Ganid sa Pera at Labis kung Magpatong ng Interes ang Ginang na Nagpapautang; Karma ang Magtuturo sa Kaniya ng Leksyon

“Letty, kailan mo balak bayaran ang lahat ng utang mo sa akin? Mag-iisang linggo ka nang hindi nagbabayad, a! ‘Yan ang sinasabi ko sa lahat ng nangungutang sa akin, para kayong mga maaamong tupa kapag lalapit sa akin at mangungutang. Kapag singilan na ay kung anu-ano ang dinadahilan,” sita ni Aling Magda sa ginang nang makita niya ito sa kalsada.

“Pasensiya ka na talaga, Magda. Hindi ba nabayaran naman na ang perang nautang namin sa’yo? Baka naman pwedeng huwag mo nang tubuan pa ulit dahil gipit na rin kami. Hindi pa masyadong magaling itong si Utoy. Maraming gamot pa ang kailangan kong bilhin,” pakiusap naman ni Letty. 

“Wala akong pakialam sa sakit ng anak mo, Letty. Hindi naman ako charity para sa akin mo ‘yan ilapit. Saka isa pa, negosyo ko ang pagpapautang. Kaya kung gusto kong tubuan ang pinahiram ko sa iyo ay karapatan ko ‘yun. Dapat naisip mo na yan bago ka pa lang umutang sa akin!” bulyaw naman ni Aling Magda.

Hiyang-hiya na si Letty sa kakasigaw sa kaniya ni Aling Magda dahil lamang sa kaniyang utang. Kahit humingi ng pasensya at palugit ang ginang ay ayaw namang pumayag ni Aling Magda. 

“Hindi ba may mga selpon kayong mag-asawa? O kahit anong kagamitan n’yo sa bahay na p’wede kong pakinabangan? Kukunin ko ‘yun kapalit ng utang n’yo sa akin!” muling sambit ni Aling Magda. 

“P-pero ginagamit naming mag-asawa ang mga selpon namin upang magkaroon ng komunikasyon. Iyon lang kasi ang tanging paraan para makausap ko si Dante dahil sa Maynila siya nagtatrabaho,” paliwanag naman ni Letty.

“Sinabi ko na sa iyo, Letty, na wala nga akong pakialam. Kinukuha ko lang ang para sa akin. Umutang ka kaya magbayad ka! Alam mo dahil sa ginagawa mo sa akin ay hindi na talaga kayo makakaulit pa sa akin kahit na maglumpasay ka pa sa harap ko at kahit malagutan pa ng hininga iyang anak mo!” bulyaw pa ng ginang.

“Napakasama talaga ng tabas ng dila mo, Aling Magda. Malaking pagkakamali talaga na umutang kami sa’yo. Kung hindi ko lang talaga kailangan ng mga panahon na naospital ang anak ko ay hindi naman talaga ako lalapit sa inyo. Mantakin mo pati ang tubo ay tinutubuan n’yo pa. Huwag sana kayong karmahin sa panggigipit na ginagawa n’yo sa amin at sa masamang sinabi n’yo sa anak kong may sakit,” hindi na naiwasan pa ni Letty na sumagot ng pabalang kay Aling Magda dahil sa masamang sinabi nito tungkol sa kaniyang anak. 

Advertisement

Habang galit na galit si Aling Magda ay tinalikuran na ito ni Letty at saka niya pinagpatuloy ang kaniyang paglalakad pauwi ng kanilang bahay. Wala pa ring tigil sa pagsigaw at pagmumura itong si Aling Magda.

Nais na talaga ni Letty na bayaran ang lahat ng kaniyang pagkakautang kay Aling Magda. Grabe kasi kung maningil ang ginang at kung magpatong ng interes. Pati ang interes, kapag hindi mo nabayaran ay lalaki rin ang tubo. Dahil dito ay lalong nababaon sa utang si Letty. Bawat pera pa naman sa kaniya ay mahalaga dahil may sakit ang kaniyang anak at kailangan nito ng patuloy na gamutan. 

Gayunpaman ay hindi ito inuunawa ni Aling Magda. Ang nais lamang niya ay makabayad sa kaniya si Letty sa kahit anong paraan.

Isang araw ay nabigla si Letty nang bigla na lamang siyang ipinatawag sa barangay. Inireklamo nga raw siya nitong si Aling Magda dahil sa hindi niya pagbabayad ng utang. 

“Nakabayad na ako ng orihinal na utang sa kaniya kasama ang unang interes. Pero dahil sa nahuhuli ang ibang hulog ko ay pinatungan na niya ng pinatungan pa ng interes. Kaya nga ako nangutang sa kaniya dahil gipit ako. Paano ako makakaahon kung lalo niya akong gigipitin? Hindi na natapos ang utang ko sa kaniya!” depensa ni Letty.

“Ang problema nga kasi ay lumagda ka sa kasulatan, Letty. Kailangan mo pa rin bayaran ang tatlong libong piso na hinihingi sa’yo ni Aling Magda na interes. Bayaran mo na siya nang matapos na ito,” saad pa ng taga-barangay.

Batid ni Letty na hindi hihinto ang pagrereklamo ni Aling Magda. Lalo pa at malakas ito sa ilang taga-barangay dahil may utang din ang mga ito sa ginang. 

Dahil iniisip din ni Letty ang kalagayan ng anak dahil hindi niya ito matutukan kakabalik sa barangay ay wala siyang nagawa kung hindi ibenta ang kaniyang selpon at ilang gamit upang makabayad sa pagkakautang kay Aling Magda.

Advertisement

Napakasakit sa loob niya na ang limang libong kaniyang inutang ay binayaran niya ng halos sampung libong piso dahil lamang sa lumobong interes.

“Magbabayad ka rin pala, Letty, nagmamatigas ka pa! Akin na nga ‘yan at baka mamaya ay hindi mo pa ibigay!” sambit ni Aling Magda sabay hablot ng pera sa mga kamay ni Letty. 

Laking panghihinayang ni Letty sa perang ibinigay niya kay Aling Magda. Bukod sa wala na kasing paraan para makausap niya ang asawa ay malaking tulong na dapat ang perang iyon sa gamutan ng kaniyang anak. 

“Diyos na lang ang bahala diyan kay Aling Magda. Kahit kailan ay hindi na ako lalapit pa sa kaniya. Kaya, anak, sana ay tulungan mo rin ang nanay at tatay. Lakasan mo ang loob mo at palakasin mo rin ang sarili mo dahil gagawin namin ni tatay mo ang lahat para umayos ang kalagayan mo,” saad ni Letty sa anak. 

Imbis na mangutang ay lumapit na lamang sa mga ahensya ng gobyerno itong si Letty. Kahit na mahirap ay pilit niya itong ginawa upang mailigtas lamang ang buhay ng anak.

Makalipas ang ilang buwan ay tuluyan na ring gumaling ang bata.

Samantala, kasabay ng paggaling ng anak ni Letty ay kumalat ang balitang may malubhang karamdaman daw itong si Aling Magda at kailangan ng matinding gamutan. Dahil nga may pera, sa una ay natutustusan pa ang kaniyang pagpapagamot. Ngunit umabot na ito sa sukdulan hanggang sa kailangan na niyang ibenta ang kaniyang mga ari-arian.

Dahil nga mahina na ang katawan nitong si Aling Magda ay hindi na siya nakapagnegosyo pa. Nakatanggap siya ng sulat mula sa bangko na tuluyan nang kukunin ang kaniyang bahay kaya pinapaalis na siya roon. 

Advertisement

Labis ang pakikiusap ni Aling Magda sa huwag siyang palayasin sa bahay dahil wala na siyang mapupuntahan. Ngunit kahit anong apela ni Aling Magda ay hindi na siya pinayagan pa ng bangko dahil ilang buwan na rin siyang hindi nakakabayad.

Dito napagtanto ni Aling Magda na bumalik sa kaniya ang lahat ng masasamang ginawa niya sa kaniyang kapwa. Naaalala rin niya ang mga tagpong pilit niyang ginigipit si Letty upang makabayad ito sa utang na nabayaran naman na niya talaga.

“Marahil ito ang pakiramdam ni Letty,” tanging nasambit ni Aling Magda sa kaniyang sarili.

Nakakalungkot na isipin na matututunan ni Aling Magda ang matinding aral ng kaniyang buhay sa mahirap na paraan. Nais man niyang itama ang kaniyang mga nagawang mali ay huli na ang lahat dahil naghihintay na lamang siya ng tuluyang pagkawala ng kaniyang buhay dala ng matinding karamdaman.