Inday TrendingInday Trending
Nakaratay na sa Banig ng Karamdaman ang Dalagita, Napakasakit Para sa Ama ang Makita Ito sa Ganoong Sitwasyon

Nakaratay na sa Banig ng Karamdaman ang Dalagita, Napakasakit Para sa Ama ang Makita Ito sa Ganoong Sitwasyon

Matagal nang nakikipaglaban sa sakit na cancer ang anak ni Manuel na si Lovely. Bata palang ito ay madalas na niyang napapansin ang mga pasa na hindi nila alam kung saan nagmumula. Hindi naman acute o mabilis ang pagkalat ng cancer, ngunit sa tagal ng kondisyon ni Lovely, lumubha na ito. Araw-araw ay ipinagdarasal ni Manuel na sana ay bigyan pa siya ng Diyos ng sapat na panahon para makapiling ang anak. Nag-iisa kasi si Lovely, at hiwalay siya sa kanyang asawa. Simula nang ma-diagnose ang sakit ng anak ay subsob na siya sa pagta-trabaho para makaipon ng pampagamot nito.

Sa ospital ay napakatahimik. Dala ang mainit na inuming tsokolate na paborito ni Lovely, binuksan niya ang pinto ng kuwarto kung saan kasalukuyang naka-confine ang dalaga.

  • Image courtesy of www.google.com
  • “‘Nak, nag-rounds na ba ang doktor mo?” tanong niya rito nang makaupo sa tabi nito. Inalalayan niyang makatayo si Lovely upang makainom ito ng mainit na tsokolate.

    “Wala pa po, ‘Pa. Ang sabi po ng nurse baka mamayang hapon na po makabisita si Doc.”

    “Ayos ka lang ba?”

    Ngumiti at tumango si Lovely. Tinitigan ni Manuel ang anak. Dati-rati ay napakapula ng mga pisngi at mga labi nito. Sa tuwing uuwi ito galing sa paglalaro, masiglang babati ang paslit at magtatanong kung ano ang ulam para sa hapunan. Ngayon ay maputla na ito. Halos walang dugo. Maitim na maitim ang ilalim ng mga mata, pagod na pagod, at tila susuko na sa laban. Ito ang ayaw na ayaw nakikita ni Manuel sa tuwing haharapin niya ang anak. Tila ba anumang oras, maaaring pipikit ito at hindi na magigising pa.

    “Wala na po pala kanina ‘yong katabi ko dito sa ward.”

    Nilingon ni Manuel ang kabilang kama, at ngayon nga lang niya napansin na wala nang umookupa niyon. Si Manang Fe ang laging nakakasama ni Lovely sa tuwing iiwan niya ang anak upang pumasok sa opisina. Nakakalungkot dahil hindi na rin pala kinaya ng matanda ang komplikasyon nito sa bituka. Ngayon ay si Lovely na lang ang pasiyente sa room 305.

  • Image courtesy of www.google.com
  • “‘Pa?”

    Bumalik ang atensyon niya sa anak. “Hmm?”

    “Dadalawin po ba ako ni Mama?”

    Hindi nakasagot si Manuel. Pitong taong gulang si Lovely nang sumama ang dating asawa sa ibang lalaki. Ni hindi ito nagpaalam o nag-iwan ng sulat para ipaliwanag kung bakit naglaho na lang ito na parang bula. Sampung taon ang nakalipas ay hindi pa rin ito nagpaparamdam o bumibisita sa kanila. Ilang beses niyang tinangka na hanapin ito sa social media, at ilang beses niya itong sinubukang tawagan sa telepono ngunit hindi ito sumasagot. Sigurado siya na alam ng dating asawa ang naging kalagayan ng anak dahil sa mga tiyuhin at tiyahin ni Lovely sa mother side.

    Doon niya napagtanto na wala itong puso. Wala itong pakialam kay Lovely.

    Pinigil niyang umiyak sa sama ng loob. Hindi dapat ito nararanasan ng kanyang anak. Napakabait nitong bata. Marami itong pangarap sa buhay.

    “Sorry po sa pagtatanong. Alam ko naman po ang sagot,” malungkot ang boses ng dalaga, at napakasakit pakinggan.

    “Pasensya ka na, anak. Hayaan mo, sa susunod, siguradong pupunta na ‘yon.”

    Nakangiting umiling si Lovely. “Okay na po ako. Basta nandito po kayo.”

    Inilapag ng dalaga ang tasa ng tsokolate sa lamesita. ‘Pagkatapos ay may hinugot ito mula sa drawer sa gilid ng kama.

    “Makikisuyo po na pakibigay ito kay Mama. Huwag niyo pong babasahin, ha?”

    Iniabot nito ang isang nakatuping papel kay Manuel.

  • Image courtesy of www.google.com
  • Kinagabihan matapos bisitahin ng doktor si Lovely ay maaga itong nagpahinga. Dati-rati ay alas otso ito natutulog dahil nanonood pa ito ng paborito nitong palabas sa telebisyon. Shift sana ni Manuel sa trabaho ng alas onse, ngunit humirit ang anak. Unang beses humiling si Lovely na matulog ang ama sa ospital.

    “Pero kung kailangan po talaga kayo sa trabaho, sige lang po. Malapit lang naman po ang nurse station dito,” may pag-aalinlangang sabi ng dalaga. Nahahalata niya na ayaw na ayaw na nagiging pabigat nito.

    “‘Wag kang mag-alala, anak. Minsan lang naman ako a-absent. Hindi naman kita madalas na napagbibigyan.”

    Nauna nang nagbantay ang mga kamag-anak nila sa tuwing papasok siya sa trabaho. Pero sa ngayon ay gusto muna niyang makasama magdamag ang anak. Inokupa ni Manuel ang nabakanteng kama ni Manang Fe.

    “Pa, hindi ka ba napapagod sa’kin?”

    Naikuyom niya ang mga kamay sa tanong ni Lovely.

    “Marami na po kayong nagawa para sa akin. Maraming maraming salamat po. Sana po hindi po kayo nagsisisi na ako ang naging anak niyo.”

    Tumayo si Manuel sa higaan, at walang salita na niyakap niya ang anak. Ang paninikip ng dibdib, at mga luhang dati niyang pinipigil ay kusa nang tumulo. Mahal na mahal niya si Lovely, at ni minsan ay hindi siya nagsising siya ang naging ama nito. Kahit pa ganito ang kinahinatnan ng lahat.

    “Matutulog na po ako.”

    Hinalikan ni Manuel ang noo ng dalaga, at hinayaan na itong magpahinga. Nang gabing iyon ay hindi siya nakatulog. Bawat paghinga at paggalaw ng anak ay inoobserbahan niya. Bawat segundo ay tila ba palakas nang palakas ang kabog ng dibdib niya. Pinatay ni Manuel ang ilaw. Nasa kalahating oras na simula nang pumikit si Lovely at malamang ay nakatulog na ito. Ngunit hindi mapalagay si Manuel, sa hindi maipaliwanag na kadahilanan.

    “Lovely?”

    Ang mga salitang binitiwan ng anak kanina ay nasa isip niya.

    “Anak?”

    Wala siyang narinig na sagot. Binuksan muli ni Manuel ang ilaw, at pinuntahan ang anak. Hinawakan niya ito at sinubukang gisingin. Tatlong beses niya itong tinapik, hinaplos, ngunit walang reaksyon. Ilang minuto siyang nakatulala sa mukha ng dalaga. Hanggang sa napagdesisyunan niyang tumawag na ng nurse.

    Wala na ang pinakamamahal niyang anak.

    Gayunpaman, ang mga alaala nito ay mananatiling nasa puso at isipan ni Manuel habang siya ay nabubuhay. Masaya siya na kahit papaano, sa huling mga sandali ni Lovely, ay siya ang nakapiling ng anak.

  • Image courtesy of www.google.com
  • Tinupad ni Manuel ang hiling ng anak na huwag basahin ang liham nito para sa ina. Hanggang ngayon ay naghihintay siyang magbalik ang babae para maiabot ang bilin ni Lovely. Kung sakali mang hindi na ito magpakita, isang malaking pagkakataon ang pinakawalan nito, na maging ina sa mabait at mapagmahal niyang anak.

    I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin, at karanasan ng mga Pilipino.

    Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

    Advertisement