Isang Himala ang Natanggap ng Electrician nang Kupkupin Niya ang Isang Matandang Nawawala
Mabilis na pinagpagan ni Gener ang kanyang mga gamit, alas singko pa lamang ng madaling araw pero maaga talaga siyang magbukas ng kanyang maliit na pwesto. Gawa ang kanyang tinitirhan ngayon sa pinagtagpi-tagping kahoy at yero, dahil siya lamang mag-isa ang nakatira sa barung-barong ay hindi na niya nilagyan pa iyon ng pinto, upang madaling makita ng mga tao ang kanyang serbisyo. Sa umaga ay nililigpit niya ang konting damit at pinapalitan iyon ng display ng mga electric fan, isa kasi siyang electrician. Gumagawa siya ng sirang kagamitan sa bahay, may mabait na kaibigan siyang nagpautang ng pera upang ibili niya ng kagamitan.
Ang mag-i-ina niya ay nasa probinsya at nagpapadala na lamang siya ng pera buwan-buwan. Gustuhin niya mang makasama ang mga ito ay mahal naman ang pamumuhay sa Maynila, para bang hindi kaya ng puso niya na makitang nahihirapan ang kanyang mga anak. Tama na iyong siya na lang.
“Pre, ang aga mo. Sa tingin mo ba may magpapagawa ng electric fan na ganito kaaga?” natatawang sabi ng side car driver na dumaan.
“Hayaan mo na, malay mo naman swertehin ako at may maagang magpunta,” sabi niya naman dito. Habang tumatagal ay parami nang parami ang tao, pero hindi naman kasi araw-araw ay malakas ang kita ng maliliit na electrician na gaya niya. Siguro kung matapos ang tanghalian at wala pa ring nagpagawa ay maglalakad lakad siya at magtatanong sa bahay-bahay kung may nais bang ipagawa.
“Eric?” napalingon siya sa boses na iyon ng matandang lalaki, nakatayo na pala ito sa harapan niya at pilit siyang minumukhaan, napangiti naman si Gener, hindi naman kasi Eric ang pangalan niya.
“Magpapagawa ho ba kayo?” tanong niya at tinatanaw ang likod nito kung may dala bang appliances, walang bitbit kahit na bag ang matanda. Nakayapak pa nga ito at marumi ang ternong pajama na suot.
“Hindi, nagpunta ako rito para magkarpintero,” sabi nito. Lalong napangiti si Gener, imposible iyon dahil sa itsura nito ay halos 90 anyos na ang matanda, paano magkakarpintero? Gayunpaman ay inanyayahan niya itong maupo sa kanyang tabi at pinainom niya ito ng tubig. Uhaw na uhaw ang matanda.
Hindi niya maiwasang makipagkwentuhan rito, kahit kasi ulyanin na ito ay halata namang matalino noong kapanahunan nito. Ang dami nitong kwento tungkol sa buhay, sa misis nito, at sa anak nito na Eric pala ang pangalan. Lumipas ang oras na di namamalayan ni Gener, paano pa siya aalis nito, hindi niya maiwan ang matanda. Hindi kaya ng kunsensya niyang hayaan itong umalis mag isa sa ganoong sitwasyon. Mabuti nalang at may kaunti pa siyang pera, iyon ang ibinili nila ng tanghalian nilang dalawa.
Mabilis na lumipas ang oras at nagdidilim na, walang kinita ngayong araw si Gener pero maluwag iyon sa loob niya. Pakiramdam niya ay may nagawa pa rin siyang maganda ngayong araw na hindi matutumbasan ng pera. Di niya alam ang gagawin dahil kailangan niya nang matulog pero di pa rin umaalis ang matanda.
“Paano ba yan lolo, dito ka na lang din siguro matulog. Kaya lang ay masikip lang ang bahay ko ha? Naglalatag lang ako ng karton rito,” sabi niya at sinimulan nang ayusin ang kanyang hihigaan.
“Ayos lang yan Eric, basta kasama kita anak. Dati nga eh noong wala kapang trabaho diba? Bago ako nag-Saudi, tayong dalawa nalang nang pumanaw ang nanay mo. Ayos lang yan, ayos na ayos lang Eric.” paulit ulit na sabi nito. Di niya na itinama ang matanda kahit pa tinawag na naman siya nitong Eric, baka nami-miss lang nito ang anak. Unti-unti na siyang hinila ng antok.
Kinabukasan, nagising si Gener sa ingay na nagmumula sa labas ng kanyang barung-barong. Nang sumilip siya sa labas ay may mga pulis, kinabahan rin siya nang masulyapan na wala na sa tabi niya ang matanda. Magsasalita pa lamang siya nang isang lalaki ang halos yumakap sa kanya.
“Pare, salamat!” sabi nito, halos maiyak na. Naguguluhan siyang napatingin rito, natanaw niya na ang matanda na nilalagyan ng jacket ng isang katulong, ayon sa uniporme nito.
“Ako si Eric pare, halos dalawang araw nang nawawala ang papa ko. May nakapagsabi sa amin na nakakita raw sa matandang naka-pajama, sobrang laki ng utang na loob ko sayo pre,” mahabang paliwanag nito.
Noon naging malinaw kay Gener ang lahat, mayaman pala ang matanda!
“Ano ang gusto mo pare? Kahit na ano, pasasalamat ko na iyon sayo,” sabi ni Eric.
Saglit siyang nag isip, pera.. trabaho..matitirhan? Siguradong kayang-kaya nito dahil halata namang mayaman ito. Pero napailing siya, hindi iyon ang makakapagpasaya sa kanya.
“Mahalin mo lang ang tatay mo at ingatan, miss na miss ka na niya.”
Napatulala naman si Eric at tumango, natauhan sa kanyang sinabi. Naging busy kasi ito masyado sa trabaho at puro katulong at nurse nalang ang kasama ng matanda sa bahay. Nang makatakas ito sa kasambahay ay naglakad lakad ito hanggang makalabas ng subdivision, noon lang naisip ni Eric ang laki ng pagkukulang niya sa ama.
Gayunpaman, di hinayaan ni Eric na walang tatanggapin si Gener. Kahit labag sa loob nito ay ibinili niya ito ng lupa at pinagpatayuan ng magandang repair shop. Pinagtyagaan ni Gener na mapalago iyon, sa sipag at tyaga ay nakakuha na siya ng mga tauhan at nagawa niya na ring iluwas ang kanyang mag-i-ina sa Maynila.
Nakangiti si Gener habang naaalala ang mga nangyari, kapag talaga kabutihan ang ginawa sa kapwa ay doble-doble pa ang balik noon sa iyo.