Inday TrendingInday Trending
Nagustuhan ng Lalaki ang Tagapag-alaga ng Kaniyang Bulag na Asawa; Magugulat Siya sa Sikretong Ibubunyag ni Misis

Nagustuhan ng Lalaki ang Tagapag-alaga ng Kaniyang Bulag na Asawa; Magugulat Siya sa Sikretong Ibubunyag ni Misis

Malagkit ang tinging ipinukol ni Armand sa tagapag-alaga ng kaniyang asawang si Marie. Paano ay hantad na hantad ang mabibintog nitong hita sa suot nitong maiksing shorts, habang ang pang-itaas naman nito ay napakanipis. Halata ni Armand na walang suot na panloob ang tagapag-alagang si Joy. Ang totoo kasi ay katatapos lang nilang gumawa ng milagro sa kaniyang kwarto, nang magising ang kaniyang asawa dahil oras na upang mag-umagahan ito.

“Mahal, saan ka nga pala natulog kagabi? Hinintay kita sa kwarto natin, a,” walang kamalay-malay na tanong ni Marie sa asawang ngayon ay nakaupo sa kaniyang harapan.

“Nakatulog ako kagabi sa salas, mahal, e. Tinapos ko kasi ’yong trabahong ipinauwi sa akin ni boss,” katuwiran naman ni Armand na hindi inaalis ang tingin sa kaniyang kabit na si Joy.

“Ganoon ba?” Biglang rumehistro ang lungkot sa mukha ni Marie. “Kung hindi lang sana ako nawalan ng paningin, hindi mo na sana kailangang mag-doble kayod. Sorry, mahal, ha?” hinging paumanhin pa nito na agad namang inalo ni Armand.

“Mahal, huwag mo nang isipin ’yon. Wala ’yon sa akin. Handa akong alagaan ka,” sagot naman ng lalaki kunwari, kahit ang totoo ay ang pera naman ni Marie sa bangko ang ginagastos niya para sa pagpapagamot nito, simula nang magkasakit ito sa mata na nauwi nga sa pagkawala ng paningin ng kaniyang asawa. Kung tutuusin nga ay mas malaki pa ang perang ipinapasok ni Marie sa kanilang tahanan lalo pa at binayaran ito ng kompanyang dati niyang pinagtatrabahuhan para sa ilang taon niyang serbisyo sa mga ito. Si Marie kasi ang isa sa pinakamagaling na empleyado sa kompanyang iyon noon.

Isa pa’y hindi rin naman totoong nagdodoble kayod si Armand sa pagtatrabaho. Ang totoo’y hindi siya natulog sa kwarto nilang mag-asawa kagabi dahil sa kwarto siya ni Joy nagpalipas ng magdamag. Nagpakaligaya at nagpakasasa sa sarap, samantalang ang kaniyang bulag na asawa ay naroon lang sa kabilang silid at nag-iisa.

Lingid sa kaalaman ng dalawang manloloko, ilang araw na ang nakakalipas simula nang muling manumbalik ang paningin ni Marie, at alam na alam nito ang lahat ng kalokohang ginagawa nilang dalawa! Ganoon pa man ay mas pinili na muna niyang magbulag-bulagan upang makagawa siya ng mas matalinong aksyon, sa tulong ng kaniyang abogado na siyang una niyang nilapitan simula nang matuklasan niya ang kataksilan ng mga ito sa kaniya.

Nagpatuloy sa ganoong gawain sina Armand at Joy, habang dumami naman nang dumami ang ebidensyang hawak ni Marie laban sa kanila. Tiniis ni Marie ang sakit na makita ang kaniyang mister na mayroong kas*ping na iba, sa loob pa mismo ng kanilang pamamahay! Ipinagsawalang bahala niya ang kaniyang mga luha upang sa huli ay siya pa rin ang makakuha ng nararapat na hustisya. Isa pa ay ginagawa niya rin ang lahat ng ito upang mawala na nang tuluyan ang lahat ng pagmamahal na natitira sa kaniyang puso para kay Armand.

Nang sa wakas ay naging sapat na ang lahat ng ebidensya para kay Marie ay sinimulan niya nang isakatuparan ang kaniyang mga plano. Isang umaga, sa kalagitnaan ng paglalampungan ng kaniyang asawa at ni Joy sa kanilang salas ay tumayo siya sa harapan ng mga ito.

“Saka n’yo na ituloy ang ginagawa n’yo. Nasa labas na ang mga gamit n’yo. Makakalayas na kayo sa aking pamamahay,” matigas at ma-autoridad na ani Marie sa mga ito na agad naman nilang ikinagulat!

“M-mahal, a-ano’ng ibig sabihin nito?!” kinakabahan namang tanong ni Armand sa asawa. “N-nakakakita ka na?!”“Oo, Armand, nagulat ka ba? Ang totoo ay may katagalan na rin mula nang muling manumbalik ang paningin ko. Sadyang kinailangan ko lang makakuha ng sapat na ebidensya upang makawala na ako sa panloloko n’yo sa akin.” Matalim ang tinging itinapon niya sa direksyon ni Joy na ngayon ay nanlalaki rin ang mga mata. “Magpakasaya na kayo ngayon dahil hindi magtatagal ay magkakahiwalay kayo dahil mabubulok kayo sa likod ng mga rehas kung saan kayo nararapat!”

Doon ay halos manlumo naman ang dalawang traydor. Ni hindi nila alam ang gagawin kaya naman nagsimula silang maglumuhod sa harapan ni Marie upang magmakaawa. Ngunit ubos na ang awa sa puso niya dahil nababalot na iyon ngayon ng sakit mula sa mga mapapait na alaalang ibinigay ng dalawa sa kaniya.

Matapos ang ilang pagdinig sa korte ay tuluyan nang nahatulan sina Armand at Joy. Si Marie naman ay sinimulan ulit ang kaniyang buhay at tuluyan nang iniwan ang nakaraan sa bahay na iyon, na kalaunan ay ibinenta niya na sa iba.

Advertisement