Inday TrendingInday Trending
Kahit Bilang Kahera ay Hindi raw Matatanggap ang Dalaga Dahil Wala Itong Pinag-Aralan; Magugulat ang Lahat sa Pag-Asenso Niya at ng Kaniyang Pamilya

Kahit Bilang Kahera ay Hindi raw Matatanggap ang Dalaga Dahil Wala Itong Pinag-Aralan; Magugulat ang Lahat sa Pag-Asenso Niya at ng Kaniyang Pamilya

“Tiya Pilar, baka pwede naman po akong makautang sa inyo kahit isang libo lang? Gagamitin ko lang po sa pagkuha ng mga requirements para makapaghanap po ako ng trabaho. Babayaran ko rin po kaagad kapag nakasweldo na po ako,” pakiusap ni Brenda sa kapatid ng kaniyang ina.

“Aba’y kailan mo pa ako mababayaran no’n, Brenda? Hindi naman madali ang maghanap ng trabaho. Saka wala ka namang tinapos kahit nga pagkakahera ay hindi ka ata matatanggap,” tugon naman ng tiyahin.

Napayuko si Brenda dahil sa tinuran ng kaniyang tiyahin.

“Gusto ko po kasing makatulong kina nanay at tatay. Naaawa na rin po kasi ako sa nanay ko. Hindi naman na po kaya pa ni tatay na magtrabaho gawa ng sakit niya. Kaya nais ko po sana na kahit paano ay makatulong man lang sa kanila,” saad pa ng dalaga.

“‘Yang nanay mo kasi ay kay landi! Pinag-aaral ‘yan ng mga magulang namin, tapos ay sumama lang d’yan sa tatay mo. Tingnan mo ngayon ‘yang tatay mo, imbalido, wala man lang pakinabang. Pinahihirapan pa ang nanay mo! Ewan ko ba kasi diyan kay Jasmin. Ang daming lalaking nagkakagusto sa kaniya’y nagpabulag sa ama mong walang narating sa buhay! ‘Di ngayon pare-pareho kayong walang narating!” patuloy na panghahamak ni Pilar sa pamangkin.

Sa lahat ng sinabing iyon ni Pilar ay hindi pa rin niya pinahiram ng kahit magkano ang dalaga. Mangiyak-ngiyak si Brenda dahil sa lahat ng kaniyang narinig. Nagtungo siya sa matalik niyang kaibigang si Rose.

“Sa totoo lang naman, ayaw ko talagang lumapit kay Tiya Pilar. Wala lang akong magawa dahil nga siya lang ang kilala kong pwedeng tumulong sa amin. Kaso labis talaga ang galit niya sa mga magulang ko,” kwento ni Brenda sa kaibigan.

“Pasensiya ka na at wala rin akong mapahiram sa iyo. Pero kung gusto mo ay ipapakilala kita sa amo ko. Maliit nga lang ang sinasahod ko bilang tiga-tabas ng damit pero mainam na rin ‘yung may pinagkakakitaan kahit paano. Malaking tulong na rin sa mga bayarin,” wika naman ni Rose.

“Sige, Rose, kahit anong trabaho na lang. Ang hirap kasi talagang humanap ng trabaho nang walang tinapos sa pag-aaral. Mag-iipon muna ako tapos kapag may mas magandang sahod na trabaho ay saka ako lilipat,” sambit pa ni Brenda.

Nang sumunod na araw ay ipinakilala ni Rose sa kaniyang amo itong si Brenda. Nagsimulang magtrabaho sa tahian ang dalaga bilang tiga-tabas ng tela. Hanggang sa sinubukan ni Brenda na magtahi ng damit. Doon ay napahanga niya ang kaniyang amo dahil sa kaniyang mga disenyo.

“Malayo ang mararating mo, Brenda. Ipagpatuloy mo lang ang ginagawa mo,” bati ng may-ari ng tahian.

Masayang umuwi si Brenda. Hindi na siya makapaghintay na sabihin sa kaniyang mga magulang na tumaas na ang kaniyang sahod kahit paano.

Habang pauwi ang dalaga ay nakasalubong niya ang kaniyang Tiya Pilar.

“Sa ngiti mong iyan ay tiyak kong nakipagkita ka lang sa nobyo mo! Akala ko ba ay paghahanap ng trabaho ang inaatupag mo? Baka tulad ka rin ng nanay mo na walang ginawa kung hindi unahin ang pag-ibig,” sita ni Pilar.

“May trabaho na po ako, Tiya Pilar! Isa po akong mananahi. Saka tigilan n’yo na po ang panghahamak sa nanay ko dahil wala naman po siyang ginagawang masama sa inyo,” matapang na tugon ng dalaga.

“Aba’y kung magsalita ka ngayon ay tila nagmamataas ka na. Isa ka lamang mananahi para ipaalala ko sa iyo. Wala ka pang napapatunayan sa buhay!” sambit ng ginang.

Kahit na pilit balewalain ni Brenda ang mga sinasabi ng kaniyang tiyahin ay hindi niya maiwasan na masaktan at samaan ng loob.

“Makikita niyang si Tiya Pilar. Darating ang araw na kami naman ang titingalain niya. Iaahon ko ang mga magulang ko sa hirap!” bulong ni Brenda sa kaniyang sarili.

Lalong pinaghusayan ni Brenda ang kaniyang pagtatahi. Ngunit batid niyang kung ito lamang ang kaniyang gagawin ay hindi siya aasenso sa buhay.

Nag-ipon siya at saka siya bumili ng sarili niyang makina at ilang rolyo ng tela. Doon ay nagsimula siyang manahi ng kaniyang disenyo na damit ng mga bata.

Sa una ay paunti-unti lamang ang bumibili sa kaniya. Hanggang sa napansin ng ginang na si Loreta, may-ari ng malaking tindahan ng damit, ang mga gawa ni Brenda.

“Talagang sinadya pa kita dito. Maaari mo ba akong igawa ng isang libong piraso ng mga damit? Ilalagay ko sa pwesto ko sa iba’t ibang lugar,” saad ni Loreta sa dalaga.

Nagulat si Brenda sa dami ng damit na hinihingi sa kaniya ng ginang.

“Ngunit mag-isa lang po akong nagtatahi ng mga damit. Baka hindi ko po kayanin ang petsa na nais n’yo,” saad ng dalaga.

“Magbibigay ako ng paunang bayad. Mula dito ay kumuha ka ng mamanahi mo. Hindi naman ako masyadong nagmamadali dahil nais ko ay ang kalidad ng iyong gawa,” dagdag pa ni Loreta.

Ginawa ni Brenda ang sinabi ng ginang. Una niyang nilapitan ang kaniyang kaibigang si Rose. Tapos ay kumuha pa siya ng ilang mananahi at tinuruan niya ang mga ito kung paano ang kaniyang ginagawa.

Hindi naglaon ay natapos nila ang bilang ng damit na kailangan ng ginang. Dahil sa ganda ng yari ay wala pang isang linggo ay naubos na ang damit na pinagawa sa kanila ni Loreta. Kaya diretso lamang ang kanilang pagtatahi.

Hindi naglaon ay naghanap pa nang naghanap si Brenda ng ilang mamanahi upang tumulong sa kaniya. Bukod kasi sa ginang na si Loreta ay marami na ring mga negosyante ang nagpapatahi sa kanila.

Unti-unti nang naiahon sa hirap ni Brenda ang kaniyang mga magulang. Pinagawan niya ng malaking bahay ang kaniyang nanay at tatay. Hindi na namalayan pa ni Brenda ang bilis ng kaniyang pag-unlad. Nagkaroon na siya ng sarili niyang pabrika at nakabili na rin ng malaking warehouse!

Kumalat na sa buong lugar ang pagyaman na iyon ng mag-anak.

Isang araw sa pagbalik nila Brenda at magulang niya sa dati nilang tinitirhan upang asikasuhin ang pagbenta dito ay lumapit si Pilar sa mag-anak.

“Mula pa noon ay alam ko namang magtatagumpay ka sa buhay. Sana ay hindi mo ako makalimutan, pamangkin ko. Naging mabait naman ako sa inyo ng nanay mo kahit paano, hindi ba?” pagpapakumbaba ni Pilar sa dalaga.

“Tama kayo, tiya. Hindi po talaga kita makakalimutan dahil tumatak sa akin ang lahat ng masasakit na sinabi n’yo. Dahil sa mga pang-aalipusta n’yo sa akin ay lalo akong nagsumikap. Salamat at hindi n’yo ako pinahiram ng isang libo noong nangungutang ako sa inyo dahil hindi ako mauuwi sa pagtatahi. Wala man akong pinag-aralan ay nagsusumikap naman ako sa buhay. Wala kaming tinapakan kahit sino,” mariing tugon ni Brenda.

Napahiya si Pilar sa lahat ng ginawa niya sa mag-anak.

Habang buong ngiti namang inalala ni Brenda at ng kaniyang mga magulang ang mapagkumbaba nilang simula.

Tunay ngang inaangat ng Diyos ang mga mapagkumbaba at ibinababa ang mga mapagmataas.

Advertisement