Paglabas ng Piitan, ‘Di Akalain ng Babae na Makakatagpo Pa Siya ng Bagong Pamilya; May Karapatan Pa Ba Talaga Siyang Sumaya?
Pagtapak ng mga paa ni Rachel sa labas ng seldang naging tahanan niya sa loob ng limang taon, tila ba hindi na niya alam ang mga susunod na hakbang.
Saan siya pupunta? Wala na ang kaniyang pamilya buhat ng malagim na trahedya ilang taon na ang nakalipas. Tiyak na wala na rin siyang maaasahang kamag-anak o kaibigan, dahil ni minsan sa pagkakakulong niya ay wala man lang bumisita sa kaniya. Bagsak ang balikat na naglakad nang walang direksyon ang bente otso anyos na dalaga. Pagabi na nang makarating siya sa isang parke at naupo sa isang upuan doon. Kinipkip niya ang bag na naglalaman ng ilang personal na gamit. Takot at walang mapuntahan, muling bumalik sa alaala ang nangyari sa pamilya na naging dahilan ng kaniyang pagkakakulong.
Politiko ang kaniyang ama kaya’t marami silang naging kaaway. Isang gabi ay may pumasok sa kanilang bahay at doon tinapos ang buhay ng kaniyang buong pamilya. Pagkagaling sa duty sa ospital bilang doktor ay dumiretso siya sa isang bar upang uminom dahil may malaking away sila ng ama. Hindi niya inaaasahang isang tao ang maglalagay ng ipinagbabawal na gamot sa kaniyang inumin. Nagising na lang siya sa sirena ng ambulansya at siya na ang suspek sa pagtapos sa buhay ng kaniyang buong pamilya. Maraming ebidensya ang itinanim upang mapalabas na siya ang may gawa ng malagim na kr*men. Dahil sa labis na pagluluksa at pagkalito, nagkaroon siya ng depresyon at tuluyang nakulong. Lumipas pa ang limang taon bago lumutang ang bagong ebidensya at nakulong ang totoong may sala. Aanhin niya pa ang kalayaan, e wala naman na siyang buhay na babalikan? Mapait na luha ang tumulo sa kaniyang mga mata.
Naputol ang kaniyang luha nang isang matanda ang lumapit sa kaniya. Umiiyak ito na animo ay bata. Dahil sa pag-atungal nito ay kinabahan si Rachel, baka siya na naman ang mapagbintangang may sala. Agad niyang inalo ang matanda at tinanong kung anong nagyari dito.
“Ang apo ko! Nasaan ang apo ko?!” histerikal na sabi nito. Sakto naman at isang maliit na bata ang tumawag dito.
“Nanay Emma!” umiiyak din ang tila ba nasa walong taong gulang na batang babae saka niyakap ang lola. Tumahan naman ang lola nang matagpuan na ang apo nito.
“Apo, saan ka ba nanggaling? Bakit mo iniwan si lola, ha?” nag-aalalang tanong nito.
“Kayo nga po ang laging umaalis nang walang paalam at naliligaw, pinag-alala niyo na naman po ako,” sabi naman ng batang babae. Aalis na dapat si Rachel ngunit pinigilan siya ng bata.
“Pwede niyo po ba kami samahang umuwi? Natatakot po kasi ako’t ang dilim na ng daan. At saka masakit na po ang tuhod ni Nanay Emma,” nagmamakaawang sabi nito. Dahil dalawang kanto lang naman ang layo noon sa parke ay nagpaunlak naman si Rachel.
Pagdating sa bahay ng mga ito, nagulat siya nang malamang itong dalawa lang ang magkasama doon. Pinilit siya ni Nanay Emma na maghapunan na roon, mukhang maayos na ang pakiramdam nito.
“Minsan lang po talaga ay inaatake iyan si nanay. Biglang nagiging makakalimutin tapos naliligaw. Kaya po nag-aalala ako lagi pag-uwi ko galing eskwela,” kwento ng bata na Angeline pala ang pangalan. Napansin ni Rachel na kanina pa ito hinihingal. Hanggang sa nabahala siya dahil hindi na ito makahinga.
“Angeline! Angeline!” natatarantang sabi ni Nanay Carmen. Agad na tumawag ng ambulansya si Rachel kaya naisugod agad sa ospital ang bata. Doon niya napag-alamang mahina rin pala ang puso ni Angeline. Dahil sa pagod at pag-aalala kaya nanikip ang dibdib nito.
“Doktor ka pala hija, maaari bang samahan mo muna kami ni Angeline? Kahit ako ang magbayad sa iyo, para lamang may tumingin sa kaniya,” sabi nito nang makalabas na sila ng ospital.
“Oo nga po, Ate Rachel! Dalawang araw ka na naming kasama eh, saka para may magbantay rin po sa lola ‘pag nasa iskul ako,” sabi ng bata. Nagulat si Rachel sa sinabi ng bata. Halos ‘di niya namalayang dalawang araw na silang magkakasama. Dahil sa biglaang pagkakasakit ng mga ito, bilang doktor ay likas sa kaniyang tumulong. Ngunit ang mas nakaantig sa kaniya ay ang sinabing kasunod ni Nanay Emma.
“Hija, kung wala kang pupuntahan, bukas palagi ang bahay namin para sa iyo,” sabi nito sabay yakap sa kaniya. Tila ba napuno ang puso ni Rachel at tuluyang naluha. May karapatan ba siyang sumaya? May karapatan pa ba siyang magkaroon muli ng maayos na buhay? Ng isang bagong pamilya?
Lahat ng tanong ni Rachel ay nasagot sa mga sumunod na buwan. Pumayag siyang maging tagapag-alaga ng mag-lola. Noong una ay sinabi niya sa sariling trabaho lang ang habol niya at hindi pagsasamantalahan ang kabutihan ni Nanay Emma. Ngunit sa araw-araw nilang magkakasama ay naging pamilya na ang turingan nila sa isa’t isa.
Nagpapasalamat si Rachel dahil sa kabila ng mapait na nakaraan, unti-unting naghihilom ang kaniyang mga sugat. Sa huli, masasabing mabuti pa rin talaga ang Diyos.