Inday TrendingInday Trending
Nagmagandang Loob Siya sa Maraming Tao Noon; Nang Siya Naman ang Malagay sa Alanganin, Mayroon Kayang Tutulong?

Nagmagandang Loob Siya sa Maraming Tao Noon; Nang Siya Naman ang Malagay sa Alanganin, Mayroon Kayang Tutulong?

“Raymond Alcantara,” tawag ni Liliane sa kaniyang estudyante.

Nang walang sumagot ay sinuyod niya ng tingin ang silid-aralan, umaasa na makita ang hinahanap, ngunit nabigo siya.

“Absent na naman po siya, Ma’am,” sagot ng isa sa mga estudyante.

Napabuntong-hininga na lamang siya bago minarkahan ng “absent” ang pangalan ni Raymond para sa araw na iyon. Ang totoo ay halos mag-iisang linggo na itong hindi pumapasok sa klase kaya naman unti-unti na siyang nabahala.

Hindi naman lingid sa kaniyang kaalaman na salat ang pamilya ni Raymond sa buhay. Hindi niya alam ang buong detalye dahil tahimik ito, hindi nagsasalita, at madalas na nakayuko lamang.

Gayunpaman ay kita rin niya kung gaano kagusto ng bata na mag-aral. Masipag ito, matalino, at determinadong matuto kaya naman nakakagulat para sa kaniya na hindi na ito pumapasok sa klase gaya nang dati.

Nang araw na iyon ay nagpasya si Liliane na bisitahin sa bahay si Raymond para malaman kung ano ang nangyayari.

Matapos bagtasin ang medyo maputik na daan, sa wakas ay natanaw niya na ang isang maliit na bahay. Gawa iyon sa samu’t saring materyales na pinagtagpi-tagpi para kahit papaano ay magkaroon ng dingding at bubong.

Sa labas ng bahay ay may isang babaeng naglalaba ng sangkatutak na damit habang sa gilid ay nakita niya ang estudyanteng sinadya niya mismo sa lugar na iyon, na abala sa pag-aayos ng mga kalakal.

“Raymond!” tawag niya sa estudyante.

Gulat itong lumingon. Nanlaki ang mata nito at agad na lumapit sa kaniya.

“Ma’am, ano pong ginagawa niyo rito?” takang tanong nito.

“Binibisita ka. Ilang araw ka nang absent, pwede ko ba kayong makausap ng nanay mo?” aniya.

Tumango naman ito at lumapit sa babaeng naglalaba.

Gulat man ang ina ni Raymond sa kaniyang hindi inaasahang pagbisita ay magalang siyang pinapasok nito.

“Naku, pasensiya na po kayo, Ma’am! Hindi ko po alam na darating kayo ngayon. Wala naman pong nabanggit si Raymond.”

“Ako nga po ang dapat humingi ng paumanhin dahil sa pagpunta ko nang walang pasabi. Gusto ko lang po malaman kung bakit halos isang linggo na pong hindi pumapasok si Raymond?” usisa ni Liliane sa kausap.

“May problema po ba?” tanong pa niya.

Bumuntong-hininga ito.

“May sakit ho kasi ako nitong mga nakaraang araw kaya hindi ako makapagtrabaho. Suwerte naman na may libreng check-up sa barangay, kaso ang sabi ng doktor, kailangan ko raw magpatingin sa malaking ospital para makasigurado. May mga gamot din na pinabibili sa akin. Medyo may kamahalan, wala naman kaming pera kaya ang sabi ko ‘wag na lang, pero ayaw pumayag ni Raymond kaya nangangalakal siya ngayon para mabili namin ang lahat ng kailangan,” kwento ng babae. Bakas sa mukha nito ang magkahalong lungkot at pagkadismaya.

Mula sa maliit na siwang ng pinto ay nakita niya ang estudyante sa initan. Buhat-buhat ng mga payat nitong braso ang naglalakihang yero at bakal. Hindi niya mapigilan na makaramdam ng awa para sa mag-ina.

“Pero babalik pa naman ho siya sa pag-aaral, hindi ba?” muli ay usisa niya.

Napayuko ito.

“Sa totoo lang, Ma’am, hindi ko po alam. Gusto ko namang ibigay sa kaniya ang lahat ng pangangailangan niya pero wala po akong pera pang-sustento. Hirap na hirap na nga po kami sa araw-araw lalo na’t ang paglalabada lang naman ang pinagkukunan namin ng pera tapos nagkasakit pa ako…”

Nakita niya ang nagbabadyang pag-iyak nito.

“Hindi ko na po alam ang gagawin. Nilapitan po ako ni Raymond noong isang araw, sabi niya hihinto na siya sa pag-aaral at magtatrabaho na lamang mula ngayon para makapagpahinga ako kahit papaano. Hiyang-hiya ako sa anak ko,” kwento ng ginang.

Tuluyan na itong napahagulgol. Ramdam na ramdam niya ang lungkot, awa, at hiya na nararamdaman nito para sa anak at sa sarili.

Walang magawa si Liliane kundi ang tapikin nang marahan ang balikat ng umiiyak na ginang. Doon ay tuluyan na siyang nagdesisyon na tulungan ang mag-ina sa abot ng kaniyang makakaya.

“Napakasipag po ni Raymond, at alam kong malaki ang potensyal niya. Sayang kung hihinto siya. Kung ayos lang ho sa inyo, gusto kong tumulong kahit papaano. Hindi ho ako mayaman pero alam ko ho kung gaano ka-importante ang edukasyon.”

Umiiyak na hinawakan nito ang kaniyang kamay sa labis na pasasalamat.

Nang mga sumunod na taon sa hayskul ay sinuportahan niya ang pag-aaral ni Raymond, at inilapit niya rin ang pamilya nito sa alkalde ng lungsod.

Likas na matalino si Raymond kaya naman nakapasok ito sa scholarship program sa isang prestihiyosong kolehiyo sa Maynila.

Tandang-tanda niya pa kung paano bumuhos ang pasasalamat ng mag-ina noong araw na tutungo na ang mga ito sa Maynila. Iyon rin ang huling beses niyang nakita ang mag-ina. Siya naman ay nanatiling isang pampublikong guro.

Hindi si Raymond ang una’t huling batang tinulungan niya. Marami siyang estudyanteng natulungan at isa iyon sa pinakamasayang karanasan niya bilang isang guro.

Kaya naman nang tumanda na siya at naging lapitin ng sakit ay nalungkot siya. Imbes kasi na itulong niya sa iba ay kailangan niya pang ibili ng gamot.

Isang araw, habang nagkaklase si Liliane ay nakaramdam siya ng pagkahilo. Kumapit siya sa upuan upang hindi siya matumba.

“Ma’am, ayos lang po kayo?” nag-aalalang tanong ni Jonathan, isa sa mga estudyante niya. Hindi pa siya nakakasagot ay nagdilim na ang kaniyang paningin.

Nang magising ay nasa ospital na siya.

“Napakahina ho ng katawan niyo, Ma’am. Kailangan niyo pong magpalakas at uminom ng bitamina. Manatili ho muna kayo rito sa ospital,” wika ng doktor.

Agad siyang namroblema dahil may mga panibagong gamot na naman na inireseta sa kaniya ang doktor. Paano naman iyon mabibili, gayong kakarampot ang sweldo niya?

“Dok, pwede na po ba akong lumabas? Baka lumobo lang ang bill ko, wala akong pambayad,” agad niyang ungot sa doktor nang pumasok ito upang tingnan ang kalagayan niya.

Ngumiti ito.

“Ma’am, wala ho kayong dapat ipag-alala. Kailangan niyo lang pong magpalakas at sundin ang lahat ng sinasabi ng doktor. Mag-relax na rin po kayo, para makabalik na kayo kaagad sa pagtuturo,” payo ng mabait na doktor.

“Pero, Dok, wala po talaga akong pera. Kailangan ko na pong makauwi,” pagpupumilit niya.

Marahas itong umiling.

“Lalabas lang po kayo sa araw na malakas na kayo. Wala hong mas mahalaga kundi ang gumaling kayo,” pinal na sabi nito bago umalis.

Wala siyang nagawa kundi ang sundin sinasabi ng doktor.

“Bahala na, maipapangutang ko naman siguro,” sa loob-loob niya.

Sa dalawang linggong pamamalagi niya sa ospital ay talaga namang nakapagpahinga si Liliane. Pakiramdam niya ay bumalik ang dating lakas niya. Araw-araw ba naman siyang may masarap at masustansyang pagkain, at araw-araw rin siyang may sariwang bulaklak sa tabi ng kaniyang kama sa tuwing gigising siya.

Ngunit walang nakakaalam kung saan nanggaling ang mga bulaklak.

Nang araw na lalabas si Liliane sa ospital ay labis ang kaba niya. Hindi niya kasi alam kung magkano ang babayaran niya sa ospital. Nahihinuha niya na malaki-laki iyon.

Kaya labis niyang ikinabigla nang sabihin sa kaniya na hindi niya na kailangang magbayad.

“Naku, Ma’am, wala na po kayong babayaran. May nagbayad na,” nakangiting wika ng empleyado.

Takang-taka si Liliane. Noon niya napagtanto na mayroon ngang tumutulong sa kaniya!

Noon may tumawag sa kaniyang pangalan.

“Ma’am Liliane!”

Nalingunan niya ang isang lalaking doktor na kumakaway sa kaniya. Sa tabi nito ay may isang matandang babae.

Naglakad papalapit sa kaniya ang dalawa. Nang makita niya ang mga ito sa malapitan ay saka niya lang nakilala ang mga kaharap.

“Raymond? Ikaw na ba ‘yan?” nanlalaki ang matang tanong niya.

Hinawakan nito ang kamay niya.

“Opo, Ma’am. Ako na nga po ito. Isa na akong doktor!”

Itinuro nito ang babaeng katabi.

“Ang Nanay ko po, tanda niyo pa? Pinapunta ko siya rito nang malaman ko na ngayon na po ang araw ng pag-alis niyo sa ospital.”

Napangiti siya.

“Aba’y, oo naman, paano ko ba kayo makakalimutang mag-ina?”

Niyakap niya ang mag-ina. Wala silang ginawa kundi ang magkwentuhan tungkol sa mga nangyari sa kani-kanilang buhay. Napag-alaman niya na maganda na ang buhay ng mag-ina simula noong naging doktor si Raymond.

Nalaman niya rin na si Raymond pala ang nagbayad ng lahat gastos niya sa ospital.

“Salamat nga pala sa tulong mo sa gamutan ko, Raymond. Babayaran kita kapag kaya ko na,” sinserong pahayag niya sa dating estudyante.

“Wala pa ho iyon sa lahat ng tulong niyo sa amin ni Nanay. Buong buhay ko po kayong pasasalamatan sa lahat ng ginawa niyo para sa amin. ‘Wag po kayong mahihiyang lumapit sa akin kapag may kailangan kayo, ha?” tugon ni Raymond.

“At hindi niyo po kailangang magbayad, Ma’am Liliane. Hindi n’yo naman po kami siningil noong tinulungan niyo kami noon, hindi ba?” nakangiting wika naman ng ina nito.

Napangiti nang matamis si Liliane. Bilang guro, wala nang mas sasaya pa sa kaniya sa kaalamang napabuti ang batang tinulungan niya noon.

Tunay ngang ang kabutihan ay naipapasa at naibabalik—siya ang tumulong noon, siya naman ang tinulungan ngayon.

Advertisement