umuwi ng kanilang bahay.
Wala nang mga magulang itong si Isay. Tanging ang kaniyang Lola Lydia na lamang ang kasa-kasama niya sa buhay. Mahirap man ang kanilang katayuan ay pilit na itinataguyod ng matanda ang kaniyang apo. Wala itong pakialam kahit na magkanda kuba siya sa pagtatrabaho basta matugunan lang niya ang mga pangangailangan ng bata.
Bilang ganti naman ay pinaghuhusayan ni Isay ang kaniyang pag-aaral. Madalas din siyang kasa-kasama ng matanda sa paglalako ng kanilang paninda. Sa pagkakataong ito ay nagtitinda si Lola Lydia ng lutong biko.
Pag-uwi ni Lola Lydia ay agad na sinalubong ito ng apo upang magmano. Tinulungan din ng bata ang kaniyang lola sa mga pinamili nito. Saka siya kumuha ng tamang pagkakataon upang sabihin sa matanda ang pinapasabi ni Aling Tess.
“Pasensiya ka na, apo, at ikaw pa ang napagbalingan niyang si Tess. Kapag naubos natin itong biko ay may pangbayad na ako sa kaniya. May pambili na tayo ng makakain natin bukas,” nakangiting wika ng matanda.
“Lola, huwag na lang po kaya akong pumasok sa paaralan? Tulungan ko na lang po kayo sa pagtitinda. Saka para wala na lang po kayong alalahanin na iba pang gastusin,” saad ni Isay.
“Napakagaan lang kung tutuusin ang gastos sa eskwela mo, Isay, kung ikukumpara sa kaalamang makukuha mo. Saka isa pa, iyan ang susi mo para sa magandang kinabukasan. Hayaan mo na akong magtinda at malakas pa naman ako. Kapag wala ka na lamang pasok saka ka sumama sa akin,” sambit naman ni Lola Lydia.
Sa totoo lang ay hindi na alam ni Isay ang sasabihin sa kaniyang lola. Napakabait nito at ramdam niya ang pagmamahal nito palagi. Lahat ng pagmamahal na kinasasabikan niya sa mga yumaong magulang ay naibibigay ng matanda.
Kinabukasan, paglabas pa lang ng bahay ni Lola Lydia upang magtinda ng biko ay agad na siyang sinigawan ni Aling Tess upang singilin.
“Hindi ba sinabi ng apo mo na naniningil na ako? ‘Yan ang problema sa mga nangungutang, ‘pag utangan ay magaling mangako at nakakaawa. Tapos kapag oras na ng bayaran ay hindi ka na papansinin pa! Magbayad ka naman ng kusa, Lydia!” sigaw ni Aling Tess sa matanda.
“Uubusin ko lang itong biko ko, Tess, bago ako umuwi ng bahay ay dadaan ako sa tindahan mo upang magbayad. Pangako ko ‘yan. Pasensiya ka na at gipit lang talaga ako,” pakiusap ng matanda.
“Basta magbayad ka! Hay, iba na talaga ang mga nangungutang ngayon! Hindi na marunong mahiya, ang kakapal pa ng mukha!” pagpaparinig pa ng ginang.
Nagsimulang suyurin ni Lola Lydia ang kanilang lugar kahit sa ilalim ng matinding init ng araw. Dahil sa katandaan ay hirap na rin itong kumilos. Buong lakas siyang sumigaw para marinig ng ilan ang kaniyang tinda na nasa dala niyang bilao.
Ang hindi alam ni Lola Lydia ay sinusundan siya ng kaniyang apong si Isay. Hindi na ito pumasok pa dahil sa kagustuhan niyang samahan ang lola niya sa paglalako ng tinda nito.
Ngunit hindi pa man nagtatagal sa paglalako si Lola Lydia ay may isang rumaragasang tricycle ang muntik nang makabundol sa kaniya. Sa kasamaang palad ay tumilapon ang bilao maging ang mga laman nitong biko.
Napabuntong hininga na lamang si Lola Lydia habang pinupulot ang kaniyang paninda. Nang makita ni Isay ang nangyari sa matanda ay nangilid ang kaniyang mga luha. Hanggang sa hindi na niya kaya pang makita ang kaniyang lola sa gano’ng katayuan. Agad siyang lumapit sa matanda upang tulungan ito.
“Tara na po, lola, umuwi na po tayo,” saad ni Isay sa kaniyang Lola Lydia.
“A-anong ginagawa mo dito? H-hindi ba dapat ay nasa paaralan ka? Bakit hindi ka pumasok, apo? Mayroon ka bang asignaturang hindi nagawa? May nang-aapi ba sa iyo sa eskwela?” sunud-sunod na nag-aalalang tanong ng matanda.
Lalong naluha si Isay. Ang kaniyang Lola Lydia na nga ang muntik na masagasaan ngunit siya pa rin ang iniintindi nito. Hindi na nakasagot pa si Isay. Niyaya na lamang niya ang matanda pauwi.
“Wala akong ibabayad kay Tess. Magagalit na naman ‘yun. Saka wala tayong panggastos bukas,” wika ni Lola Lydia.
“Hayaan n’yo na po, lola. Ang mainam ay hindi po kayo nasaktan,” tugon naman ng apo.
Habang binabagtas ang daan pauwi ay biglang may isang pulubi ang lumapit sa matanda. Napakarumi nito, gula-gulanit ang damit at walang sapin sa paa.
“Baka naman po pwedeng makahingi ng kaunting tulong. Gutom na gutom na po ako,” saad ng pulubing lalaki.
“Naku, pasensya ka na, hijo, wala rin akong maibibigay sa iyong pera. Hindi ko naman pwedeng ibigay sa ito ang mga biko na ito dahil nalaglag na ito. Marumi na,” tugon ng matanda.
“Parang awa n’yo na po, kahit ano lang po. Gutom na gutom na po talaga ako,” pagmamakaawa pa ng pulubi.
“Isay, tulungan mo nga akong tingnan baka mayroon pang biko na pwedeng kainin dito. Tanggalan na lamang natin ng dumi para kahit paano ay mailaman sa kaniyang sikmura,” sambit ni Lola Lydia sa kaniyang apo.
“Kung may pera lang ako’y binigyan na kita kahit pambili mo lang ng mamon at maiinom. Pasensiya ka na at wala pa kasi akong kita nang malaglag ang mga paninda ko,” saad naman ng matanda sa pulubi.
Nakakita ng ilang piraso ng biko ang maglola na pwedeng kainin ng pulubi. Bago sila umalis ay nagulat na lamang si Isay nang makita niya ang kaniyang lola na inalis ang mga tsinelas nito.
“Ito, iho, gamitin mo na lang ang tsinelas ko nang hindi masaktan sa init ang mga paa mo. Nang sa gayon ay makapaglakad ka nang maayos,” wika muli ni Lola Lydia.
Talagang napahanga si Isay sa kabaitan ng kaniyang lola. Kahit na walang-wala ito’y nakuha pa nitong tumulong.
Ang hindi alam ng maglola ay isang palabas lamang ang lahat. Ang pulubi na kanilang tinulungan ay isang artistang nagpapanggap lamang! Ilang sandali pa ay naglabasan na ang ilang staff na nagtatago sa sasakyan at ang kanilang cameraman.
Hindi naman maiwasan ng artistang nagpapanggap na pulubi na maiyak sa ginawa ng matanda.
“Nang malaman kong wala rin pala kayong maiuuwi dahil sa nadisgrasya ang paninda n’yo tapos ibinigay n’yo pa sa akin ang mga tsinelas n’yo ay hindi ko na talaga napigilan pa ang mga luha ko,” saad ng artistang lalaki.
“Napakabuti ng puso n’yo. Dahil diyan ay may regalo po kami sa inyo,” saad pa ng ginoo.
Ipinagawa ng artista ang bahay ng maglola. Hindi pa roon natatapos, binigyan sila ng kabuhayan nito nang sa gayon ay hindi mahinto sa pag-aaral ang batang si Isay at hindi na rin maglako pa ang matanda!
Nang marinig ng marami ang kwentong ito ay marami ang nagpaabot pa ng tulong sa mag-lola.
Samantala, labis naman ang inggit ni Aling Tess habang pinapanood niya ang pag-angat ng buhay ng dalawa. Nakabayad na ang matanda sa pagkakautang sa kaniya at pinasobrahan pa bilang pasasalamat daw sa pagpapautang sa kanila noong walang-wala sila.
“Maraming salamat sa Diyos sa lahat ng tulong Niya sa atin. Hindi Niya talaga tayo pinababayaan!” saad ni Lola Lydia na hawak ang kamay ng kaniyang apo habang sabay nilang pinagmamasdan ang harap ng kanilang bagong gawang bahay.