
Matindi ang Paghihinala ng Ginang na May Kalaguyo ang Kaniyang Mister; Ikahihiya Niya ang Pakikinig sa Sulsol ng Kaibigan
“Ang hirap din ng buhay na magkalayo kayo ng asawa mo, ano? Kung ang asawa ko ang nasa ibang bansa ay baka naloka na ako sa pag-iisip na baka may iba siyang nakakasama roon. Alam mo naman ang mga lalaki. Malaki ang tyansa na maghanap ‘yan sa iba!” saad ni Meredith sa kaniyang kumareng si Lorraine.
“Ibahin mo ang asawa ko, Meredith. Hindi babaero si Joey. Kaya lang naman siya nasa ibang bansa dahil nais niya kaming bigyan ng mas magandang buhay. Kapag nakaipon na siya para sa gusto niyang negosyo ay babalik na rin siya dito sa Pilipinas at hindi na aalis pa,” tugon naman ng ginang.
“Huwag ka ring pakakasigurado, mars. Tingnan mo nga ang kumare nating si Joanna. Akala natin ay pagkatino-tino ng asawa. Nalayo lang sandali ay mas piniling wasakin ang pamilya nila,” wika pa ni Meredith kay Lorraine.
Ayaw na sanang pag-isipan ni Lorraine nang masama ang kaniyang asawa ngunit alam niyang may punto ang kaniyang kaibigan. Mahirap talaga kapag nasa malayo ang iyong asawa.
Dapat ay sanay na si Lorraine sa pagkakawalay nang matagal sa asawang si Joey. Limang taon na rin naman kasi itong nagtatrabaho sa ibang bansa bilang inhinyero. Nagdesisyon si Joey na umalis ng kaniyang trabaho sa Pilipinas upang subukan ang kaniyang swerte sa Dubai.
Hindi nga siya nagkamali dahil magandang kompanya ang kaniyang napasukan.
Isang araw, habang nag-aaliw sa social media itong si Lorraine ay nakita niya ang isang post ng babae na ni-like ng kaniyang mister.
Hindi niya alam kung bakit ngunit kinabahan siya. Pilit na tiningnan ni Lorraine ang pagkakakilanlan ng naturang babae ngunit wala siyang mahanap na sapat na impormasyon.
Lalo pang nakadagdag sa kaniyang kutob ay nang sinubukan niyang buksan ang social media account ng kaniyang asawa ay nagbago na ito ng password.
Agad niyang tinawagan ang kaniyang kaibigang si Meredith.
“Pakinggan mo ang kutob mong iyan, Lorraine. Hindi nagkakamali ang kutob ng mga babae. Baka nga may ginagawa nang masama ‘yang asawa mo!” sambit ng ginang.
“Ngunit kapag kausap ko siya ay hindi ko maramdaman sa kaniya na may iba siya. Ni hindi nga siya nanlalamig sa akin at lagi naman siyang may panahon na makipag-usap sa akin,” pahayag naman ni Lorraine.
“Walang kr*minal na umaamin sa kaniyang pagkakasala, mars. Saka iba na ang mga kabit ngayon. Mas matalino na sila. Lalo pa at malaki ang sahod ng asawa mo. Hindi talaga pakakawalan ng babae ‘yan!” sulsol pa ni Meredith.
“Kailangan bang kausapin ko na kaagad si Joey tungkol dito? Kung hingin ko kaya ang password n’ya?” nag-aalalang wika ni Lorraine.
“Huwag kang magpahalata na may napapansin ka na, mars. Ang mas mainam ay ipagpatuloy mo lang kung paano ka makitungo sa kaniya. Dapat ay hindi siya makatunog na may alam ka na,” dagdag pa ni Meredith.
Dahil sa payong iyon ng kaibigan ay naging matindi ang pagmamasid at pag-iimbestiga nitong si Lorraine sa kaniyang asawa.
Hanggang sa naisipan niyang alamin kung magkano talaga ang sinasahod nito. Pagkatapos ay kinumpara niya ito sa perang ipinapadala ng asawa at pera nilang nasa bangko.
Kumabog ang kaniyang dibdib nang mapansin niyang malaki ang kulang. Dahil may karapatan din naman si Lorraine sa pera na nasa bangko ay humingi siya ng kopya mismo sa bangko ng lahat ng transaksyon ng kaniyang asawa.
Doon na lumabas ang pangalan ng babaeng kaniyang pinaghihinalaan na kalaguyo ng kaniyang mister!
“Ang laki ng ipinapadala niya sa Rachel Contreras na ‘yan, mars! Nakakapanginig talaga ng laman! Akala ko pa naman ay hindi niya magagawang lokohin ako!” naiiyak na sambit ni Lorraine kay Meredith.
“Kalmahin mo ang loob mo, mars. Basta huwag kang magpahalata na may alam ka na. Mas magandang gulatin mo ang dalawang walang hiyang ‘yan!” payo naman ng kaibigan.
Maya-maya ay tumawag si Joey kay Lorraine.
“May maganda akong balita sa’yo, mahal. Pinayagan na ako ng amo ko na umuwi sa katapusan ng buwang ito. Hindi na ako makapaghintay na makasama kayo ng anak natin,” masayang sambit ni Joey kay Lorraine.
Tumugon na lamang si Lorraine at nagkunwaring masaya rin siya sa ibinalita ng kaniyang asawa.
Halos hindi na makatulog gabi-gabi si Lorraine sa kaiisip. Magkahalong lungkot at galit ang kaniyang nararamdaman sa panlolokong ginagawa ng kaniyang asawa.
Ngunit dalawang araw bago umuwi si Joey sa Pilipinas ay napagdesisyunan ni Lorraine na komprontahin na ang kaniyang asawa. Nakailang tawag siya ngunit hindi ito sinasagot ng mister!
Dahil sa kaniyang muling paghihinala ay tinawagan niya ang isang kasamahan ni Joey sa trabaho.
“Ngayon ang biyahe ng Pareng Joey, Lorraine, nakalimutan mo na ba? Hindi talaga no’n sasagutin dahil malamang ay nasa eroplano na ‘yun!” natatawang sambit ng ginoo.
Napaluha na lamang si Lorraine dahil sa pagkakataong ito ay natitiyak niyang hindi sa kaniya ang tungo ng asawa.
“Malamang ko ay makikipagkita pa siya sa kalaguyo niya! Ang sakit-sakit ng mga nangyayaring ito, mars. Nagtiwala ako sa kaniya. Ang sabi niya’y lalayo siya dahil gusto niyang bigyan kami ng magandang buhay,” umiiyak na wika ni Lorraine kay Meredith.
“Ngayon pa lang ay tanggapin mo nang may kahati ka sa asawa mo. Huwag kang papayag na maisahan ka nung babae. Lumaban ka!” payo naman ng ginang.
Makalipas ang tatlong araw ay tuluyan nang umuwi si Joey sa bahay nila ni Lorraine. Hindi pa man siya nakakapasok ng bahay ay agad na binulyawan ng ginang ang kaniyang mister.
“Ang kapal ng mukha mo na magpakita pa rito! Akala mo ba’y hindi ko alam na ilang araw ka nang nandito sa Pilipinas?! Pinagmumukha mo akong tanga, Joey! Pero hindi mo na mabibilog ang ulo ko! Lumayas ka na dito!” galit na galit na bungad ni Lorraine sa mister.
“P-paano mo nalamang ilang araw na ako rito?” nagtatakang tanong ni Joey.
“Nalaman ko sa kasamahan mo. Akala mo ba ay hindi ko rin alam ang tungkol sa inyo ng babae mong si Rachel Contreras? Matagal n’yo na pala akong niloloko. Nakita ko kung magkano ang ipinapadala mo sa kaniya! Sinusustentuhan mo pa ang babae mo! Siguro ay may anak ka na do’n!” panggagalaiti pa ng ginang.
Natawa na lamang si Joey sa lahat ng sinabi ng kaniyang asawa.
“Magaling ka palang imbestigador, mahal. Dapat pala talaga’y hindi ko pinadaan sa bangko ang mga transaksyon ko kay Rachel,” natatawang sambit ng ginoo.
“Ang kapal ng mukha mong tumawa-tawa pa riyan! Umalis ka na sa harap ko dahil kinasusuklaman kita! Manloloko ka!” halos mapatid na ang ugat sa leeg ni Lorraine sa kaniyang gigil.
“Mahal, hayaan mo akong magpaliwanag. Totoo na ilang araw na ako dito sa Pilipinas. Totoo rin na nagpapadala ako ng pera kay Rachel. Pero hindi totoo ‘yang sinasabi mong kalaguyo ko siya. Hindi ko pa sana ito sasabihin ngayon. Hinihintay ko pa kasi ang anibersaryo natin sa susunod na linggo. Pero dahil baka tuluyan nang magwakas ang relasyon natin ay aaminin ko na,” paliwanag ni Joey.
Maya-maya ay inilabas ng ginoo ang isang kumpol ng susi.
“Bumili ako ng bagong bahay natin. Ilang araw din akong naroon para ayusin ang mga gamit. Nais ko kasing sa anibersaryo natin at sa paglipat natin doon ay kumpleto at maayos na ang lahat. Hindi ko magagawa na lokohin ka o ipagpalit ka sa ibang babae. Mula pa noon hanggang ngayon ay wala akong ibang inisip kung hindi ang paano kayo mapapaligaya ng anak natin dahil mahal na mahal kita. Mahal na mahal ko kayo ng anak natin, Lorraine,” pahayag pa ng mister.
Labis na nabigla si Lorraine sa surpresa ng asawa. Nahihiya siya sa paghihinalang kaniyang nagawa. Marahil ay hindi ito lahat nangyari kung nagtiwala lamang siya sa kaniyang asawa at hindi nakinig sa panunulsol ng kaibigang si Meredith.
Mula noon ay hindi na pinag-isipan ni Lorraine nang masama ang kaniyang asawa. Tiwala siya na kahit ano ang mangyari, ano man ang sitwasyon at gaano man sila kalayo sa isa’t isa ay mananatiling tapat sa kaniya ang mister na si Joey.