Inday TrendingInday Trending
Ayaw Bitawan ng Don ang Kaniyang Kayamanan sa Lupa; Isang Leksyon ang Matututunan Niya sa Dulo ng Kaniyang Buhay

Ayaw Bitawan ng Don ang Kaniyang Kayamanan sa Lupa; Isang Leksyon ang Matututunan Niya sa Dulo ng Kaniyang Buhay

Isang makulimlim na araw, ipinagtapat kay Don Carlos ng kaniyang doctor na may taning na ang kaniyang buhay. Ang Don ay isang istriktong tao. Laging perpekto dapat ang lahat at ayaw na ayaw nito na may nangyayari na hindi ayon sa plano nito. Katulad ng panahong iyon, ‘di niya pinlanong mamayapa nang hindi pa nakakamit ang lahat ng mithiin niya para sa kompanya. Kung mawawala siya ay ‘di niya alam kung kanino nararapat ipasa ang pamamahala.

“Hindi ko maaaring ipasa na lang bigla ang kompanya sa mga anak ko. Wala silang kaalam-alam sa pagpapatakbo niyon, at isa pa, dugo’t pawis ang ipinuhunan ko at ni hindi ko pa nga napagbibigyan ang sarili kong samsamin ang tagumpay, bakit sila ang dapat makasalo noon?” sabi ng Don na mahahalata ang galit sa tinig. Wala namang masabi ang sekretaryang si Mr. Cadiz sa paghihimutok ng matanda.

Matagal na niyang hindi nakikita ang kaniyang mga anak dahil may sari-sariling buhay na ang mga ito. Simula nang pumanaw ang kaniyang maybahay ay ibinuhos niya ang sarili sa pagpapalago ng kompanya, hanggang sa ‘di niya namalayang siya na lang ang nakatira sa kaniyang malaking tahanan. Nakita niya namang mukhang ayos ang kinalalagyan ng mga ito kaya’t ipinokus niya ang sarili sa kaniyang buhay.

Pilit na nagmatigas ang Don sa harap ng kaniyang karamdaman. Naghanap siya ng ibang doktor at nagpunta pa sa ibang bansa upang ipagamot ang sakit. Ngunit sa kasamaang palad, pareho pa ring resulta ang nakuha niya. Tiyak na sa hukay na ang kaniyang kahahantungan.

“Kapag po hindi ninyo naiayos ang lahat, maaaring mapunta ang lahat ng ari-arian niyo sa mga ampunan at iba pang organisasyon para sa mahihirap,” sabi ni Mr. Cadiz isang araw na pinatawag siya ng Don.

“Imbis na sila ay mabuting ang dugo’t laman ko na ang makinabang ng aking kayamanan kahit labag sa loob ko. Ipatawag mo ngayon ang mga anak ko, huwag mong sabihin sa kanila na may karamdaman ako, sabihin mo lang na naghahanap na ako ng tagapagmana,” seryosong sabi ng Don sa kawani.

Sinunod naman ni Mr. Cadiz ang lahat ng bilin sa kaniya. Nahanap niya ang tatlong anak ng Don. Nagulat siya nang makitang matagumpay na rin pala ang mga ito sa buhay. Chef, artista, at tanyag na pintor ang mga ito. Akala ni Mr. Cadiz na kapag sinabi niya ang pakay ay magtatakbuhan ang mga ito sa paanan ng ama, ngunit kabaligtad na reaksyon ang natanggap niya.

“Naghahanap ng tagapagmana? Bakit, may nararamdaman na ba siya?” sabi ni Angelo, ang panganay.

“Sorry, busy ako sa buhay ko. Pakisabing hindi ko kailangan ng kayamanan niya, mayaman na kasi ako,” sabi ni Rica.

“Matagal ko nang nakalimutan na may tatay ako,” iyon lang ang sinabi ng bunsong si Louie.

Labis na nalungkot si Mr. Cadiz sa natuklasang lamat sa pamilyang ito. Mayayaman nga ngunit halatang hindi masaya sa mga buhay. Puno ng pag-aalangan niyang ibinalita kay Don Carlos ang lahat.

“Ganoon ba kamo? Edi huwag kung ayaw nila! Sabagay, marami sa kompanya ang mas karapat-dapat,” sabi ng Don na tila pinagsawalang bahala lang ang narinig. Ngunit sa loob-loob niya, tila ba may gumuhit na sakit sa sinabi ng mga anak.

Lumipas ang mga buwan at kitang-kita ang laki ng pagbagsak ng katawan ni Don Carlos. Kahit ganoon ay nagmamatigas pa rin ito at ayaw ipaalam sa mga anak ang karamdaman. Ayaw raw kasi nitong isipin ng mga anak na mahina siya.

Sa bawat araw ay naiisip ni Don Carlos ang kaniyang yumaong asawa, at ang masayang tahanan nila noon. Natagpuan niya ang sariling napapatanong kung may pagkukulang siya bilang ama. Sinuportahan at pinagtapos niya naman ang mga ito. Ano pa ba ang kulang? Unti-unti na niyang napagtatanto ang mga sagot sa kaniyang tanong, ngunit mukhang tapos na ang oras niya.

Dumating nga ang araw na inatake muli siya ng sakit. Sa mga oras na iyon, sa takot sa kahahantungan, umiiyak na nakiusap si Don Carlos kay Mr. Cadiz na muling kausapin ang mga anak. Kagyat namang sumunod ang tapat na kawani.

“Kailangan niyo nang puntahan ang papa niyo, malapit na siyang…” sabi ni Mr. Cadiz sa tatlo. Nakita niya ang pag-aalalang tinatago ng mga ito kaya’t nagmakaawa na siya para sa Don.

“Nitong mga nakaraan ay lagi niya kayong ikinukwento. Kung gaano natatanggal ang pagod niya sa trabaho noon kapag naglalambing kayo sa kaniya. Ginawa ng Don Carlos ang lahat upang hindi kayo magaya sa kaniya na laki sa hirap. Nagtrabaho siyang mabuti para mabigyan kayo ng magandang buhay. Pero dahil doon, nagsisisi rin siyang hindi niya napunan ang inyong puso ng pagmamahal,” naluluhang sabi ni Mr. Cadiz. Matagal na siyang nagtatrabaho para kay Don Carlos at iyon ang unang pagkakataong nakita niyang lumuha ito habang nakikiusap sa kaniya.

Dahil sa narinig ay nagpasya ang magkakapatid na agad puntahan ang ama. Bumuhos ang luha nang mahigpit silang yakapin ng ama habang lumuluha ito na parang bata. Paulit-ulit itong humingi ng tawad sa mga hindi nito nagawa para sa kanila.

“Wala palang kwenta ang buhay sa dulo kung wala ang mga taong mahal mo, salamat mga anak at dumating kayo,” sabi ni Don Carlos.

Ilang oras na nagkwentuhan pa ang mag-aama, puno iyon ng tawanan, iyakan, at higit sa lahat ay kapatawaran. Hanggang sa nakatulog na si Don Carlos at kinabukasan ay hindi na muli pang gumising.

Tila nagsilbing aral iyon sa lahat na mas ipakita ang pagmamahal sa bawat isa. Dati ay dahil abala sa kani-kaniyang buhay ay ni hindi sila nag-uusap, ngayon, ang magkakapatid ay sinisigurong laging sabay-sabay nilang binibisita ang puntod ng mga magulang. Natutunan nila na ang pagmamahal ang tanging mahalagang maiiwan natin sa dulo ng ating buhay.

Advertisement