Inday TrendingInday Trending
Awang-awa ang Ama dahil Kasama Niya sa Pamamasada ang Dalawang Maliliit na Anak; Isang Gabi ay Magbabago Bigla ang Kanilang Buhay

Awang-awa ang Ama dahil Kasama Niya sa Pamamasada ang Dalawang Maliliit na Anak; Isang Gabi ay Magbabago Bigla ang Kanilang Buhay

Gabi pa lang ay inihahanda na ni Fred ang mga gamit ng bata na kailangan niyang dalhin. Araw-araw kasi ay sinasama niya ang dalawang anak sa pamamasada. Hindi man siya magkandaugaga at naaawa man siya sa kalagayan ng dalawang anak ay wala siyang magawa. Hindi niya maaaring iwan ang mga ito sa bahay ngunit hindi rin naman siya pwedeng tumigil sa pamamasada dahil mawawalan sila ng ikabubuhay.

Isang taon na mula nang yumao ang asawa ni Fred dahil nagkaroon ito ng impeksyon sa dugo. Hindi naagapan ang pagkalat ng sakit ng asawa dahil salat sila sa panggastos. Buhat noon ay solong katawan na ng ginoo ang pag-aalaga sa mga bata at pagtatrabaho para sa kanilang ikabubuhay.

Hindi naman niya magawang ipaalaga ang mga ito sa kaniyang mga kamag-anak na pawang nasa probinsya lahat.

Hindi pa pumuputok ang araw ay inilipat na ni Fred ang mga tulog na anak sa upuan sa unahan ng dyip. Gumawa na rin siya ng pangharang at lalagyanan ng mga gamit ng mga ito nang sa gayon ay komportable pa rin ang dalawang bata. Awang-awa si Fred sa kalagayan ng kaniyang mga anak, Kung pwede lang wag na lang siyang bumiyahe para lang maalagaan niya ang mga bata sa bahay.

Nagpatuloy na sa pamamasada itong si Fred. Dahil nga may mga bata sa harapan ay hindi na magawang magpatakbo ng mabilis ni Fred. Madalas ay nagagalit na ang mga pasahero sa kaniya. Bukod pa doon ay kaunting ikot lang din ang nagagawa niya.

Isang umaga ay napakalakas ng bugso ng ulan. Ayaw na sana ni Fred na isama ang kaniyang mga anak sa pamamasada dahil baka magkasakit pa ang mga ito. Kaya pinakiusap na lamang niya sa kaniyang biyenan.

“Hindi pwede ang mga anak mo dito. Tapos na ako sa pag-aalaga ng bata. Huwag mo na akong bigyan ng responsibilidad! Ikaw ang may responsibilidad sa mga ‘yan kaya ikaw ang dapat gumawa ng paraan!” sambit ng babaeng biyenan ni Fred.

Nanlumo si Fred dahil kahit masama ang panahon ay kailangan pa rin niyang isama sa pamamasada ang kaniyang mga anak. Habang nagmamaneho ay hindi maiwasan ni Fred na maluha habang pasulyap-sulyap siya sa mga bata.

“Hindi dapat narito ang mga anak ko. Dapat ay nasa bahay sila, komportable, at hindi nababasa ng ulan,” sambit sa isip ni Fred.

Sa paghinto ng kaniyang sasakyan ay hindi niya napigilan din na hawakan ang mga anak at kausapin.

“Pasensiya na kayo sa tatay at ganito lang ang kaya kong gawin para sa inyo. Sana ay dumating ang panahon na hindi ko na kayo kailangan pang isama sa pamamasada dahil pare-pareho na lang tayong nasa bahay,” saad pa ng ama.

Hatinggabi na at nakatulog na rin ang dalawang bata. Pauwi na sana ang mag-aama nang matanaw ni Fred ang isang matandang na nasa gitna ng lansangan. Nasira ata ang luma nitong sasakyan.

Walang kaabog-abog ay pinuntahan ito ni Fred at tinulungan.

“Tatang, hihilahin ko po ang sasakyan n’yo sa gilid nang maayos po natin. Delikado po dito sa gitna ng kalsada!” saad ni Fred.

“Maraming salamat sa’yo! Tumirik na lang bigla ang sasakyan ko dahil sinuong ko sa baha kanina,” paliwanag naman ng matanda.

Nang maitabi ang lumang sasakyan ng matanda ay mabilis itong siniyasat ni Fred at saka niya ginawa.

“Maraming salamat sa iyo. Marahil ay hindi ako makakauwi ngayong gabi kung hindi nagawa ang sasakyan ko. Wala na rin kasing baterya ang selpon ko. Ano na ang pwede kong ibigay sa iyo nang sa gayon ay mabayaran ko naman ang oras mo?” saad pa ng matanda.

“Wala pong anuman, ginoo. Huwag na po kayong mag-abala pa. Sige po at mauuna na rin ako dahil kailangan ko na pong iuwi ang mga anak ko sa bahay,” saad naman ni Fred.

Nang makita nga ng matanda ang dalawang bata na natutulog sa dyip ay hindi nito maiwasan na magtanong kay Fred.

Hindi rin alam ni Fred kung bakit gano’n na lang kagaan ang pakiramdam niya sa matanda ay naikwento niya ang paghihirap na kaniyang nararanasan.

“Pumunta ka bukas d’yan sa address na nakasulat sa tarheta ko. May nais akong ialok sa iyo. Aasahan kita,” saad pa ng matanda.

Sa katunayan ay tila wala namang balak si Fred na puntahan ang address ng matanda. Sa luma ng sasakyan nito ay baka mas mahirap pa ito sa kaniya. Ngunit habang tinitingnan niya ang kaniyang mga anak ay agad niyang tingnan muli ang tarheta na ibinigay sa kaniya.

Kinabukasan, habang kasama niya ang mga anak na namasada ay dinaanan nila ang address ng matanda.

Doon ay nakita niyang may-ari pala ito ng isang malaking pagawaan ng mga sasakyan!

“Akala ko ay hindi ka na darating dito. Kanina pa kita hinihintay,” saad ni Ginoong Romeo, ang matandang tinulungan niya at siyang may-ari ng kompanya.

“Nais sana kitang gawing chief mechanic dito sa kompanya ko. Pero hindi na ikaw mismo ang gagawa ng mga sirang sasakyan. Ang kailangan mo lang gawin ay ituro sa mga tauhan kung ano ang dapat nilang gawin,” pahayag ng matanda.

Labis na kinagulat ni Fred ang kaniyang narinig.

“Ngunit bakit ako po ang napili n’yo? Wala po akong tinapos sa pag-aaral,” saad pa ng ginoo.

“Hindi ko naman kailangan ng may tinapos sa pag-aaral. Ang kailangan ko ay maalam sa sasakyan. Maraming motorista kagabi ang nilagpasan ako. Sino ba naman ang tutulong sa isang matandang may lumang sasakyan? Luma na ang sasakyan ko at napakahirap nitong paganahin pero naayos mo pa rin. Isa pa nais kong ibalik naman sa’yo ang kabutihang nagawa mo sa akin. Lalo na nang malaman ko ang kwento ng iyong buhay. Isa kang dakilang ama, Fred, at pinahanga mo ako. Para hindi mo na isama ang mga anak mo sa pamamasada ay dito ka na lang sa akin magtrabaho. Bibigyan kita ng magandang opisina kung saan pwede mo pa ring dalhin ang mga anak mo. Mas magiging komportable sila, sisiguraduhin ko ‘yan sa’yo. Sana ay pumayag ka sa alok ko,” saad ni Ginoong Romeo.

Hindi na napigilan ni Fred na tumulo ang kaniyang mga luha. Niyakap niya ang matanda sa labis na pasasalamat.

“Hindi ko akalain na magbabago ang buhay ko dahil lamang sa tinulungan ko kayo. Kung alam n’yo lang kung gaano ako manalangin na sana’y hindi na ako mamasada para hindi na mahirapan pa ang mga anak ko,” pagtangis ng ginoo.

Niyakap rin ni Fred ang kaniyang mga anak.

“Magpasalamat kayo sa mabuting ginoo na ito dahil tinulungan niya tayo, mga anak. Malaki ang utang na loob natin sa kaniya,” umiiyak na sambit ni Fred.

“Mas kailangan niyong magpasalamat sa inyong ama dahil kahit kailan ay hindi niya kayo pinabayaan. Ipagpasalamat niyo sa Diyos na binigyan niya kayo ng responsable, mapagmahal, at dakilang ama,” sambit naman ni Ginoong Romeo.

Agad na nagsimula ng trabaho si Fred sa kompanya ng matanda. Mula noon ay naging maginhawa na ang buhay ng mag-aama.

Advertisement