Inday TrendingInday Trending
Pinangingilagan ang Dalaga Dahil sa Kaniyang Hitsura; Isang Magandang Babae ang Magtuturo ng Mahalagang Aral Sa Kaniya

Pinangingilagan ang Dalaga Dahil sa Kaniyang Hitsura; Isang Magandang Babae ang Magtuturo ng Mahalagang Aral Sa Kaniya

Kasalukuyang naglalakad si Mia sa pasilyo ng kanilang unibersidad nang mabangga siya ng isang babae.

Napaupo siya sa lakas ng pagkakabangga.

“Aray…” mahinang daing niya.

“Ayos ka lang ba–”

Nang mag-angat siya ng tingin ay agad napangiwi ang babaeng nakabangga sa kaniya. Ang kamay nito kanina lang ay handa siyang itayo ay agad-agad nitong binawi.

Napayuko siya nang marinig ang bulungan ng mga kasama nito.

“Ano ba ‘yan? Kadiri! Hayaan mo na ‘yan, at baka mahawa ka pa!”

Naiwan siya siyang nakasalampak doon, walang nais tumulong. Tahimik niyang ibinalik sa kaniyang bag ang mga gamit niya na nahulog.

Hindi na bago kay Mia ang ganoong tagpo—ang pandirihan ng mga tao dahil sa kakaiba niyang hitsura.

Mayroon kasi siyang sakit sa balat. Hindi iyon nakakahawa, ngunit kahit na anong paliwanag niya ay walang nakikinig sa kaniya.

Patuloy ang panghuhusga ng mga nakakasalamuha niya kaya’t nang tumagal ay napagod na rin siya na magpaliwanag. Kinumbinsi na lamang niya ang sarili na tanggapin na habang buhay na siyang pandidirihan at iiwasan ng mga tao.

Ngunit kung minsan ay hindi niya pa ring maiwasang hindi masaktan. Pumatak ang luha niya nang hindi niya namamalayan. Napakarami kasing tao ang nakasaksi sa insidente ngunit wala ni isa mang lumapit sa kaniya para tanungin kung ayos lang ba siya.

Napapitlag siya nang marinig ang isang mabining tinig.

“Ayos ka lang ba?”

Nang iangat niya ang tingin, isang babae ang nakita niya. Gulat man ay tumango siya. Tinulungan siya ng babae na damputin ang kaniyang mga gamit.

“Salamat,” mahinang anas niya.

Nang matitigan niya ang hitsura nito, pakiramdam ni Mia gusto niyang magtago dahil sa hiya. Napakaganda kasi nito at napakakinis ng balat! Ito na yata ang pinakamagandang babaeng nakita niya sa tanang buhay niya.

“Ako nga pala si Beatrice.”

Naglahad ito ng kamay habang nakangiti.

Matagal siyang natigagal. Tinatantiya niya kung sinsero ba ito. Ngunit nang wala siyang makitang bahid ng panghuhusga o pandidiri sa mukha nito ay tinanggap niya ang kamay nito.

Iyon ang simula ng pagkakaibigan nila ni Beatrice. Mas lalo silang naging malapit dahil magkaklase pala sila. Ito ang naging kasa-kasama niya sa unibersidad.

Kagaya ng inaasahan niya, marami ang nais na maging kaibigan si Beatrice. Hindi lang kasi ito maganda at mabait, ubod pa ito nang talino.

“Beatrice, halika, kain na tayo!” yaya rito ng isa nilang kaklase.

Tumango ito saka siya nilingon.

“Halika na, sabay na tayo sa kanila.”

Umiling siya. Hindi dahil ayaw niya itong makasama kundi dahil alam niyang ayaw siyang makasama ng iba pa nilang kaklase.

“Sa susunod na lang,” pangako niya rito.

Pinanood niya ang kaibigan na masayang nakikipagkwentuhan sa iba nilang kaklase habang kumakain.

Umupo siya mag-isa sa isang bakanteng upuan ‘di-kalayuan sa mga ito.

“Beatrice, hindi ko maintindihan kung bakit lagi mong kinakausap si Mia. Hindi ka ba nandidiri?” naulinigan niyang tanong ng isa sa mga kasama ito.

Nanlamig siya sa narinig. Natatakot siyang marinig ang masakit na mga salita mula sa nag-iisang tao na itinuturing niyang kaibigan.

“Mandidiri? Bakit naman ako mandidiri?” ani Beatrice.

“Dahil sa balat niya! Baka mahawa ka pa, sayang ang kutis mo! Kadiri kaya! Mas lalo pa siyang pumapangit kapag tumabi sa’yo,” ani Ester, isa rin sa mga kaklase nila.

Narinig niya ang hagikhikan ng iilan.

Nang magsalitang muli si Beatrice ay may nakapa siyang galit sa tinig nito.

“Hindi ba’t ilang beses naman niyang ipinaliwanag na hindi nakakahawa ang sakit niya, kaya bakit ako mahahawa? Maswerte kayo na hindi n’yo naranasan ang mahusgahan dahil sa sakit na hindi naman n’yo ginustong makuha! Akala niyo ba madali? At anong kadiri? Hindi ba’t mas kadiri ang panghuhusga n’yo sa ibang tao?”

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagtaas ng boses ang mahinhin at ang mabait na si Beatrice.

Hindi maiwasan ni Mia na maging emosyonal lalo pa’t ‘yun ang unang pagkakataon na may nagtanggol sa kaniya. Nagulat na lang siya nang hilahin siya ni Beatrice palayo sa lugar na iyon.

“Totoo ba ang sinabi mo kanina? Hindi ka talaga nandidiri sa akin? Tingnan mo nga, ang pangit-pangit ko at ng balat ko,” umiiyak na tanong niya rito.

Ngumiti lamang ito.

“Mayroon akong sikretong tinatago. Sasabihin ko sa’yo bilang magkaibigan tayo.”

Tumango siya.

“Alam mo bang pinanganak akong bulag? Wala rin akong kaibigan noon, kasi sino ba naman ang gusto ng kaibigang bulag? Ang nanay ko lang ang kakampi ko.”

“Buong buhay ko, wala akong nakikita pero pagkatapos ng dalawampung taon, nagkaroon ako ng pag-asa. May nagbigay sa akin ng mata. Noong nakakita na ako, para akong sanggol na kailangang magsimula muli para masanay. Maraming tao ang pinagtatawanan ako, kasi ignorante ako sa maraming bagay. Pero hindi ko sila pinapansin, kasi sino ba naman sila? Hindi nila alam ang mga pinagdaanan ko,” paglalahad nito.

Ikinagulat niya ang sikreto nito. Sino nga ba ang mag-aakala na ang babaeng perpekto sa paningin ng lahat ay isa palang dating bulag?

“Dahil bulag ako nang matagal na panahon, alam ko kung ano ang tunay na pangit o ang tunay na maganda. Wala ‘yun sa mga bagay na nakikita ng mga mata. Alam mo ba kung nasaan? Nasa puso. Ang taong pangit na nakita ko lang ay ‘yung mga matatalas ang dila nating kaklase. Hindi ikaw.”

Muling tumulo ang luha niya dahil sa sinabi ng kaibigan.

“At ikaw, kahit anong tingin ang gawin ko, wala akong makitang pangit sa’yo. Kaya ‘wag na ‘wag mong iisipin na pangit ka at kahiya-hiya ka, dahil hindi ‘yun totoo.”

“Ang tunay na kagandahan ay higit pa sa kung ano ang nakikita ng mga mata, dahil makikita ito sa kaibuturan ng ating mga puso. Kaya ipagpatuloy mo lang ang pagiging mabuting tao, Mia, at ipapangako ko sa’yo na hindi ako mawawala sa likod mo.”

Niyakap niya nang mahigpit ang kaibigan. Hindi niya maiwasang hilingin na sana ay pawang mga bulag na lang ang bawat tao, para walang humuhusga base sa nakikita ng mga mata.

Ngunit dahil alam niyang hindi mangyayari iyon, at ngayong naliwanagan na siya, magkakasya na lang siya sa paniniwala na ang ang kagandahan ay hindi nakikita sa panlabas na kaanyuan. Sapat na iyon upang maipagpatuloy niya ang pagharap sa mga hamon ng buhay.

Advertisement