Minsang Natulungan ng Lalaking Ito ang Isang Babae; Tila Hindi pa Ito Kuntento sa Lahat ng Ibinigay Niya
Nasa kalagitnaan na noon ng pagda-drive ang binatang si Keneth. Pauwi na siya galing sa kaniyang trabaho, nang mamataan niyang nanlilimos sa gitna ng kalsada, sa gitna ng ulanan, ang isang babaeng karga pa ang kaniyang anak. Hindi alintana ng mga ito ang napakaraming sasakyang nagdaraan at ang malakas na ulang maaaring makapaghatid ng sakit sa mga ito, lalo na sa batang karga-karga nito. Napailing si Keneth. Hindi niya maiwasang makaramdam ng matinding awa sa mag-ina, kaya naman naisipan niyang hintuan ang mga ito at abutan ng tulong.
“Ate, wala man lang ba kayong payong?” tanong ni Keneth sa babae. “Halina ho, sakay na muna kayo rito’t ipaggo-grocery ko kayo,” sabi pa niya na agad namang ikinaaliwalas ng mukha nito.
“Talaga, ser? Sige ho!” Agad itong tumalima sa kaniyang sinabi.
Inihinto niya ang sasakyan sa tapat ng isang mall na mayroong grocery store sa loob. Pagkatapos ay bumaba si Keneth at pinagbuksan pa ng pintuan ang mag-ina. “Halina ho kayo, ate. Unahin nating bihisan ’yang bata. Kawawa naman, o. Basang-basa ng ulan. Baka magkasakit ’yan,” aniya bago sila pumasok sa naturang mall.
Dumiretso si Keneth sa bilihan ng mga damit at agad na binilhan ng maisusuot ang mag-ina. Bumili na rin siya ng payong pati na rin maganda-gandang sapin sa paa para sa bata at sa nanay nito.
“Ano nga pala ang pangalan n’yo, ate?” maya-maya ay tanong ni Keneth sa babae.
“Ester ho,” sagot naman nito habang abala at tuwang-tuwang inaayos ang kanilang mga ipinamili.
Maya-maya pa ay dumiretso na sila sa grocery store sa loob ng mall. Agad na kumuha ng malaking cart si Keneth at hinayaang mamili ng mga pangangailangan nila ang babae. Gatas, diaper, shampoo, sabon, condiments, de lata, bigas, itlog at kung anu-ano pa ang ibinigay niya sa mga ito. Punong-puno ang kanilang cart, ngunit hindi naman ’yon alintana ni Keneth. Ang mahalaga ay matulungan niya ang mga ito sa abot ng kaniyang makakaya. Maganda naman kasi ang kaniyang trabaho at mag-isa lang siya sa buhay dahil lumaki siya sa isang ampunan.
Matapos nilang mamili ay inihatid niya pa sa kanilang bahay ang mag-ina. Doon ay sinalubong ito ng asawa nito at isa pang anak na marungis din ang hitsura. Bago tuluyang umalis si Keneth sa lugar ng mga ito ay inabutan niya pa ng kaunting pera ang babae.
Isang buwan makalipas ang pagtulong na iyon ni Keneth sa mga ito ay muli silang nagkita ni Aling Ester. Muli ay namamalimos na naman ito sa kalsada. Tila nabuhayan ang babae nang makilala siya nito!
“Ser! Ang tagal ko na hong nagbabakasakali na makita kayo ulit. Sana, matulungan n’yo ulit ako dahil naospital ang anak ko. Hindi ko na ho alam ang gagawin,” umiiyak na pakiusap nito sa kaniya na agad namang nakaantig ng puso ni Keneth.
“Sige, ate. Magbibigay ulit ako ng tulong sa inyo. Kayo na ho ang bahala, ha? Nagmamadali kasi ako ngayon, e. May meeting ako,” sabi pa ni Keneth sabay abot ng limang libo sa babae.
“Maraming salamat, ser. Malaking tulong ho ito sa amin!” sabi pa nito.
Ngunit ilang araw lang ang lumipas ay namataan na naman ni Keneth ang babae, ngayon ay hindi na sa kalsada dahil sa pagkakataong ito ay sa tapat na mismo ng kaniyang pinagtatrabahuhang kompanya! Hindi alam ni Keneth kung papaano nito natunton ang kaniyang pinagtatrabahuhan, pero minabuti niyang harapin ulit ito. Laking gulat ni Keneth nang sa ikalawang pagkakataon ay hinihingian na naman siya nito ng pera!
“Ser, kinulang ho kasi ’yong ibinigay n’yo noong nakaraan. Wala pa ho ang gamot doon,” katuwiran nito. Bahagyang nakaramdam ng inis si Keneth, ngunit minabuti niya pa ring magbigay ng kaunti rito. Umaasa siyang iyon na ang huli, ngunit makalipas lang ang isang linggo ay heto na naman ulit ito at nanghihingi ng pera!
Hindi na pinansin ni Keneth ang babae matapos ’yon. Tinaguan niya na ito. Ilang araw na itong pabalik-balik sa kaniyang pinagtatrabahuhan, ngunit tiniis ni Keneth na huwag itong kausapin.
Ganoon na lang ang takot na kaniyang naramdaman nang sumunod na araw. Dahil hindi na lamang sa trabaho niya ito nag-aabang kundi sa tapat na mismo ng kaniyang bahay! Mukhang sinusundan na siya ng babae kahit saan siya magpunta!
Nagpasya siyang i-report na sa pulisya ang tungkol sa panghahar*s na ginagawa sa kaniya ng babae at doon ay napag-alaman niyang lulong pala ito sa ipinagbabawal na gamot. Ganoon din ang asawa nitong simula nang magbigay siya ng pera ay hindi na rin nagtatrabaho!
Si Ester at ang asawa nito ay nabilanggo sa salang pagtutulak at paggamit ng ipinagbabawal na gamot at ang kanilang mga anak ay napunta naman sa pangangalaga ng DSWD. Samantalang nagsilbi namang malaking aral ang pangyayaring ito kay Keneth.