Inday TrendingInday Trending
Napilitang Mag-OFW ang Ina upang Maitaguyod ang mga Anak; Pagbalik Niya ay Hindi Niya Lubos Akalain ang Kaniyang Dadatnan

Napilitang Mag-OFW ang Ina upang Maitaguyod ang mga Anak; Pagbalik Niya ay Hindi Niya Lubos Akalain ang Kaniyang Dadatnan

“Ric, gusto sana kitang makausap tungkol sa mga gastusin dito sa bahay. Alam mo naman na lumalaki na ang mga bata at nag-iiba na rin ang mga pangangailangan nila. Sa susunod na buwan ay dalawa na ang pag-aaralin natin. Hindi na talaga sapat ang kinikita mo sa pagpapataya lang ng jueteng. Saka isa pa, lumalaki na rin ang mga anak natin. Mas maganda sana kung maghahanap ka ng mas maayos na trabaho,” saad ni Anna sa kaniyang asawa.

“Kung makapagsalita ka’y akala mo’y may dinadala kang pera sa pamamahay na ito. Anong sama ng pagpapataya ko sa jueteng? Mabuti at hindi ako nakatunganga lang dito maghapon. Aba’y tinitiis ko ang init para lang maglibot. Tapos ay mamaliitin mo lang ang trabaho ko. Ipapaalala ko lang sa’yo, Anna, na ang trabho ko na ‘yan ang nagdadala ng pagkain sa hapagkainan!” galit na tugon naman ni Ric.

“Nagpapasalamat naman ako sa lahat ng mga nagagawa mo para sa pamilya natin. Para sa akin lang naman ay tingin ko’y may mas maganda ka pang trabahong mahahanap. Nakatungtong ka naman ng kolehiyo, hindi ba? Kung maghahanap ka lang ay may mas magandang trabahong naghihintay sa’yo,” muling wika pa ng ginang.

“Pakiramdam ko ay minamaliit mo ang kaya kong gawin para sa pamilya na ito. Matuto kang makuntento kasi sa kung ano ang kaya kong ibigay. Hindi ‘yung kung anu-ano ang hinahanap mo. Kumakain naman kayo at nakakapag-aral ang mga bata! Ang dami mo pang sinasabi riyan! Kaya nagkakanda-letse-letse ang buhay natin e!” naiinis na wika pa ni Ric sabay talikod sa asawa.

Sa totoo lang naman ay hindi away ang nais ni Anna kung hindi kausapin lamang nang masinsinan ang kaniyang asawa. Bumalik sa kaniyang isip ang lahat ng mga pangako ni Ric noong nililigawan pa lang siya nito at inaya magpakasal. Hindi niya inakala na ganitong buhay ang dadanasin niya.

Dating nagtatrabaho sa munisipyo itong si Ric. Dahil may ginawang katiwalian ay nasibak ito sa trabaho kaya pinasok na lamang ang pagpapataya ng jueteng. Kilala ang pamilya ni Ric sa ganitong gawain.

Madalas ay kaunti lang ang kinikita ni Ric ngunit ipinangsusugal pa ito ng ginoo. Sa tuwing sisitahin naman ni Anna ang asawa ay sigaw at away ang lagi niyang natatanggap. Hindi na niya alam kung paano ba pakikisamahan si Ric. Minsan nga ay naisip na rin niyang humiwalay. Kung hindi lang niya iniisip ang mga bata na lalaki na hindi kumpleto ang pamilya.

Isang araw ay nagkasakit ang dalawa sa tatlong anak nila Ric at Anna. Kailangan itong dalhin sa ospital. At dahil nga walang ipon ay kailangan pa ng dalawa na mangutang kung kani-kanino.

“Ric, ito ang sinasabi ko sa’yo. May mga pagkakataong ganito na kailangan natin na may mahuhugot tayo. Hindi tayo pwedeng umasa sa utang dahil ano rin ang ibabayad natin?” saad ni Anna sa asawa.

“Ako na naman ang may kasalanan? Kung sa tingin mo ay mas magaling ka, bakit hindi na lang ikaw ang humanap ng mas magandang trabaho? Tutal nakatungtong ka rin naman ng kolehiyo. Ako na ang bahala sa mga bata at buhayin mo na lang kami!” pananarkastiko pa ng ginoo.

Ngunit imbis na tumiklop si Anna ay nakakuha siya ng isang magandang ideya.

Kaya nang masiguro niyang magaling na ang kaniyang mga anak ay naghanap siya ng trabaho sa ibang bansa. Sa tulong ng ilang kaibigan ay nakapasok siya bilang isang domestic helper sa Saudi.

Maganda naman ang sahod ni Anna. Sa katunayan ay napapag-aral niya ang kaniyang mga anak sa pribadong eskwelahan. Hindi rin niya pinaalam sa kaniyang asawa kung magkano ang buong sahod niya dahil nais niyang mag-impok.

Minsan ay nakatanggap ng tawag itong si Anna mula sa kaniyang ina.

“Anna, ayaw kong makialam sa buhay n’yong mag-asawa. Pero sa tingin ko ay mas magandang dito na lamang sa akin ang mga bata,” saad ni Aling Remedios sa anak.

“A-ano pong ibig n’yong sabihin? May nangyari po ba?” pagtataka naman ni Anna.

“Sa tingin ko ay hindi kasi naaalagaan nang maayos ang mga anak mo. Siguro ay tanungin mo na lang ang asawa mo kung kaya niyang pangalagaan talaga ang mga bata. Malugod ko namang tatanggapin ang mga apo ko. Magiging masaya pa ako kung makakasama ko sila,” saad muli ng ina.

Nang kausapin naman ni Anna ang kaniyang asawa ay naghugas-kamay lamang ito.

“Gusto ko lang ng nanay mo na sa kaniya mo ipadala ‘yung sahod mo! Tigilan niya kamo ang pangingialam sa pamilya natin at kaya kong alagaan ang mga anak ko!” inis na sambit ni Ric.

Ngunit alam ni Anna na hindi magsisinungaling ang kaniyang ina.

Makalipas ang isang buwan ay sinikap ni Anna na makauwi ng Pilipinas. Hindi niya ito ipinaalam kay Ric nang malaman niya talaga kung ano ang nangyayari sa kaniyang pamilya.

Pag-uwi ni Anna sa kanilang bahay ay laking gulat niya nang datnan niya ang isang babae. Nakapostura ito at halata mong matagal nang naninirahan doon. Nang makita niya ang tatlo niyang anak ay parang hindi na ito inaalagaan. Nangayayat na ang mga ito at ubod nang dungis.

Nang makita ng mga bata ang kanilang ina ay nagsilapitan ang mga ito ay agad nilang inakap ang ginang. Walang patid ang pag-iyak ng mga ito at pagsusumbong sa tunay na kalagayan nila kapiling ang ama at ang bago nitong asawa.

Nang dumating si Ric ay isang malakas na sampal ang bungad ni Anna sa kaniya.

“Ang kapal ng mukha mo! Nagpapakapagod ako sa ibang bansa para sa mga anak ko tapos ay dito lang sa kabit mo pala mapupunta. At hindi ka pa nakuntento, talagang ibinahay mo pang hay0p ka!” naiiyak sa sobrang panggigigil itong si Anna.

“Anong magagawa ko? Lalaki lang ako, Anna, at may pangangailangan din!” tugon naman ni Ric.

“Kaya naghanap ka ng iba? O ‘di magsama kayo! Kukunin ko na ang mga anak ko dito para hindi na sila nakakaistorbo sa pamumuhay n’yong dalawa! Wala ka talagang kwentang lalaki. Dapat noon palang ay hiniwalayan na kita! Magsama kayo ng kabit mo sa impyerno!” bulyaw ni Anna sabay aya sa mga anak.

Dinala na muna ni Anna ang kaniyang mga anak sa kaniyang Nanay Remedios. Doon muna ang mga bata habang nagtatrabaho siya sa ibang bansa.

“Dito na muna kayo sa lola n’yo. Hindi na kayo makukuha pa ng ama n’yo rito. Gagawin ko ang lahat nang hindi na makalapit pa ang tatay n’yo sa inyo. Dito ay mamahalin kayo at aalagaan ng lola n’yo,” saad ni Anna sa kaniyang mga anak.

Bago bumalik ng ibang bansa si Anna ay humingi siya ng tulong sa mga awtoridad upang hindi na makalapit pa si Ric sa kaniyang mga anak. Sinampahan niya rin ito ng kaso dahil sa pagmamaltrato sa mga anak at sa pambababae nito.

Muling bumalik si Anna sa Saudi upang magtrabaho. Hangad niya na makaipon kaagad nang sa gayon ay makabalik siya sa Pilipinas, makapagnegosyo, at hindi na kailanman mawalay sa mga anak niya.

Advertisement