Inday TrendingInday Trending
Ginigipit ng Ginang na Ito ang Anak para Bigyan Siya ng Pera, Nakagawa Tuloy Ito nang Masama

Ginigipit ng Ginang na Ito ang Anak para Bigyan Siya ng Pera, Nakagawa Tuloy Ito nang Masama

“Anak, akala ko ba ngayong katapusan mo ako bibigyan ng pera pangpagamot ko? Sumahod ka na ba? Akin na, magpapatingin na ako ngayong araw,” sapilitang sambit ni Aling Luz sa kaniyang anak, isang gabi pagkauwi nito galing trabaho.

“Napurnada nga po, mama, ‘yong raket ko, eh. Akala ko ako ang isasama ng amo ko sa Maynila para mag-ayos ng isang pagpupulong doon kaso nasalisihan ako ng isa kong katrabahong sipsip. Kaya ayon, ako ang naiwan sa opisina at siya ang naisama. Wala akong dagdag sahod ngayon, mama,” kwento ng kaniyang anak na labis niyang ikinagalit.

“Ano ba naman ‘yan? Bakit mo namang hinahayaang maagawan ka ng trabaho? Paano na ako ngayon niyan? Baka mamaya, lumala pa ang sakit ko, lalo akong mahihirapan!” sagot niya nang may mataas na boses dahilan para ito’y mapatungo na lang habang naghuhubad ng unipormeng suot.

“Pasensya na po talaga, mama, gagawan ko po ng paraan,” mahinahong sagot nito.

“Gawan mo talaga ng paraan! Ang tagal-tagal ko nang naghihintay na makapagpatingin! Baka bukas makalawa, mawala ako sa mundong ito na hindi ko alam ang sakit ko!” bulyaw niya pa rito saka niya ito padabog na nilayasan.

“Opo, mama,” tipid na sagot nito na ikinailing niya lang.

Halos araw-araw ginigipit ng ginang na si Luz ang panganay niyang anak tungkol sa perang pinangako nitong pangpagamot niya. Kada maaabutan niya ito galing trabaho, palagi niya itong sinesermunan para lamang makapagbigay ito ng pera sa kaniya.

Ginagawa niya ito sa kaniyang anak para lamang maibsan ang kagustuhan niyang makasabay sa kaniyang mga kumare na kada katapusan, nagkakasiyahan sa isang sikat na hotel at doon maglalaro ng casino.

Wala naman talaga siyang sakit, ni wala siyang nararamdaman sa katawan niya. Naisip niya lang itong dahilan para walang magawa ang kaniyang anak kung hindi ang bigyan siya ng pera.

Ilang katapusan na kasi siyang hindi nakakasama sa kaniyang mga amiga at siya’y nakararamdam na ng kahihiyan. Ayaw niya namang sabihin sa mga ito na wala siyang pera dahil ayaw niyang magmukhang kawawa sa paningin ng mga ito.

Kaya naman, kahit alam niyang hirap na hirap na ang kaniyang anak sa pagsagot sa mga pangangailangan ng kanilang pamilya, pinipiga niya pa rin ito.

Nang gabing iyon, kahit naririnig niyang umiiyak ang anak sa katabing silid, nagmatigas pa rin siya at patuloy itong ginipit kinabukasan.

Tanging sagot nito sa kaniya bago pumasok ng trabaho, “Opo, gagawan ko po ng paraan,” dahilan para siya’y magkaroon ng pag-asa na siya’y makakasama sa gala ng kaniyang mga amiga.

Maghapon siyang nanalanging sana, pag-uwi ng kaniyang anak, mayroon na itong perang maibigay sa kaniya. Kaya lang, imbis na anak niya ang umuwi sa bahay nila kinagabihan, mga pulis ang sumalubong sa kaniya.

“Kayo po ba ang ina ng binatang ito?” tanong sa kaniya ng isang pulis saka ipinakita ang litrato ng kaniyang anak, tumango-tango lang siya at nagtanong kung bakit.

“Nagnakaw lang naman po ‘yan sa opisina nila ng wallet at selpon ng mga katrabaho niya. Pinapasabi niya lang sa inyo na pasensya na raw at hindi niya kayo mapapagamot ngayong katapusan,” sambit pa ng isang pulis na labis niyang ikinapanghina.

Ni hindi niya alam kung ano ang dapat niyang maramdaman. Siya’y labis na nakokonsensya, naaawa at nahahabag para sa kaniyang anak na alam niyang nahihirapan sa kulungan ngayon.

“Diyos ko, ano bang ginawa ko sa anak ko?” pagsisisi niya habang umiiyak sa kaniyang silid.

Kinabukasan, agad niyang dinalaw ang anak niya sa kulungan. Dinalhan niya ito ng pagkain at ilang damit. Halos mapahagulgol siya nang makitang bugb*g sarado ito at hindi na halos makadilat.

“A-anak, ano bang pumasok sa isip mo, ha? Bakit mo ginawa ‘yan?” iyak niya habang hinahawakan ang mukha ng anak.

“Hindi mo alam? Gusto mong makapagpatingin, hindi ba?” galit na sagot nito na ikinagulat niya, “Kung marunong ka sanang umintindi at maghintay, hindi ako mapipilitang magnakaw para lang sa kagustuhan mong makasabay sa mga kumare mo. Akala mo ba, hindi ko alam na wala ka namang sakit?” dagdag pa nito na labis niyang ikinapanghina.

Natulala na lang siya sa mga sinabi ng kaniyang anak at lalong nakaramdam ng pangongonsenya.

“Pasensya ka na, anak,” tangi niyang sambit saka na siya pinauwi nito.

Iyak siya nang iyak habang naglalakad pauwi. Hindi niya alam kung paano na ang buhay niya ngayong wala na sa puder niya ang anak niyang inaasahan niya sa buhay.

Doon na siya napilitang kumilos sa buhay. Namasukan siyang kasambahay sa kaniyang isang kumare sa umaga at nagtinda ng balut sa gabi. Bumaba man ang tingin ng mga ito sa kaniya, ayos lang sa kaniya makapag-ipon lang siya pangpiyansa ng anak.

Malayo pa man ang kaniyang tatahakin at pag-iipunan, siya’y araw-araw na nananalanging magkaroon ng himala para sa problemang kinahaharap niya.

Advertisement