Inday TrendingInday Trending
Ikinagulat ng Kasambahay nang Malamang ang Amo Niya ay Ang Dating Nobyo na Kanyang Iniwan

Ikinagulat ng Kasambahay nang Malamang ang Amo Niya ay Ang Dating Nobyo na Kanyang Iniwan

Kinikilig na inayos ni Jean ang kanyang buhok, natanaw niya na kasing papalapit ang nobyong si Liam. Singkit ang binatilyo, matangkad at talaga namang nakakatunaw ng puso ang mga ngiti. Ang swerte niya nga dahil sa kanya ito nagkagusto, magkababata kasi sila at di niya akalaing mapapansin siya nito. Para kasi sa kanya, napaka-ordinaryo niya lamang.

Nasa ikatlong taon na sila ngayon ng high school, alam naman ng mga magulang niya ang tungkol sa kanyang pakikipagnobyo, close si Liam sa mga ito. Habang ang mga magulang naman ni Liam ay nasa Amerika at di niya pa nakikilala, tanging matandang kasambahay na nagpalaki rito ang kasama nito sa bahay.

“Aba, maganda pa sa umaga ang baby ko,” sabi nito sa kanya, kinuha ang kanyang bag at tinulungan siyang magdala noon. Ngiti lang naman ang isinukli niya, hindi niya kasi alam paano itatago ang kilig.

“Ang aga mo yata?” sabi niya rito, kadalasan kasi ay late ito sa kanilang klase.

“Syempre, iba na ngayon. May inspirasyon na eh,” sabi nito na sinabayan pa ng kindat. Ang nobyo niya talaga, kay galing mambola. Sabay na silang naglakad papunta sa kani-kanilang classroom, pagtapat nila sa silid aralan ni Jean ay narinig niya pa ang mga kaklaseng babae na parang kinikiliti sa kilig dahil sa paghatid sa kanya ng nobyo.

5 years later

“Huy! Nangangarap na naman ang batang ito,” sabi ni Manang Diday, ang mayordoma sa bahay na pinapasukan niya.

“Ay, sorry manang!” natatarantang sabi niya, dinampot ang sandok at agad na tinanggal sa kawali ang nasusunog na pritong itlog. Paano naman kasi, hindi maalis-alis sa isip niya ang alaalang iyon. Sana kasi, kasing dali nalang ng buhay noon ang buhay niya ngayon. Pagka-graduate ng high school ay nakapag-abroad ang tatay niya, dinala silang pamilya sa Maynila. Pero hindi talaga yata siya patatahimikin ng tadhana at ayaw siyang maging masaya, naaksidente ang tatay niya sa abroad kaya di ito nakapagpadala. Bumalik ang pamilya nila sa probinsya dahil mas mahal ang pamumuhay sa Maynila, doble-doble ang sakit na naramdaman niya dahil ayon sa kanyang mga kamag-aral ay lumipat na rin daw ng eskwelahan ang kanyang nobyo.

Makalipas ang ilang buwan noon ay pumanaw din ang kanyang ama dahil sa kung anu-anong komplikasyon na naglabasan, nagkabaun-baon pa sila sa utang para maiuwi ang katawan nito sa Pilipinas. Sa ibang bansa kasi ito binawian ng buhay.

Kaya heto siya, undergraduate. First year college lang ang natungtong niya, may mga kapatid pa siyang nag-aaral kaya kahit masakit sa kanyang pride ay namasukan siyang katulong. Sinuwerte pa siya dahil sa malapit na subdivision sa kanila na naghahanap ng kasambahay, wala doon ang mga amo dahil nasa abroad. Ang trabaho lang nila ay bantayan at linisin ang bahay, tanging ang mayordoma lamang na si Manang Diday, at isang security guard ang kasama nila.

“Hindi pwedeng ganyan ka Jean pag dating ng amo natin, mabait naman sila pero wag kang aanga-anga, nakakahiya.” sabi nito sa kanya, nag aalmusal na sila ngayon.

“Uuwi na po ba sila? Di ba po ang sabi ninyo ay iyong anak lang ang uuwi?” sabi niya.

“Oo, sa Pasko pa uuwi ang mag asawa. Pero iyong anak, ang alaga ko uuwi na sa isang Linggo. Batang iyon, sana naman ay naka-move on na,” sabi nito, umiiling iling pa.

“B-bakit ho? Broken hearted manang?” napukaw ang kanyang interes, mukhang magandang kwento ito ah.

“Oo, may minahal iyan dito sa Pilipinas. Akala ng magulang eh puppy love lamang, ang alam ko ay iniwan siya noong babae. Nangako raw na babalik pero di na bumalik pa, araw-araw naghihintay iyang sa tagpuan nila dahil wala pa namang cellphone noon eh. Ang gwapo gwapo ng alaga ko, nagpapakabaliw sa babae. Kaya iyan kinuha ng magulang sa Amerika eh,” sabi nito.

“Ay kawawa naman po pala.” komento niya na lang habang ngumunguya ng pandesal.

Mabilis lumipas ang mga araw at ngayon ay abala sila ni Manang Diday na mag-asikaso sa bahay. Ang mayordoma ang nagluluto ng paboritong ulam ng alaga habang siya naman ay inaayos ang sapin sa kama ng darating na amo, matagal kasing hindi nagamit ang kwarto.

“Nawala lang ako ng limang taon, nakapasok ka na sa kwarto ko? Ang bilis mo naman,” sabi ng isang baritonong boses. Dahil hindi sanay sa mga lalaki ay agad na napatalon ang dalaga.

“Puk* ng kalabaw na nagbi-bingo!” sigaw niya, habol niya ang hininga pero di pa man din nakakabawi sa pagkagulat ay ganoon nalang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang makilala ang kaharap.

Si Liam.

Seryoso ang mukha nito at matiim na nakatitig sa kanya, walang emosyong makikita doon. Well, pag minamalas nga naman.. mukhang ito ang amo niya.

“Liam! Nandito na pala ang alaga ko, ay kay gwapo pa rin! Siya nga pala si Jean, ang kasambahay.” sabi ni Manang Diday na di niya namalayang nakarating na pala doon. Tinitigan siyang muli ng binata, nasa labi nito ang isang nakakalokong ngisi.

Nakatulala pa rin si Jean nang akayin ni Liam ang matandang mayordoma sa ibaba. “Jean, bumaba ka na rin. Samahan mo kami ni Liam,” sabi ng matanda.

Sumagot naman si Liam, “Hayaan mo siya manang, kung gusto nya muna sa kama ko,” sabi nito at inalalayan na ang matandang mayordoma. Hindi naging madali ang sumunod na mga araw ni Jean sa bahay na iyon, walang ibang ginawa si Liam kung hindi asarin siya. Sa paraang nakakaasar talaga, nariyang pabalik-balik siya nitong pakuhanin ng tubig, sumusunod ito sa kanya kahit sa pamamalengke- akala niya pa naman ay doon lang siya makakatakas, kapag naghuhugas siya ng pinggan ay uupo ito sa likuran niya at walang ibang gagawin kundi asarin siya, alam naman nitong madali siyang mailang.

Palabas na si Jean sa bahay upang mag day off nang pigilin siya ni Liam, “Mamaya ka na umalis,” sabi nito.

“Sir, day off ko po ngayon. B-babalik rin po ako mamayang 6pm.”

“B-basta mamaya ka na umalis, ano. Mag-usap muna tayo,” sabi nito. Nagsimula namang makaramdam ng kuryente si Jean sa puso niya, aminin niya man kasi o hindi ay hindi naman nawala ang pag-ibig niya sa dating nobyo. Kahit pa napakalayo na ng agwat nila ngayon. Tumalima naman siya at umupo, pero hindi pa man nakakalipas ang limang minuto ay nagulat siya nang biglang manlaki ang mata ng binata.

“Liam, baby! Buti nalang your friends told me na you’re back na raw! Ikaw ha, tinataguan mo ako,” malanding sabi ng isang matangkad na babae, nagmumura ang balakang at pagka-iksi-iksi ng suot na dress. Noon din ay tumayo na si Jean, ayaw niyang makaistorbo, hindi rin kaya ng puso niya ang nakikita ngayon. Mukhang katulong na talaga siya, pag itinabi sa babaeng ito na.. nobya ni Liam. Ah, ang sakit isipin!

“S-sir, lalabas na po ako. M-mag enjoy po kayo ni Ma’am, thank you po.” sabi niya at dali-dali nang lumabas ng bahay, di na naman siya hinabol pa ni Liam. Nang araw na iyon ay napag-isipan niyang maghanap na lamang ng ibang trabaho, pride na nga lang ang natitira sa kanya ay baka mawala pa. Hindi rin siya makakausad sa buhay kung araw araw niyang nakikita si Liam.

“Sabi mo, 6pm ka babalik. Alas otso na,” nakatiim ang bagang ng lalaki habang kausap siya, hinintay pala siya nito sa salas. Ginabi siya dahil naghanap siya ng ibang trabaho.

“Pasensya na po.. naghanap po kasi ako ng ibang trabaho. Iyon hong mas malapit sa amin, magreresign na sana ako sir sa lalong madaling panahon. Sorry po talaga kailangan kasi ng nanay ko ng katuwang kaya-”

“Umalis ka kung gusto mo,” sabi lang nito at tumalikod na. Wasak ang puso na dumiretso si Jean sa maid’s quarters upang kunin ang kanyang gamit, ngayong gabi rin ay uuwi siya sa bahay nila.

Makalipas ang isang linggo

Nagising si Jean sa ingay ng tawa ng kanyang nanay, napangiti na lang din siya dahil matagal nang hindi tumatawa ng ganoon ang kanyang ina. Mula nang mawala ang tatay niya, ngumingiti pa rin ito pero di aabot sa mga mata iyon. Hindi na siya nagsuklay at nagbra, naakit kasi siya sa amoy ng sinangag. Mukhang masaya ang nanay niya ah.

“O eto na pala si Cinderella eh. Ate, hanap ka ng prince charming mo!” kantsaw ng binatilyo niyang kapatid. Inirapan niya lang ito, palagi naman kasi itong nang aalaska. Dumiretso siya sa kusina at doon naghikab, nakataas pa ang dalawang kamay niya nang manlaki ang mata niya dahil sa nakita.

Si Liam.

“Good morning!” masayang bati nito, kasama ito ng kanyang ina na nagluluto sa kusina.

“Naku anak, kailan pa nakabalik itong nobyo mo? At may plano pala kayong magpakasal ha?” kinikilig na sabi ng kanyang ina, maya maya pa ay tila nakaramdam ito at lumabas na muna sa kusina.

“I’m sorry,” panimula ni Liam.

“Ano’ng sino-sorry mo dyan Sir, wala naman kayong kasalanan.” sabi niya.

“I’m sorry tungkol kay Kate, maniwala ka, wala talaga yun. Hindi ko alam na pupunta siya, di mo alam ang feeling ko noong nakita kita sa kwarto ko, para akong nananaginip. Akala ko kasi talaga dati ay di ka na babalik, sobrang sakit sa akin ng nangyari noon. Tapos biglang andoon ka sa kwarto ko, diyosang taga-tupi ng sapin? Hindi ko lang alam paano magrereact kaya inasar asar nalang kita, pero mahal pa rin kita. Hindi yun nawala Jean,” sabi nito.

“Eh.. bakit di mo ako pinuntahan noong nakaraan?” sabi niya.

“Syempre, binigyan kita ng oras. Ayokong pigilang kang umalis bilang kasambahay, dahil gusto ko, next time na babalik ka sa bahay namin ay misis na kita.”

Gusto niya sana itong halikan pero mabaho pa ang hininga niya kaya niyakap niya na lang nang pagkahigpit higpit ang dating niyang nobyo- mali, ang nobyo niya! Dalawang linggong muling nanligaw si Liam tapos ito sinagot ni Jean.

Makalipas ang isang taon ay pinag aral niya ang nobya, nang maka-graduate si Jean ay inalok niya ito ng kasal.

Ngayon ay masaya na silang namumuhay kasama ang apat nilang anak. Ang pag ibig, lalong pinipigil, lalong nanggigigil. Kung para sa iyo ang isang tao, kahit harangan pa ng isang milyong tinik at paglayuin ng panahon- para sa iyo talaga.

Advertisement