Inday TrendingInday Trending
Sutil at Hindi Marunong Magpasalamat ang Dalagita; Isang Tawag ang Magpapabago sa Pangit na Ugali Niya

Sutil at Hindi Marunong Magpasalamat ang Dalagita; Isang Tawag ang Magpapabago sa Pangit na Ugali Niya

Habang kumakain ay nakasimangot si Jaira.

“‘Tay, hindi ba talaga pwede na ibili mo ako ng cellphone? Sa aming magkakaklase, ako lang ang walang cellphone,” nakabusangot niyang wika sa kaniyang ama na si Rodolfo.

Napabuntong hininga ito. “Anak, hindi naman sa ayaw kitang ibili. Pero wala pa kasi akong sapat na pera para maibili ka ng gusto mo. Maghintay-hintay ka na lang muna. Pangako, mabibili rin natin ‘yan.”

Hindi na siya nagsalita ngunit isang matalim na irap ang isinagot niya sa ama.

Silang dalawang mag-ama na lang ang magkasama sa buhay simula noong iwan sila ng kaniyang ina.

Napakabait ng tatay niya, ngunit dahil pamamasada ng traysikel ang trabaho nito, kapos na kapos sila sa pera. Kaya naman hindi nito maibigay ang mga bagay na gusto niya ay mayroon din siya.

“Ibibili kita sa lalong madaling panahon, anak,” muling pangako nito nang mapansin ang pananahimik niya.

Tumango na lang siya. Wala rin naman siyang ibang magagawa kundi ang maghintay.

Sumapit ang kaarawan ni Jaira. Gaya ng nakasanayan niya, pag-uwi ng kaniyang ama ay may dala itong isang maliit na cake at ang paborito nilang pansit.

Habang kumakain sila, nasorpresa siya nang iabot nito ang isang parihabang kahon na nababalitan ng makulay na papel.

Nagliwanag ang mata niya. Tila nahuhulaan niya na ang laman noon!

Agad-agad niyang binuksan ang regalo at tumambad sa kaniya ang bagay na matagal niya nang ninanais—isang cellphone!

Ngunit nang salatin ni Jaira ang cellphone ay may naramdaman siyang kakaiba roon. Nang iangat niya ang daliri ay may nakita siyang mga gasgas. Hindi iyon masyadong halata, ngunit kung papakatitigan ay kapansin-pansin.

Nilingon niya ang ama na noon ay malawak ang pagkakangiti.

“‘Tay, second hand ba ‘tong binili mo? Bakit may mga gasgas?” inis na pakli niya sa ama.

Agad na nawala ang pagkakangiti nito.

“Masyado kasing mahal ang bago, anak. Nung pinakita naman sa akin ’yan, maayos pa, kaya binili ko na para may cellphone ka na,” nakayukong sagot nito.

Padabog na inilapag niya sa mesa ang kahon na naglalaman ng selpon.

“Ayoko nito! Ang tagal-tagal mong nangako, sabi mo, bibilhan mo ako, tapos ganyan!” pabulyaw na bulalas niya.

Kinuha ng kaniyang tatay ang selpon at pilit na iniabot sa kaniya.

“Tanggapin mo na, anak. Sa susunod, ibibili kita, ‘yung bago naman,” pangako nito habang may pilit ng ngiti sa labi.

Sa narinig ay saka lamang siya nakuntento.

“Gagamitin ko ‘to sa ngayon, ‘Tay, ha? Pero ibibili mo pa rin ako ng bago?” paniniguro niya.

Sunod-sunod na tango ang isinagot nito.

“Halika na, anak, kainin na natin ang handa mo,” nakangiting alok nito.

Masigla naman siyang dumulog sa mesa. Pinagsaluhan nila ang payak na pagkain habang masayang nagkukwentuhan.

Kinabukasan ay araw ng Sabado. Kasalukuyang naglilinis ng bahay si Jaira nang magulat siya sa pagtunog ng kaniyang bagong selpon.

“Naku, hindi pala natanggal ng dating may-ari ang sim card niya. Sino kaya ‘yung tumatawag?” takang bulong niya habang palapit sa mesang kinapapatungan ng cellphone.

“Hello?” bungad ng babaeng nasa kabilang linya.

“Sino ‘to?” takang tanong niya.

“Sa wakas, sinagot mo rin!” anito.

“Sino ka ba, at bakit ka tumatawag?” naiinis na usisa niya sa estranghero.

“Ako ang anak ng dating may-ari ng cellphone. Pwede ba tayong magkita?” sabi nito.

Agad siyang tumanggi. Hindi niya naman kilala ang babae.

Ngunit nang magsimula na itong umiyak sa kabilang linya ay hindi niya maiwasang magtaka.

“Please… hindi ako masamang tao. Hindi ko rin kukunin ang cellphone mo. Gusto ko lang makita ulit ang cellphone ni Papa. Pwede mong tingnan ang mga picture diyan, malalaman mo na hindi kami masamang tao. Sana pumayag ka…” pakiusap nito.

Nang tingnan niya ang mga larawang sinasabi nito ay nakita niya na pawang mga larawan iyon ng isang babae na sa tingin niya ay ang babaeng kausap niya sa telepono. May iilang larawan din doon ng isang lalaki na sa tingin niya ay kaedaran ng Papa niya.

Sa huli ay pumayag siyang makipagkita rito, sa kondisyon na magkikita sila kung saan maraming tao, bagay na naunawaan naman nito dahil hindi naman nila kilala ang isa’t isa.

Agad niyang nakilala ang babae nang dumating siya sa lugar kung saan sila magkikita.

“Ako si Mara,” bungad nito.

Nang makaupo siya ay saka niya nalaman ang kwento kung bakit nais nitong makipagkita. Naholdap pala ang ama nito, na isang taxi drayber. Isa sa mga nanakaw ng holdaper ay ang selpon nito.

Ikinabigla niya ang nalaman. Galing pa pala sa masama ang selpon niya!

“Nasaan na ang Tatay mo? Bakit hindi mo siya kasama?” usisa niya.

Nagulat siya nang mapabuhanglit ito nang iyak.

“W-wala na si Tatay… Sinaks*k siya ng holdaper dahil hanggang sa dulo ay hindi niya ibinigay ang pera niya. Iniipon niya kasi ‘yun para sa matrikula ko.”

Nanlamig si Jaira habang patuloy naman sa pagkukwento si Yumi.

“Masyado akong maraming hinihingi kay Tatay. Nagpumilit akong magpabili ng kung ano-ano. Nagastos niya tuloy ang pang-matrikula ko. Hindi ko alam na hanggang madaling araw pala siyang namamasada para sa akin,” kwento nito.

Maging si Jaira ay hindi maiwasang mapaiyak sa sinapit ng ama ni Yumi. Kumirot ang puso niya dahil napagtanto niya na kagaya ni Yumi, madalas niya ring ipagpilitan sa kaniyang Tatay ang lahat ng gusto niya, kahit na hindi nito kayang ibigay.

“Kaya ikaw, Jaira, ingatan mo ang Tatay mo. Maswerte ka na kasama mo pa siya ngayon,” payo pa ni Yumi.

Sa huli ay ibinigay niya rin kay Yumi ang cellphone ng yumao nitong ama, kahit na sinabi na nitong mga larawan lang nais nitong kunin. Alam niya na mauunawaan iyon ng kaniyang Tatay. At ayaw niya rin namang gamitin ang selpon, gayong alam niya na ang tunay na kwento sa likod noon.

Nang ikwento niya ang nangyari sa kaniyang Tatay ay nalungkot din ito nang labis. Ngunit agad itong nag-alala nang malaman na ibinigay niya na cellphone kay Yumi.

“Naku, ‘wag kang mag-alala, anak. Bibilhan kita sa lalong madaling panahon. ‘Yung bago na, para walang ganitong problema,” nakangiting pangako ng kaniyang ama.

Niyakap niya ito nang mahigpit.

“Hindi na po kailangan, Tatay. Ang mahalaga lang po sa akin ngayon ay ang ligtas kayo at nakakapagpahinga. Hindi naman po mahalaga ang cellphone na ‘yan,” nakangiting sagot niya.

Kita niya ang gulat sa mukha ng kaniyang Tatay ngunit sinuklian siya nito ng isang matamis na ngiti kalaunan.

“Napakabait talaga ng anak ko.”

Pinigilan ni Jaira na mapaiyak sa labis na hiya. Isang bagay kasi ang natutunan niya. Alam niya na gagawin ng kaniyang ama ang lahat para sa kaniya, ngunit hindi niya iyon dapat abusuhin. Maswerte siyang napagtanto niya iyon habang hindi pa huli ang lahat.

Advertisement