Inday TrendingInday Trending
Laging Pinagsasamantalahan ang Kabutihan ng Ginoo; Makatatagpo Siya ng Isang Estudyanteng Magpapabago Nito

Laging Pinagsasamantalahan ang Kabutihan ng Ginoo; Makatatagpo Siya ng Isang Estudyanteng Magpapabago Nito

“Ang sama ng record ng batang ito, naku! Mukhang sakit pa yata sa ulo. Pwede ba sa klase mo na lang itransfer ito, Sir Arthur?” tanong ni Mr. Macandula sabay tingin sa kwarenta’y anyos na titser.

Puno na ang klase ni Sir Arthur ngunit sa tingin niya ay hindi na papayag pa si Sir Macandula na mapunta dito ang bagong lipat na estudyante, ngayon pa’t mukhang magdadala ng gulo iyon. Pangarap ni Mr. Macandula na maging principal sa pinakamadaling paraan kaya ayaw nito ng kahit anong sagabal sa karera nito.

“Ah, eh… Sige sir,” sabi ni Sir Arthur na nakangiti na animo ay magandang balita ang natanggap saka lumabas ng opisina.

“Bait talaga ni Sir Arthur, ‘no? Kaya naaabuso ng mga estudyante at magulang eh,” bulong ng isang guro.

“Pati mga kapwa guro kamo,” bulong ng isa pa. Kilala si Arthur na pinakamabait na guro sa buong hayskul. Matapat at masigasig ito sa trabaho, laging nakatawa, at bukas-palad sa sinuman. Kung hindi mabuting guro, engot naman ang tingin ng iba dito dahil nga tila lalampa-lampa at palaging magaan ang awra.

Pagdating sa loob ng klasrum, tulad ng dati, sinisikap ni Sir Arthur na tulungan ang bawat isa sa kaniyang klase. Panay ang suklay at reklamo ng mga babae na mahirap ang leksyon, ang mga lalaki naman ay nagtatawanan at nagbabatuhan pa ng papel. Parang walang nakapansin na nandoon na ang kanilang guro. Napatigil lang ang lahat nang may isang bagong mukha ang pumasok sa silid.

“Good morning, class! Magkakaroon kayo ng bagong kaklase, ang pangalan niya ay Leon. Sana ay magpakabait kayo at tulungan niyo siya sa klase, naiintindihan ba?” sabi ng guro. Nakatulala lang ang lahat kay Leon dahil kakaiba ang itsura nito. Marami itong hikaw sa tainga at mayroon din sa labi. Mahaba ang buhok na tumatakip sa mata nito. Wirdo ang unang tingin dito, ngunit wala namang nagtangkang bulasin ito dahil sa takot na rin sa misteryosong estudyante.

Sa mga sumunod na araw, tahimik lang si Leon sa klase, habang si Sir Arthur, ganoon pa ring nagsisikap na turuang mabuti ang klase. Ilang beses na siyang personal na kinausap ng guro upang masigurong nakakasunod siya. Medyo naiirita na siya pero nakita niya namang concerned lang ito sa kaniya.

Isang araw, nagkaroon ng away sa klase ni Sir Arthur. Hindi inaasahang tumama ang bolpen sa mata mismo ng kawawang titser nang magkainitan at magbatuhan doon. ‘Di alam ng lahat ang gagawin, mabuti na lang mabilis na nakakilos si Leon at agad isinugod si Sir Arthur sa clinic. Mabuti naman at ‘di ganoon kalala ang nangyari ngunit pinagpahinga muna ito ng isang araw.

Pagdating sa klase, imbis na humingi ng tawad si Billy, ang pinakapasaway doon, mayabang pa nitong sinabi na kasalanan daw ni Sir Arthur. “Galing ko ‘no? Bullseye!” tawanan ng mga ito. Nang marinig iyon ni Leon ay ‘di niya napigilan ang sarili at ipinagtanggol ang guro. Minsan lang siya magsalita at natakot naman ang mga kaklase niya sa kaniya.

Hindi alam ni Leon na may koneksyon pala sa principal si Billy. Isang araw na papunta siyang opisina ng mga guro upang ipasa ang inutos sa kaniya ni Sir Arthur, narinig niya ang pag-uusap ng mga ito.

“Dapat siyang matanggal sa eskwelahang ito! Anong karapatan niyang takutin ang apo ng principal? Alam mo bang pwede tayong masisante kapag nakarating pa ito sa kaniya?” sigaw ni Mr. Macandula kay Sir Arthur. Nagsumbong pala si Billy doon at sinabing pinagbantaan daw ito ni Leon.

“Nakita mo ba hitsura ng batang iyon? Kay haba ng buhok tapos maraming butas sa tainga pati bibig! ‘Di siya karapat-dapat sa eskwelahang ito at wala na siyang pag-asang mabura sa record niya ang ginawa niya sa dating eskwelahan, at ayokong managot sa principal kapag umabot pa itong gulong ito sa kaniya!” sabi ni Mr. Macandula. Sanay na si Leon na marinig ang mga salitang iyon. Na wala na siyang pag-asa, hindi na siya magbabago. Ngunit nagulat siya sa sinagot ni Sir Arthur.

“Sir, lahat po ng tao ay may pag-asang magbago. Kung ganiyan po ang tingin natin sa mga estudyante, paano po natin sila matutulungang mahubog bilang mga mabubuting tao?” sagot ni Sir Arthur. “Hindi man ho matataas ang marka ni Leon, isa po siya sa mga estudyanteng nakikita kong nagsisikap.”

Hindi nagustuhan ni Mr. Macandula ang sagot ni Arthur kaya’t nakapagbitiw ito ng salita na kung hindi aayos ang mga pabagsak na marka ni Leon, ito mismo ang magsasabi sa principal na patalsikin na ang bata sa hayskul na iyon.

Dahil sa pagtatanggol at pagtitiwalang ibinigay sa kaniya ni Sir Arthur, sa mga susunod na araw ay nagsikap si Leon sa kaniyang pag-aaral. Likas na matalino siya kaya’t madali niyang napaimbulog ang kaniyang marka. Inayos niya rin ang hitsura at pananamit upang walang masabing mali sa kaniya. Marami ang humanga nang siya pa ang nag-number one sa pinakamataas na marka. Nadiskubre rin ang talino niya sa matematika kaya’t ipinanlaban siya sa iba’t ibang lugar, at ang coach niya ay walang iba kung hindi si Sir Arthur. Tuwang-tuwa ang buong eskwelahan kay Leon, at nagkaroon ng respeto kay Sir Arthur. Pati ang principal ay pinuri ang guro at sinabing bibigyan ng rekomendasyon sa hinaharap.

Tuwang-tuwa ang mga guro at estudyante sa kanilang mga napagtagumpayan. Nagtapos bilang valedictorian si Leon, at na-promote naman si Sir Arthur. Bago tuluyang lisanin ang paaralan upang magkolehiyo, isang mensahe ang ibinigay ni Leon sa kaniyang “bayani”.

“Sir Arthur, sa buong buhay ko po ay walang nagtanggol at nagtiwala sa akin na katulad niyo. Kung ‘di po dahil sa inyo ay malamang walang direksyon at puno pa rin ng hinanakit ang puso ko. Salamat po sa pagtuturo, sa mga payo, at sa buhay niyo po na lagi niyong ibinubuhos sa iba. ‘Di ko po kayo malilimutan,” sabi ng binata.

Unang beses niyang nasaksihan na lumuha ang masayahing guro. Alam niyang ang luhang dinulot niya rito ay luhang dala ng galak. Tunay ngang sapat na ang isang taong buong pusong nagtitiwala sa atin upang magtiwala rin tayo sa ating sarili.

Advertisement