Inday TrendingInday Trending
Masaya ang Babaeng Nilalamangan ang Kapatid na Pabida, Ito Pala ang Tutulong sa Kanyang Bumangon sa Buhay

Masaya ang Babaeng Nilalamangan ang Kapatid na Pabida, Ito Pala ang Tutulong sa Kanyang Bumangon sa Buhay

Anim na magkakapatid sina Eva, siya ang isa sa mga gitna. Panganay ang kanyang Ate Catherine, sinundan ng kanyang Kuya Jun, Ate Connie, Siya, sumunod naman si Ayine at ang kanilang bunsong si Leo. Ang kanyang nanay ay naglalako lamang ng gulay habang ang kanilang ama ay isang sundalo. Pero maliit pa ang sahod ng mga sundalo noong mga panahong iyon, hindi kayang bumuhay ng walong bibig, idagdag pang may sinusustentuhang mga anak sa labas ang kanyang ama.

Kaya naman kung hindi nagtitinda ng kung anu-ano ang kanyang nanay ay buong pamilya silang namumulot ng palay, pati na mga plastic tulad ng balat ng vetsin at chichirya para i-kalakal. Ang kanyang kuya Jun para makatulong sa pamilya ay nangingisda, sa murang edad nito ay natuto itong magbatak ng buto.

Si Eva ang pinakamaganda sa magkakapatid na babae. Siya rin ang pinakamataray, at pinakamaduga. Galit siya sa kanyang magulang, dahil sa buhay na ibinigay ng mga ito. Bakit di nalang siya maging katulad ni Yvette na mayaman ang nanay at tatay, nakakabili ng magandang gamit? O di kaya naman ni Ryzza, na nasa abroad ang ama? Bakit siya, kahit gupit ng buhok sa parlor ay walang pera ang nanay niya, ito mismo ang naggugupit sa kanila. Ang pangit tuloy!

“Ano ba yan, isda na naman!” reklamo ni Eva isang gabing nasa harap sila ng hapag kainan, habang ang mga kapatid niya ay excited na malalamnan ang sikmura, siya naman ay puro irap ang ginagawa dahil sawang-sawa na siya sa isda! Lahat na yata ng luto ng isda ay nagawa na ng nanay niya. Ang bottom line noon ay ganoon pa rin, isda pa rin. Aba’y ang lansa na nga minsan ng amoy niya sa kanyang sarili sa sobrang kain niya ng isda.

“O magpasalamat sa Diyos, at may hapunan tayo ngayon,” sabi ng kanyang ina. Pinagdikit nito ang dalawang palad, pumikit at nagsimulang magdasal. Ganoon din ang ginawa ng kanyang mga kapatid, pero sadyang mautak si Eva. Binawasan niya na ang parte na kakainin ng kapatid niyang si Ayine, habang nakapikit ang bata at nagdarasal. Tatanga-tanga naman ito, hindi nito malalaman.

Pagdilat nito ay ganoon na lamang ang pagkadismaya nang makitang bawas na ang isda nito, pero di na ito nagsumbong pa sa kanilang ina. Nakangisi namang kumain si Eva, ang dali kasing utuin ng kapatid niya.

Sumapit ang araw ng pasko at sumahod ang tatay nila kaya naman sa wakas, nakabili ang nanay niya ng panlutong baboy. O, amoy pa lang ng letsong kawali ay kumakalam na ang sikmura niya. Pati mga kapatid niya ay ang laki ng ngiti sa mga labi dahil feeling nila mayaman sila ngayon. Minsan lang sa isang taon sila nakakakain ng baboy.

Agad silang nagpunta sa hapag kainan at tulad ng dati, nagdasal. Habang nagdarasal ang lahat ay pasimpleng kumukuha na si Eva ng ulam sa parte ng kanyang kapatid na si Ayine, tiyak niyang di malalaman nito. Mainit pa ang baboy kaya naging mabagal ang pagkuha niya rito. Sakto namang tapos magdasal ng kanyang ina at pa-dilat na ito kaya dali-dali niyang isinubo ang baboy, nginuya at tinangkang lunukin iyon. Pero dahil malaki ang parteng nakuha niya, nabulunan ang dalagita.

“Ahkk-Ah-” sabi lang ni Eva, halos mangitim na dahil di siya makahinga. Mabilis ang kapatid niyang si Ayine at hinampas ang kanyang likod dahilan upang mailuwa niya ang baboy, tapos noon ay inabutan siya nito ng tubig.

“Ang galing mo Ayine!” sabi ng kanilang ina. Ngiti lang ang isinagot ng bata.

Sa halip namang matuwa si Eva ay nainis pa siya lalo kay Ayine, tingin niya kasi ay nagpapasikat lang ito. Hanggang sa lumaki sila ay malaki ang pagkaasar ni Eva sa kanyang kapatid, na palaging nagmamagaling. Buti na lang, nakakuha siya ng mayamang asawa, mapapatunayan niyang mas magaling siya kaysa sa kapatid.

Pero sa paglipas ng panahon, natuklasan niyang di pala talaga mayaman ang kanyang asawa at niloloko lamang siya. Naging miserable ang buhay niya dahil sa kanyang pagmamadaling mahigitan ang kapatid. Habang si Ayine, nag-aral mabuti at nakapasok sa isang magandang opisina, napagawaan nito ng bahay ang kanilang ina.

Kahit pa ramdam ni Ayine na malayo sa kanya ang loob ng ate Eva niya ay di niya naman ito matiis, siya ngayon ang tumutulong rito sa pagpapaaral sa mga anak nito, tutal ay wala pa naman siyang sariling pamilya.

Laking pagsisisi naman ni Eva, at pasasalamat na rin dahil sa kabila ng pangit na pagtrato niya sa kapatid habang lumalaki sila ay kabutihan pa ang isinusukli nito sa kanya.

Iniligtas siya nito noon nang mabulunan siya, inililigtas pa rin siya nito ngayon sa hirap ng buhay na pinasok niya.

Advertisement