Inday TrendingInday Trending
Ipinagpalit ng Ginoo ang Kaniyang Mag-Ina sa Pera; Bandang Huli’y Pagsisisihan Niya ang Kaniyang Naging Desisyon

Ipinagpalit ng Ginoo ang Kaniyang Mag-Ina sa Pera; Bandang Huli’y Pagsisisihan Niya ang Kaniyang Naging Desisyon

“Honey, tumawag sa akin ang kapatid mo at nanghihiram ng pera. Nagkasakit daw ang anak at walang malalapitan. Bakit hindi mo man lang sagutin ang tawag niya?” tanong ni Liezel sa kaniyang asawang si Hector.

“Kakabalik lang niya sa akin ng inutang niya ay heto na naman at uutang ulit. Parang pinapaikot lang ako. Saka isa pa, anak niya ‘yun. Dapat ay gumawa siya ng paraan. Sagutin n’ya ‘yun! Hindi ko na ‘yun responsibilidad pa!” naiinis na tugon naman ng ginoo.

“Naririnig mo ba ang sinasabi mo, Hector? Pamangkin mo ang may sakit. Kapatid mo ang humihingi sa’yo ng tulong. Ano ba namang pahiramin mo siya ng pera? Nakikita mo namang pinagsisikapan niyang mabayaran ang mga inutang niya sa’yo noon,” muling sambit ng ginang.

“Gawan niya muna ng paraan. Ihanap niya sa iba. Huwag ‘yung ako na lang lagi ang inaasahan nila. Ako ang nagpapaka pagod sa kakatrabaho tapos sila lang ang makikinabang ng lahat ng pera ko?” saad pa ng ni Hector.

“Hindi ako makapaniwala sa sinasabi mong iyan, Hector. Hindi mo ba naisip na kaya lumapit sa’yo ang kapatid mo ay dahil wala na siyang ibang malapitan?” naiinis nang giit ni Liezel.

Ngunit kahit ano pa ang sabihin ng ginang ay nagkibit-balikat lamang ang kaniyang asawa. Para kay Hector kasi ay siya o sila lamang ng mag-anak niya ang nararapat na makinabang sa perang kaniyang pinaghihirapan.

Kilala kasi itong si Hector bilang mahigpit sa pera. Kahit ang asawa niya ay hirap na humingi sa kaniya dahil tikom ang palad ni Hector pagdating sa usapan ng salapi. Labis na ngang pinagtatakhan ng ginang ang pagiging sobrang sinop sa pera ng asawa sa puntong hindi niya man lamang ito nilalagay sa bangko.

Pakiramdam ni Liezel ay mas mahal pa ni Hector ang kaniyang pera kaysa sa kanilang pamilya.

Isang araw ay nakita na lamang ni Liezel ang asawa na nagbibilang ng kaniyang mga pera sa loob ng kanilang silid. Mainam na sinisiyasat ni Hector ang bawat piraso ng perang papel. Dahil hindi na napigilan pa ni Liezel ang kaniyang sarili ay sinita niya ang asawa.

“Ano ba naman ‘yang ginagawa mo, Hector? Bakit hindi mo ibangko ang pera mo? Nakakatakot at naglalagay ka ng malaking halaga dito sa bahay natin!” wika ni Liezel.

“Paano na lamang kung mabangkarote ang bangko na sinasabi mo? E ‘di wala rin ang lahat ng pinaghirapan ko? Mainam na ‘yung nandito sila sa bahay, nakikita at nababantayan ko pa sila palagi,” tugon ng mister.

“Nilalagay mo naman ang buhay natin sa alanganin n’yan, Hector. Paano na lang kung looban tayo? Ilagay mo na bukas ang mga perang iyan sa bangko! Ayaw kong narito ang mga iyan,” giit ni Liezel.

“Pera ko ‘to kaya ako ang masusunod kung saan ko sila itatago. Kapag sinabi kong dito lang sila sa bahay ay dito lang sila! Huwag kang makaialam dahil hindi ka naman nagdadala ng salapi sa pamamahay na ‘to!” sambit naman ni Hector sa asawa.

Nasaktan si Liezel sa sinabing ito ng mister. Kung hindi nga lang niya iniisip ang kaniyang mga anak ay matagal na niya itong hiniwalayan.

Nagpatuloy si Hector sa ganitong gawain. Habang tumatagal ay lalong nahuhumaling si Hector sa kaniyang pera.

Isang araw ay nagkasakit ang kaniyang anak at kailangan itong ipagamot.

“Gagastos na naman! Kung nakikinig lang sana ‘yang anak mo sa atin ay hindi na natin kailangan pang pumunta sa doktor! Sangkatutak na bayad na naman! Ang mamahal pa naman ng mga gamot na nirereseta ng doktor n’ya,” panggagalaiti ni Hector.

Dahil sa sinabi ng asawa ay hindi na matagalan pa ni Liezel ang mister. Sa puntong iyon ay nagdesisyon na siyang makipaghiwalay kay Hector.

“Sobra ka na! Pati ang anak mo ay kaya mong tiisin para lang hindi mabawasan ‘yang pera mo! Magsama kayo ng pera mo. Tingnan natin kung maisama mo ang mga ‘yan sa hukay! Tingnan ko kung alagaan ka niyan pagtanda mo. Nawa’y mapaligaya ka ng salapi mo!” bulyaw ni Liezel sa kaniyang asawa.

“Bahala ka kung gusto n’yo akong lisanin ng anak mo! Basta wala kayong mahihita sa akin ni singko. Ikaw ang nagdesisyon na umalis kaya panagutan mo ‘yan!” asik naman ng ginoo.

Hindi na pinigilan pa ni Hector ang asawa na hiwalayan siya. Ngunit ni singko ay hindi ito nagbigay ng sustento sa kaniyang mag-ina. Gagawin ni Hector ang lahat ‘wag lamang mabawasan ang kaniyang pera.

Nagpakalayu-layo na si Liezel kasama ang kaniyang anak at kahit kailan ay hindi na nagparamdam pa kay Hector.

Isang araw ay nakatanggap na lamang ng tawag si Hector mula sa kaanak. Ayaw na sana niyang sagutin ito sa pag-aakalang mangungutang na naman ito sa kaniya. Dahil sa patuloy na pagtawag ng kaanak, kahit naiinis ay sinagot na rin niya ang tawag.

“Ano naman ang kailangan mo? Hindi nga ako nagpapautang!” bungad ng ginoo.

“Hindi ako mangungutang, Hector! Gusto ko lang sabihin sa iyo na nagliliyab ngayon ang bahay mo! Ngayon lang may tumawag ng bumbero upang apulahin ang apoy!” balita ng kaanak.

Nanlamig si Hector sa kaniyang narinig. Unang inisip ng ginoo ang mga perang naroon sa kaniyang silid.

Nagmadali si Hector upang makauwi sa kaniyang bahay. Ngunit huli na ang lahat. Ang buong kabahayan niya kasama ang kaniyang pera ay tinupok na ng apoy.

Labis ang pagdadalamhati at pagsisisi ni Hector dahil sa pangyayaring ito. Tuluyang naghirap sa buhay si Hector. Wala man lamang siyang mahingan ng tulong sa mga kaibigan o kaanak. Ang iba pa nga ay imbis na maawa sa sinapit ng ginoo ay labis pang natuwa dahil sa karmang inabot niya.

Dito napagtanto ni Hector ang sinabi sa kaniya noon ng kaniyang asawang si Liezel. Kung maibabalik lang ni Hector ang mga sandaling kapiling pa niya ang kaniyang asawa at anak ay ginawa na niya. Ngunit pilit man niyang hanapin ang kaniyang mag-ina ay hindi na ito nagpakita pa sa kaniya.

Namuhay si Hector na puno ng lungkot, pag-iisa, at walang kapera-pera.

Advertisement