Inday TrendingInday Trending
Naiinis ang Dalagita sa Kaniyang Ina Dahil Masyado Itong Mahigpit sa Kaniya; Ano Kaya ang Magiging Epekto Nito sa Kaniya?

Naiinis ang Dalagita sa Kaniyang Ina Dahil Masyado Itong Mahigpit sa Kaniya; Ano Kaya ang Magiging Epekto Nito sa Kaniya?

Inis na inis na nag-video call si Rizza sa kaniyang kaibigan at kaklaseng si Trixie.

“Hindi ako pinayagan ni Mama. Nakakainis. As usual, ang napaka-KJ niya!” sambit ni Rizza sa kaniyang kaibigan. Nag-aya kasi ang kaniyang mga kabarkada na mag-out of town. Ang isa nilang kaibigan ay binilhan ng kotse ng mga magulang nito. Hindi na naman siya pinayagan ng kaniyang mama. Mapanganib daw ang panahon ngayon. Delikado. Isa pa, puro raw sila menor de edad.

“Bakit ganiyan ang Mama mo? Wala ba siyang tiwala sa iyo? Eh college ka na eh. Dapat hinahayaan ka na niyang lumakad sa sarili mo. Bakit kasi nagpaalam ka pa? Ako nga hindi na nagpaalam eh. Busy naman kasi sina Mommy at Daddy sa mga work nila kaya hindi na ako pinakikialaman sa mga lakad ko,” saad ni Trixie.

“Wow, mabuti ka pa may kalayaan na sa buhay. Eh ako? Parang ang tingin nga sa akin dito eh munting bata pa,” naluluhang sabi ni Rizza.

“Oh siya sige, Rizza, chat-chat na lang ha? Mag-update kami sa group chat kung nasaan na kami!”

Inggit na inggit si Rizza sa kaniyang mga kaibigan at kaklase na binibigyang-kalayaan ng kani-kanilang mga magulang pagdating sa paglabas-labas. Samantalang siya, tila hawak siya sa leeg ni Aling Anna na kaniyang ina.

Simula noon pa man, lahat ng kaniyang mga galaw, kailangan pang ipaalam sa rito. 16 na taong gulang na siya. May sarili na siyang isip. Minsan, sumasagi sa kaniyang isipan na maglayas na lamang at sumama sa kaniyang nobyo na si Charles. Pero siyempre, ayaw rin naman niyang sumama ang loob sa kaniya ng ina.

“Rizza anak, halika na at kumain na tayo. Lalamig ang pagkain. Hindi dapat pinaghihintay ang grasya,” tawag ni Aling Anna.

Mabigat ang katawang bumaba si Rizza. Matamlay siyang sumandok ng kanin at ulam at tahimik na kumain. Hindi naman ito lingid kay Aling Anna.

“Huwag nang sumama ang loob mo sa akin, anak. Para naman sa ikabubuti mo ang mga sinasabi ko sa iyo. Mag-a-out of town kayo ng mga kaibigan mo, kayo-kayo lang? Sabi mo walang lisensya ‘yong may kotse. Saka hindi magandang tingnan na may kasa-kasama kayong mga lalaki,” paliwanag ni Aling Anna.

Hindi alam ni Aling Anna na may nobyo na si Rizza. Natatakot kasi siyang ipaalam dito at baka sabihan siyang hiwalayan ang nobyo.

“Lagi naman pong ganyan eh…” nagdadabog na saad ni Rizza nang matapos na siyang kumain. Nagtungo siya sa likod-bahay kung saan naroon ang kanilang kasambahay na si Aling Godyang. Matagal na itong naninilbihan sa kanila, simula bata pa lamang siya.

“Bad trip ka na naman sa Mama mo,” kabisado na ni Aling Godyang si Rizza.

“Nakakainis kasi eh. Hindi na naman ako pinayagang sumama kina Trixie. Nakakahiya na sa kanila. Nasasabihan na akong KJ,” sagot ni Rizza.

“Rizza, intindihin mo ang Mama mo. Ikaw lang ang nag-iisa niyang anak. Alam mo, para maikuwento ko lamang sa iyo, hindi akalain ng Mama mo noon na magkakaanak pa siya. Kaya nang mabuntis siya, laking-tuwa niya dahil kaloob ka ng langit. Miracle baby ka. Kaya ganoon na lamang ang pag-iingat sa iyo ng nanay mo.”

Maya-maya, napukaw ang kaniyang atensyon ng balita sa telebisyon. Isang aksidente raw ang naganap sa kahabaan ng isang kilalang highway. Ayon sa balita, puro kabataan daw ang laman ng sasakyan, at ang mismong driver ay walang lisensya. Nanlaki ang mga mata ni Rizza nang makita ang mga pamilyar na mukha sa telebisyon: walang iba kundi sina Trixie at iba pa niyang mga kaibigan!

“Oh no…” naiusal ni Rizza.

Agad siyang nakibalita sa kanilang group chat. Tumugon kaagad si Trixie. Nasa maayos naman daw silang kalagayan, subalit ang napuruhan ay ang kaibigan nilang nagmamaneho, na mananagot pa dahil nagmaneho ito nang wala pa palang lisensya.

Agad na nagtungo si Rizza sa kaniyang Mama. Niyakap niya ito. Gumanti naman ng yakap sa kaniya ang ina.

“Nalulungkot ako sa nangyari sa mga kaibigan mo, anak. Walang magulang na gugustuhing mapahamak ang mga anak nila. Pero nagpapasalamat ako sa Diyos dahil wala ka roon. Salamat at nakinig ka sa mga payo ko, hindi ka napahamak,” saad ni Aling Anna.

Kung naging makulit at mapilit si Rizza, malamang, nakasama siya sa naturang aksidente. At ayaw niyang masaktan at mag-alala ang kaniyang ina.

Simula noon, napagtanto ni Rizza na tunay nga ang kasabihan sa Ingles na ‘mother knows best.’

Advertisement