Bobo at Pangit ang Tingin ng Kasambahay sa Sarili Kaya Wala Siyang Pangarap, ang Amo Niya ang Tanging Naniwala sa Kanya
Magdadalawang buwan nang namamasukan si Arlyn sa bahay ni Mrs. Gilda Hidalgo, halos 85 anyos na ang matanda at lahat ng anak nito ay nasa Amerika na. Busy sa trabaho at wala nang time sa kanilang ina, nagpapadala na lamang ng malaking halaga ng pera buwan-buwan. Gayunpaman, ang tingin nila sa nanay nila ay pabigat, isang dalahin na hinihiling nilang matapos na. Ito na lang kasi ang pinproblema nila sa Pilipinas, may kanya-kanya na sana silang buhay.
Kaya naman ganoon nalang ang pasasalamat ng matanda na kasama niya si Arlyn, ito ang matyagang kaagapay nya araw araw. Hindi ito tulad ng ibang kasambahay na nakuha niya na konting utos kahit may pakiusap ay bubulong-bulong pa, o di kaya naman ay walang ibang ginawa kung hindi text ng text. Ang pinakanasisiyahan siyang ugali ng dalaga ay mahilig itong makinig sa mga kwento niya, kahit pa paulit-ulit iyon ay parang interesado ito palagi.
Si Arlyn naman ay masaya rin ang puso, dahil mabait sa kanya si Mrs. Gilda. Sa itsura niyang ito ay walang amo ang naging mabuti sa kanya, ang ilan nga ay ni hindi sya binigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho sa mga ito. Hindi kasi siya basta ‘hindi maganda’, panget talaga siya. Makapal ang kilay, sarat ang ilong, hindi pantay ang mga ngipin, maraming tigyawat, makapal ang labi at patay ang buhok. Literal na bakekang.
“Lyn, halika na sabay na tayong kumain,” masuyong sabi ng matanda minsang ipaghain niya ito ng hapunan.
“S-sige lang po misis, may gagawin pa po ako sa kusina,” sabi niya. Pero ang totoo ay nagugutom na siya, nahihiya lamang siyang sumabay sa kanyang amo. Baka sabihin nalang nito ay feeling close siya.
“Halika na, batang ito- nagpapapilit pa,” nakangiting sabi nito kaya wala siyang nagawa at sumabay na rin ng pagkain. Pagkatapos kumain ay hinugasan na ni Arlyn ang kanilang pinggan at inalalayan ang matanda na pumunta sa kwarto nito. Sa totoo lang ay naiilang siyang pumasok roon, naka-display kasi ang mga alahas ng ginang sa ibabaw ng mesa. Para kasi sa kanya ay mahalaga ang mga iyon at di dapat nakatiwangwang, mamaya ay may makapasok na magnanakaw, maging mitsa pa ng buhay nila ang mga iyon.
“Dahan dahan lang po,” sabi niya sa matanda habang inaalalayan itong humiga.
“Arlyn..Ar-” sabi nito at unti-unting nahilo.
“Misis, naku po! Mrs. Gilda!” di mapakaling sabi niya, Diyos ko po, ano na ang gagawin nya?! Tuluyan nang nawalan ng malay ang matanda! Agad siyang naghalungkat sa mga gamit nito ng cellphone, wala naman kasi siyang sariling cellphone dahil ibinigay niya sa kanyang kapatid ang kanya. Ang telepono naman ni Mrs. Gilda ay sira ang dial tone at di gumagana sa ngayon, bukas pa pupunta ang mga ahente ng telecommunications company na mag-aayos nito.
“Diyos ko po! Saan ba ako kukuha ng cellphone?” doon nahagip ng mata niya ang maliit na cellphone sa ibabaw ng tukador nito. Ida-dial niya pa lamang ang ospital nang biglang bumangon ang matanda, nakangiti at nakatitig sa kanya,”Joke lang, nagpa-practice lang ako,” tatawa-tawang sabi nito.
“Hala misis! Hindi ho masayang joke iyan, hindi biro ang buhay ng tao!” sabi niya nalang, napabuntong hininga at natatawa na rin.
Nang gabing iyon ay lalong gumaan ang loob ni Mrs. Gilda sa kasambahay, tinetesting niya lamang kasi ito. Akala niya pag nawalan siya ng malay ay lilimasin na nito ang yaman niya pero iba pala ang hinahalungkat- cellphone, para madala siya sa ospital. Lalong napalapit sa isa’t isa ang dalawa, parang maglola na nga ang turingan nila. Isang gabi, nag memeryenda ang mag amo nang biglang maisipang magtanong ni Mrs. Gilda.
“Arlyn, bakit hindi mo tapusin ang pag aaral mo? College ka na kamo sa pasukan dapat hindi ba?” tanong niya rito.
“Oho ma’am, dalawang taon na ang nakalipas. Eh sayang lang ho ang ipapaaral sa akin, bobo naman ako, pangit pa.” mahinang sagot niya, totoo naman iyon, sabi ng nanay niya. Kaya wala siyang tiwala sa sarili eh.
“Sino naman ang nagsabi niyan? Maganda ka kaya,” sabi ng kanyang amo.
“Palagi nyo nalang pong sinasabi yan, malabo po kasi ang mata nyo ma’am,” natatawang sabi ni Arlyn.
“Malinaw pa ang mata ko hija! Maganda ka!” pamimilit naman nito.
“Ma’am, hindi po maganda ang mukha ko, alam iyan ng lahat.” ayaw patalo ng dalaga.
“Hija, maganda ang mukha mo, mata nila ang hindi maganda.” simpleng sagot ng matanda. Palagi niya iyong sinasabi kay Arlyn hanggang lumakas ang loob ng dalaga.
Makalipas ang ilang buwan ay pumanaw na si Mrs. Gilda, ang hindi alam ni Arlyn ay sa kanya ipamamana nito ang mga naipon nitong padala ng mga anak.
Wala namang pakialam ang mga anak nito, masaya pa nga sila na wala na silang suliranin sa Pilipinas. Malungkot man si Arlyn dahil nawalan siya ng kaibigan ay habangbuhay niya namang babaunin ang mga natutunan niya sa matanda. Ginamit niya ang pera upang makapag aral, makalipas ang maraming taon ay isa na siyang ganap na abogado.
Kung titignan siyang makipagtalastasan sa korte ay walang mag-aakalang isa siyang napakamahiyaing dalaga noon. Ngayon ay kay ganda ng kanyang tindig, at malaki ang tiwala sa sarili, utang niyang lahat kay Mrs. Gilda iyan. Dahil hindi siya magiging ganito ngayon kung walang ang matandang naniwala sa kanya noon.