Inday TrendingInday Trending
Hindi Pinansin ng Sundalo ang Katorse Anyos na Dalagitang May Gusto sa Kanya Noon, Hahabul-Habol Siya Rito Ngayon

Hindi Pinansin ng Sundalo ang Katorse Anyos na Dalagitang May Gusto sa Kanya Noon, Hahabul-Habol Siya Rito Ngayon

Taong 1943.

Isa si Carlos sa mga sundalong Pilipino na lumalaban sa hukbo ng mga Hapones. Kaya lang ay di tulad ng kanyang mga kasamahan, parang tingting ang kanyang katawan, palibhasa ay siya naman din kasi talaga ang pinakabata sa kanila. Ewan niya nga ba, malakas naman siyang kumain pero talaga lang hindi siya tumataba. Gayunpaman, small but terrible siya. Isa siya sa pinakamagaling noong training nila, hindi naman kasi katawan lamang ang basehan ng pagiging magaling- utak ang ginagamit niya.

“Uy Carlos, narito na naman ang tagahanga mo,” bulong sa kanya ng isa sa kanyang mga kasamahan, siniko pa siya nito. Agad namang hinanap niya ang tinutukoy nito. Diyos ko, isa itong malaking pagkakasala, nasa harap niya na naman kasi ang katorse anyos na dalagitang palaging nagdadala sa kanya ng mansanas. Isa ito sa mga nailigtas nila noon, ewan niya ba, akala yata nito ay magkaedad sila, 22 anyos na siya.

“K-kumusta ka?” sabi niya rito, pinipilit na magpaka-kaswal. Namula naman ang pisngi ng dalagita at nahihiyang ngumiti, sabay abot sa kanya ng isang mansanas. Kinuha naman niya iyon dahil ayaw niyang mapahiya ang dalagita. Pero kailangan niya nang pagsabihan ito, bukod sa menor de edad ito at bawal na bawal ang ganoong pag ibig, hindi rin siya nagpunta sa lugar na ito para humanap ng minamahal, narito siya upang ipagtanggol ang bayan. Masyadong delikado ang ginagawa ng dalagita na paglapit sa kanilang kampo, mamaya ay magkaroon ng engkwentro, madamay pa ito.

Patalikod na ang babae nang muli niya itong tawagin, “Binibini?” sabi niya rito. Agad naman itong humarap, naroon ang kaligayahan, kilig at antisipasyon sa mukha nito. Nag-iisip pa si Carlos kung paano magandang sabihin, nang hindi ito nasasaktan.

“Huwag mo sanang mamasamain, pero may nobya na ako k-kaya wag ka nang pupunta pa rito. S-salamat sa mga mansanas,” dire-diretsong sabi niya. Anak ng pating! Bakit iyon ang lumabas sa bibig niya?! Nais niya mang bawiin ay huli na, patakbo itong umalis roon habang nakatakip ang bibig.

Taong 1951

“Aba Carlos, kailan mo ba kami bibigyan ng apo?” tanong ni Inang Juana, ang kanyang lola. Masyado itong makulit pagdating sa kanyang pag-aasawa, para naman kasi kay Carlos ay hindi pinipilit iyon. Kusa iyong darating, kung talagang para sa kanya.

“Oo nga ‘insan, sa isang buwan ay trenta anyos ka na. Samahan mo na lang akong sumayaw sa plaza, maraming kababaihan roon na naghahanap ng mga binata,” sabi ng pinsan niyang si Miguel, pagdating talaga sa kababaihan ay matinik ito. Hindi rin naman siya papahuli, malaki ang nagawa ng panahon sa kanyang katawan. Kung dati ay para siyang tingting, matikas na siya ngayon at makisig. Ang dami ngang kadalagahan ang nahuhumaling sa kanya, sadyang wala palang sa isip niya ang pag-a-asawa.

Wala na siyang nagawa dahil ang kanyang lola at pinsan ay pinagtulungan na siya kaya pumayag na lamang siyang sumama. Wala namang gagawin roon, siguro ay uupo na lamang siya sa isang tabi.

Pero di natuloy ang plano ni Carlos na tumunganga sa isang tabi dahil agad napukaw ang pansin niya ng isang dalagang pumapasok sa sayawan, parang bumagal ang ikot ng mundo. Pinipilit pa ito ng kasama na pumunta sa gitna pero ayaw nito, ayaw ni Carlos na maunahan ng iba kaya siya na ang lumapit sa mga ito.

“Pwede ka bang mai-sayaw?” sabi niya rito. Saglit siyang tinitigan ng babae, nanlaki ang mata nito. Huh, siguro ay na-gwapuhan sa kanya.

“Hindi,” sabi nito sabay irap sa kanya. O, ano ang ginawa niyang masama? Ang gulo talaga ng mga babae!

“Maaari ko bang malaman kung bakit ka.. bakit ka nagagalit sa akin?” sabi niya rito, sinusundan ito habang naglalakad.

“Ah talaga hindi mo pala alam, nagsayang lang ako ng mansanas sayo noon,” pabulong na sabi nito pero narinig niya. Doon nanlaki ang kanyang mga mata.

“Ikaw yong dalagitang..”

“At hindi mo pala talaga natandaan man lang ang pangalan ko!” lalong nagalit ito, aba malay niya ba namang gaganda ito ng ganito? Bukod doon, wala talaga sa isip niyang pagtuunan ito ng pansin noon dahil tingin niya rito ay isang batang humahanga.

“Masarap ba ang mansanas mo?” kusang lumabas sa bibig niya iyon, bigla niya ring pinagsisihan. Gulat na gulat pang napatingin sa kanya ang babae, namula tuloy ang kanyang mukha. Dahil doon ay natawa ang babae.

“Ako si Erli,” sabi nito.

“Carlos,” inabot niya ang kamay nito at hinalikan.

Mula noon ay di na mapaghiwalay ang dalawa. Naging mabuti silang magkaibigan hanggang nauwi iyon sa pagmamahalan, ngayon ay marami na silang anak at apo. Naunang pumanaw si Carlos at si Erli ay masayang kapiling ng kanilang mga anak at apo.

Lumisan man ang mister ay dala niya sa kanyang puso ang nakakatawa at nakakakilig na alaala ng kanilang pag iibigan. Kapag talaga tadhana na ang nagtrabaho, kahit gaano pa kaimposible ay nagkakalapit ang dalawang pusong nakatakdang magtagpo.

Advertisement