Inday TrendingInday Trending
Hindi Naniniwala sa Diyos ang Lalaki, Hanggang Siya Mismo ang Nakasaksi ng Milagro

Hindi Naniniwala sa Diyos ang Lalaki, Hanggang Siya Mismo ang Nakasaksi ng Milagro

Simula nang mag asawa si Ben ay dito na siya tumira sa Maynila, dito na rin lumaki at nag aral ang kanyang mga anak. Sa kasalukuyan, ang panganay niya ay graduating na ng kolehiyo at high school naman ang dalawang nakababatang kapatid nito. Binuhay niya ang mga anak sa pamamagitan ng pagiging foreman sa mga construction, noong bata bata pa siya ay nariyang pumasok rin siya sa fast food, kung kayang pagsabayin ang tatlong trabaho ay gagawin niya makaraos lang ang kanyang pamilya.

Kaya naman wala na siyang oras pa para balikan ang kanyang pamilya sa probinsya, wala na ang nanay at tatay niya- matagal na panahon na ang nakalipas. Pero naroon pa ang kanyang kuya at ilang kapatid, pangalawa si Ben sa panganay. Ang huling balita niya sa kuya niya ay bumagsak na ang katawan nito gawa ng cancer sa utak, nakahiga na lamang ito sa kama at palaging napapasigaw sa sobrang sakit ng ulo nito. Tinapat na raw ng doktor ang pamilya ng kuya nya na wala na itong pag-asa.

“Pa, may konti pang natira sa ipon natin. Bayad ko na naman ang tuition ng mga bata, baka gusto mong dalawin ang kuya mo sa probinsya?” tanong ng misis niya isang gabi.

“Sige! Ilang taon na kaming di nagkikita ng kuya. Bago man lang.. dumating ang oras niya ay makapag-usap kami. Miss na miss ko na sya, ang dami na sigurong nagbago,” sabi naman niya, nakaramdam siya bigla ng lungkot. Kakatrabaho niya para mabuhay ang pamilya ay di niya namamalayang umaandar ang oras. Ngayon ay matatanda na sila.

“Sige, may awa talaga ang Diyos. Salamat sa kanya, akala ko ay walang matitira pero himalang nagkaroon ng extrang pera. Tila ba inilalaan talaga para pamasahe mo.” sabi ng kanyang misis, napabuntong hininga pa.

“Ano’ng may awa ang Diyos? Ano naman ang kinalaman ng Diyos rito Celia?” maang na tanong niya sa misis, matagal na panahon na simula nang mawalan siya ng paniniwala.

“Ben.. alam kong wala ka nang paniniwala pero tignan mo nga. Ginagabayan ka nya,” paliwanag nito sa kanya.

“May natirang pera dahil magaling kang mag-budget. Walang kinalaman ang Diyos mo rito, kung may awa sya bakit may naghihirap? Bakit may nagkakasakit? Kung talagang nariyan siya, ano’ng ginagawa nya? Nakatitig lang sa mga naghihingalo at nagmamakaawa ng tulong nya?” dire-diretso niyang tanong. Pinili ni Celia na huwag na lamang siyang sagutin dahil hahaba pa ang usapan nila.

Kinabukasan ay agad siyang bumyahe papunta sa probinsya. Tatlong araw siyang mananatili roon, iyon lamang kasi ang kasya sa pera nya. Ayaw niya namang maging pabigat sa pamilya ng kanyang kuya, mahirap na nga ang dinaranas nito emosyonal, pisikal at pinansyal ay dadagdag pa sya sa pakakainin.

Pagkarating niya roon ay agad siyang pumasok sa kwartong kinaroroonan ng kapatid, uupo na sya sa bakanteng upuan na katabi ng kama nito nang biglang magsalita ang matanda, “Huwag! Dito ka nalang Ben,” sabi nito at tinapik ang gilid ng kama. Ah, baka nais lamang nito na malapitan siyang makausap. Matagal silang nagkwentuhan at panaka-naka ay sumasakit ang ulo nito pero sinasabi nitong wag daw mabahala si Ben, magiging ayos lang ito.

Medyo nagtaka rin si Ben dahil binabanggit na ng kapatid niya ang Diyos, noong una ay hindi rin ito naniniwala.

“Tumawag ka lang sa kanya, sabi nga nila, di raw kailangang nasa simbahan ka para magdasal, para maniwala.” hirap sa pagsasalitang sabi nito.

“Kahit saan, nagdarasal ka?” tanong niya rito, hindi naman siya bilib sa sinasabi nito pero ayaw niyang masaktan ang damdamin ng kapatid.

“Oo, kaya nga may upuan sa tabi ng kama ko. Dyan ko iniisip na nakaupo siya, mas madali raw kasing madama sa puso ang panalangin kapag iniisip mong kausap mo lang sya, kakwentuhan. Parang ama na nakikinig sa kwento ng anak niya,” nakangiti pa ito habang sinasabi iyon.

Tumango nalang naman siya, ayaw niya itong kontrahin.

“Alam mo, may pangako siya sa akin. Hindi niya ako kukunin sa masakit na paraan, hindi ako makakaranas ng kahit anong hapdi bago ako bawian ng buhay.” naluluhang sabi nito.

Nakaramdam naman siya ng awa sa kapatid, ngayon pa nga lang ay sobra sobrang hapdi na ang dinaranas nito. Pero mas naaawa siya dahil naniniwala ito sa isang bagay na hindi naman totoo. Lumabas na siya sa kwarto, baka dahil sa sakit ay nagkaroon na ng diperensya sa pag-iisip ang kuya niya.

Dahan-dahang dumilat si Ben, ito na ang ikatlong araw niya sa bahay ng kanyang kuya. Ngunit tila iba ngayon, dati ang gumigising sa kanya ay ang iyak at palahaw ng kanyang kapatid dahil sa sobrang sakit ng ulo nito. Ngayon, tahimik ang buong bahay. May maririnig pa ngang huni ng mga ibon at tila ba kay payapa. Wala ang kanyang mga pamangkin, ah, sabi nga pala ng mga ito ay maaga raw mamamalengke.

Naisipan niyang silipin ang kanyang kuya at dalhan ito ng almusal. Bitbit niya ang pandesal at dalawang basong kape upang saluhan sana ito pero nailaglag niya lahat ng iyon sa sahig nang masaksihan ang kanyang kuya. Nakaupo ito sa gilid ng kama, nakahilig ang ulo sa sandalan ng upuan na para bang may sinasandalang kung sino. Nang lapitan niya ito ay doon niya nalamang wala na itong buhay, matigas na ang katawan ng kapatid niya.

Pero kapansin pansin ang mukha nitong tila pa nakangiti.

Agad niyang tinawagan ang mga pamangkin at nag iyakan ang mga ito. Lumuluha rin siya, pero lamang ang kanyang pagkamangha. Ang kapatid niya ang patunay na nariyan nga ang Diyos, tinupad nito ang pangako sa lalaki na di ito kukunin sa masakit na paraan.

Pumunta sa langit ang kapatid niya nang mapayapa at masaya.

Advertisement