Inday TrendingInday Trending
Natanggap sa Trabaho ang Bagong Graduate na Aplikante nang Sagutin Niya ng Pabalang ang Manager

Natanggap sa Trabaho ang Bagong Graduate na Aplikante nang Sagutin Niya ng Pabalang ang Manager

Maingat na inayos ni Joselito ang kanyang suot na damit, kailangang magmukha siyang presentable. Ito na ang pang-anim na trabahong ina-applyan niya kaya sana naman ay swertehin na siya. Akala niya dati, pag nakapagtapos na siya ng pag-aaral ay magiging madali nalang ang lahat. Pero hindi pala, panibagong pagsubok nanaman- ang paghahanap ng trabaho.

“O, galingan mo anak ha. Para naman matanggap ka na. Iyong anak ni mareng Lita may trabaho na raw malapit sa MOA, sana ikaw rin.” sabi nito kanina bago siya lumabas ng bahay.

Dagdag pa sa pressure niya ang inang nakaabang, di man sabihin nito ay ramdam nya namang nalulungkot ito at dismayado tuwing uuwi siya at sasabihin niyang di siya natanggap. Ewan niya ba, sadyang napakahigpit lang siguro ng mga inapplyan nya, lahat ay naghahanap ng experience.

“Joselito Magundayao,” tawag ng receptionist. Agad siyang tumayo at sumunod rito. Nakapasa na siya sa initial exam at ngayon naman ay iinterviewhin siya ng manager.

Pagpasok niya pa lang sa opisina ng manager ay nagsimula nang dagain ang dibdib niya, heto na naman. Magka-krus pa ang dalawang daliri niya nang maupo sa harap nito, sana, palarin na siya.

“Sir, ito na po ang next applicant,” sabi nito sa matandang manager na noo’y nakatungo at abalang nagsusulat, maya-maya pa ay umangat ang tingin nito, tinanguan ang babaeng sekretarya at sinenyasan nang lumabas. Medyo nagulat pa ito nang makita sya. Kahit kasi graduate na ay batang-bata pa rin ang itsura ni Joselito.

“G-goodmorning po Sir,” sabi ng binata.

“Goodmorning, tell me something about yourself,” simpleng sabi nito.

Napangiti naman si Joselito, kabisado niya na kasi ang sagot sa mga ganito. Bumuntong hininga muna siya bago muling nagsalita, “I’m Joselito, 23, I have a Bachelor’s Degree in Information Technology. I am friendly, easy to work with, hardworking..I am also a good leader and I can work with grace, under pressure.” sabi niya, nag-iisip pa ng maidadagdag.

Napangiti naman ang matandang manager, “Fresh graduate ka ano? Ganyan ang sagot pag baguhan eh,”. Nahihiya man ay napatango si Joselito, naisip niya ring siguro, uunahan niya na ang manager. Sasabihin niya na wala pa sya talagang masyadong alam, kaysa naman magsinungaling siyang magaling na siya sa mga ipapagawa nito.

“Sir, sa totoo lang po, basic lang ang alam ko. Pero kung bibigyan nyo po ako ng chance ay pagbubutihin ko po. Palagi kong tatanawing utang na loob ang pagtanggap ninyo sa akin kung saka-sakali,” sabi niya rito. Saglit na nag isip ang matanda.

“Mr..Magundayao. Ang posisyon ng Workforce analyst ay hindi basta-basta. Maraming nakasaalang-alang dito, kailangan dito ay may experience na.” sabi nito.

“Sir, paano po ako magkakaroon ng experience kung ayaw ninyo akong bigyan ng chance na magka-experience?” diretsong tanong niya, di nya na kasi napigilan ang sarili. Ilang trabaho na ang sinubukan nya pero ganoon palagi ang sinasabi sa kanya. Ngumiti lang ang matanda, kaysa naman mapahiya ay pinili ng binatilyo na tumayo na at lumabas na sa opisina nito. Tinanggap niya nang bagsak na naman sya.

Malapit na siya sa bahay nila at naghahanda na ng paliwanag sa nanay niya kung bakit di na naman sya natanggap ng trabaho, nang biglang magring ang kanyang cellphone.

“Hello? Oho, ako nga ho. Talaga ho?! Aba’y opo, pwede na akong mag-start bukas!” masayang masayang sabi niya, paano kasi tumawag iyong babaeng empleyado mula sa inapplyan nya kanina. Nagtataka man siya ay napatalon siya sa tuwa.

Makalipas ang tatlong taon.

“So ito ang application na ginagamit natin to monitor the attendance of employees, iba pa ito sa ginagamit ng team leaders nila. Kumbaga, this is our database. Welcome pala sa company, if you have any question, andyan lang ang table ko sa likod ng kay Ms. Perez wag kayong mahihiyang lumapit, you can start na guys,” sabi ni Joselito tapos ay binigyan pa ng matamis na ngiti ang mga bagong pasok na empleyado.

Masaya namang nakangiti ang matandang manager habang nagmamasid kay Joselito, ito na ngayon ang nagte-train sa mga bago. Ilang buwan pa lamang itong nakakapasok noon ay mabilis na nitong natutunan ang trabaho, hindi siya nagkamali na binigyan ito ng chance. Humanga kasi siya sa katapatan ng binata, at sa katapangan nitong sabihin ang totoo.

Kung binalewala niya ang pakiusap nito noon edi sana ay wala silang ganito kagaling na empleyado ngayon. Wala naman talagang baguhang magaling na agad, pero sa tulong ng pasensya, sipag, tyaga at dedikasyon, ano pa’t maaabot rin naman ang minimithi.

Advertisement