Inday TrendingInday Trending
Alalang-alala na ang Dalagang Ito sa Kalusugan ng Kaniyang Ama, Natulala Siya sa Biyayang Bigla Nitong Natanggap

Alalang-alala na ang Dalagang Ito sa Kalusugan ng Kaniyang Ama, Natulala Siya sa Biyayang Bigla Nitong Natanggap

“Kuya, may nahanap ka na bang mauutangan ng pera? Iba na ang itsura ni tatay, kailangang-kailangan niya na talagang madala sa ospital upang mapatingnan,” daing ni Diana sa kaniyang nakatatandang kapatid habang pinagmamasdan ang tatay nilang hindi na makagalaw sa pagkakahiga.

“Wala pa nga bunso, eh, kung kani-kanino na ako lumapit. Sa mga kaibigan ko, sa mga kapamilya natin, pero dahil sa krisis na bunsod ng pandemya, wala silang maipahiram sa akin,” nakatungong sagot ng kaniyang kapatid saka unti-unting pinisil ang kamay ng amang nakapikit lamang.

“Ako rin, kuya, eh, nagbakasali na rin ako sa mga taong simbahan at ibang opisyal sa munisipyo natin, pero ang tanging sabi lang nila sa akin, tatawagan na lang daw nila ako kapag may pondo na sila. Paano na si tatay ngayon, kuya? Hindi ko na kayang makita siyang gan’yan,” mangiyakngiyak niyang tugon habang pinagmamasdan ang nakaratay na tatay.

“Wa-wala kayong dapat ikapag-alala, mga anak, pa-paniguradong may darating na tulong sa atin. Hindi ko pa kayo iiwan, ‘no!” uutal-utal at nakangiting sabat ng kanilang ama na pinagtaka niya.

“Bakit, tatay, may inaasahan ba kayong magbibigay ng tulong?” tanong niya rito, ngumiti lang ito saka muling bumalik sa pagkakapikit dahilan para mapaisip silang magkapatid.

Alalang-alala na ang dalagang si Diana sa sitwasyon ng kalusugan ng kaniyang ama. Ni hindi na kasi ito makagalaw at makakain nang ayos. Kung hindi nila ito papakainin o itatayo magkapatid, hindi ito kikilos. Magsasalita lang ito kapag puno na ang diaper na suot nito, nauuhaw, o kung kaya naman, kapag naririnig nitong umiiyak o nag-aalala na siya.

Kahit anong pagpapakalma nito sa kaniya, hindi niya pa rin maiwasang hindi mag-alala dahil awang-awa na siya sa sitwasyon nito. Ang dating malakas nilang haligi ng tahanang tanging tumataguyod sa kanilang magkapatid, ngayo’y ni hindi makatayo mag-isa na labis niyang ikinalulungkot.

Gustuhin man niya itong dalhin sa ospital upang mapatingin, hindi niya magawa dahil kulang na kulang ang kinikita ng kaniyang kapatid sa pangangalakal. Hindi niya namang magawang maghanap ng trabaho dahil walang maiiwan sa kanilang tatay.

Ito ang dahilan para unti-unti siyang mawalan ng pag-asa kung paano masolusyunan ang problemang kinahaharap ng kanilang pamilya ngayon.

Nang araw na ‘yon, maghapon niyang binantayan ang ama habang nag-iisip kung paano niya ito ipapatingin sa ospital. Umalis naman ang kaniyang kapatid upang bukod sa mangalakal, maghanap ng pupwedeng tumulong sa kanilang ama.

Wala pang isang oras na umalis ang kaniyang kapatid, nagulat siya nang umuwi itong sumisigaw at nagtatatalon.

“O, kuya, anong nangyari, nagpapahinga si tatay! Baka magising mo!” saway niya rito.

“Bunso, may nakakilala sa akin na anak ako ni tatay habang naghahanap ako ng kalakal sa palengke! Kinumusta niya si tatay at nang sabihin ko ang sitwasyon niya, agad akong binigyan ng pera! Tingnan mo, halos sikwenta mil ‘to!” tuwang-tuwa wika nito saka pinakita sa kaniya ang makapal na sobre na hawak nito.

“Si-sino ‘yon? Ba-bakit niya binigyan ng gan’yang kalaking pera si papa?” hindi niya makapaniwalang tugon habang nanginginig pa.

“Isa raw siya sa mga tinulungan kabataan ni tatay noon na naliligaw ng landas sa kalsada. Dahil daw kay tatay, nagkaroon siya ng pag-asa sa buhay at naging isang negosiyante. Ngayon, alam ko na bakit hindi nag-aalala si tatay sa kalagayan niya. Alam niyang may tutulong at tutulong sa kaniya dahil sa kabutihang pinakita niya noon sa iba!” mangiyakngiyak na sagot nito saka agad na niyakap ang kanilang ama na nakangiti lamang sa kanilang magkapatid.

“Salamat sa Diyos!” iyak niya saka yumakap din sa ama.

Wala na silang sinayang na oras noong araw na iyon at agad na nilang dinala sa ospital ang kanilang ama. Doon nila napag-alamanang may malubha itong sakit at kailangan nang maoperahan.

Muli na naman siyang nag-alala dahil dito ngunit bago pa pumatak ang luha niya, mayroon na namang binatang nagbigay ng tulong sa kanila. Isa rin ito sa mga natulungan ng kaniyang ama noon dahilan para ganoon na lang siya mapaluhod sa tuwa.

Nagpatuloy pa ang pagtanggap nila ng tulong mula sa iba’t ibang taong natulungan ng kanilang ama noong kasagsagan nito dahilan para matuloy ang operasyon nito nang wala silang ginagastos ni piso.

At dahil nga wala na silang problema sa gastusin, ilang linggo lang ang tinagal ng kanilang ama sa ospital at ito’y agad nang nailabas. Hindi pa roon nagtatapos ang biyayang natanggap nila dahil may mga tao pang nagbigay ng pangkabuhayan sa kanila bilang sukli rin sa tulong na ginawa ng kanilang ama na talagang ikinaiiyak niya na lang dahil sa tuwa.

“Tingnan mo na, anak, sabi sa inyo, eh. Wala kayong dapat ikapag-alala dahil hindi nawawalan o nauubusan ang mga taong mapagbigay,” pangaral nito sa kaniya habang nililinis niya ang tahi nito.

Simula noon, muli siyang nagkaroon ng pag-asa sa buhay. Lalo pa’t nakikita niya ngayong unti-unting bumabalik ang lakas ng tatay niyang matulungin at masiyahin.

Advertisement