Pinagdududahan ng Lahat ang Pag-Ibig ng Binata sa Isang Sikat na Modelo; Isang Trahedya ang Magpapatunay ng Wagas Niyang Pag-Ibig

Wala na yatang hindi nakakakilala sa sikat na modelong si Sanya. Lahat ay nabibighani sa kaniyang angking ganda at galing sa pagmomodelo. Maraming mga kababaihan ang tinitingala siya sapagkat hindi lamang maganda ang kaniyang itsura, maganda rin ang kaniyang kalooban. 

Kaya hindi na rin nakakapagtaka na halos pilahan ng mga manliligaw itong si Sanya. Ngunit sa dami ng mayayaman at sikat na mga personalidad na nagkakagusto sa kaniya ay ibinigay niya ang kaniyang puso sa anak ng isang laos na artista.

Kaya lahat ng taong nakapaligid kay Sanya ay malaki ang pagdududa dahil sa agwat ng kanilang estado.

“Ginagamit ka lang niyang si Jerry! Nais lang niyang pag-usapan din siya para siya naman ang makapasok sa industriya ng pag-aartista!” saad ni Krystel, manager ni Sanya.

“Magiging artista si Jerry dahil magaling siya. Magiging modelo siya dahil hindi naman maitatanggi na matipuno siya at magandang lalaki. Saka higit sa lahat, ano ba ang mapapala niya sa akin kung pasukin niya ang mundo ng showbiz?” pahayag pa ni Sanya. 

“Malaki, Sanya! Sa tingin ko ay nais niyang linisin ang pangalan ng ama niyang laos na. Nais lang niyang makisakay sa kasikatan mo. Sa hilatsa pa lamang ng mukha niyang si Jerry ay alam ko nang hindi mapagkakatiwalaan. Ginagamit ka lang niya!” dagdag pa ng manager. 

Ngunit hindi ganito ang nakikita ni Sanya. Hindi niya mapag-isipan ng masama ang kaniyang nobyo dahil ramdam niya ang pagmamahal nito sa kaniya.

“Love, ano kaya ang gagawin ko? Mataas kasi ang offer sa akin ng isang kompanya para sa proyekto nila. Nais nila kasi akong maging modelo pero hindi ako komportable sa gagawin ko. Hindi ko kayang halos maghubad na para lamang sa isang larawan,” saad ni Sanya sa kaniyang nobyo. 

Advertisement

“Kung hindi ka komportable ay huwag mong gawin. Marami pa naman diyang ibang proyekto. Kung makakaapekto man iyan sa karera mo sa pagmomodelo dahil tumanggi ka sa kanila, isipin mo na sila ang nawalan at hindi ikaw,” nakangiting sambit ni Jerry sa nobya. 

Ngunit nang malaman ni Krystel ang pagtangging ginawa ni Sanya ay nagalit ito. 

“Sinusulsulan ka lang ng nobyo mo dahil ayaw niyang mas maging sikat ka kaysa sa kaniya. Hinihila ka niya pababa. Alam mo kung gaano kalaki ang proyektong ito tapos ay tatanggihan mo lang?” nanggagalaiting sambit ng manager.

“Ibigay na lang nila sa iba. Hindi ko kaya ang pinagagawa nila!” tanging sagot ni Sanya.

Nangangamba si Krystel sa nagiging impluwensiya nitong si Jerry kay Sanya.

Muli ay naging headline itong si Sanya dahil sa pagtanggi niya sa napakalaking proyektong inalok sa kaniya.

Dahil lagi ring usap-usapan ay hindi na maiwasan na biglang sikat ang pangalan ni Jerry. Nagkaroon din siya ng mas maraming offer sa pag-aartista at pagmomodelo. Kaya lalo umigting ang tingin ng marami na talagang ginagamit lang nito si Sanya. 

Hanggang sa isang araw ay binigla ng dalawa ang madla nang umingay ang balitang nagpakasal na ang magkasintahan. Labis ang galit ng manager kay Sanya sa biglaang desisyong ito ng kaniyang alaga.

Advertisement

“Nahihibang ka na talaga! Mahal ka lang ni Jerry ngayon dahil kailangan ka niya ngunit kapag wala na ang lahat ng kasikatan mo, ewan ko na lang kung magkaroon ka pa ng halaga sa kaniya!” sambit ni Krystel kay Sanya.

“Bakit ba hindi mo matanggap na buhay ko ito at nagmamahalan kami ni Jerry? Hindi siya katulad ng iniisip niyo dahil sa lahat ng tao ay bukod tanging siya lang ang nakakaunawa sa akin!” sambit naman ni Sanya. 

Dahil sa pagtatalong iyon ay binitiwan na ni Krystel si Sanya. Kaya naghanap na ng bagong manager itong si Sanya. Sa paghina ng kinang ng bituin ni Sanya ay gano’n naman namayagpag ang karera ni Jerry sa pag-aartista. Kaliwa’t kanan ang mga alok na trabaho sa lalaki. 

Marami ang nagsasabi na malapit nang maghiwalay ang dalawa dahil nga nawawalan na ng kasikatan itong si Sanya.

Hanggang sa isang araw, habang kinukuhanan ng larawan itong si Sanya ay bigla na lamang may sumabog na ilaw sa kaniyang tabi at nakalikha ito ng malaking apoy. Nasunog ang ilang parte ng katawan nitong si Sanya kabilang ang kalahating parte ng kaniyang mukha.

Labis ang kaniyang pangamba dahil akala niya ay katapusan na niya. Nang malaman naman ni Jerry ang nangyari sa kaniyang asawa ay agad niyang iniwan ang trabaho upang alagaan si Sanya. Wala siyang pakialam kung mawala sa kaniya ang lahat ng proyektong nag-aabang sa kaniya, ang tanging nais niya ay alagaan si Sanya.

Nakaligtas man si Sanya sa malagim na trahedyang ito ay nag-iwan naman sa kaniyang katawan ng malaking pilat. Wala na ang dating kinis ng balat at ganda ng kaniyang mukha. Sa pagkakataong ito ay labis na nanlumo si Sanya nang makita ang kaniyang hitsura sa salamin.

“Matatanggap ko kung iiwan mo na ako, Jerry. Wala nang tatanggap sa akin dahil sa itsura kong ito. Nakakahiya nang makasama ako. Kaya ngayon pa lang ay gawin mo na at huwag nang patagalin pa,” pagtangis ni Sanya. 

Advertisement

“Kahit kailan ay hindi kita iiwan, Sanya. Dito lang ako sa tabi mo at aalagaan kita buong buhay ko. Hindi ko man maibalik ang ganda ng iyong mukha pero pipilitin kong maibalik ang ngiti sa mga labi mo. Mahal kita at hindi kita minahal nang dahil lamang sa iyong ganda o kasikatan. Mahal kita dahil pinahanga mo ako sa iyong kabaitan, lakas ng loob, at pagiging matatag. Ikaw pa rin naman ang minahal kong si Sanya at walang nagbago do’n!” wika naman ni Jerry sabay yakap sa asawa. 

Sa paglipas ng panahon ay lalong umigting ang pagmamahalan nina Sanya at Jerry. Marami ang humanga sa kanilang relasyon. Napatunayan ni Jerry ang kaniyang pag-ibig.

Nagsimula na ring mag-ipon si Jerry upang iparetoke ang mukha ng kaniyang asawa. Hindi dahil sa ikinahihiya niya ito ngunit dahil nais niyang maibalik ang tiwala ni Sanya sa kaniyang sarili. 

Lahat ay gagawin ni Jerry para sa pinakamamahal na si Sanya.