Walang Mamanahing Salapi ang Sinumang Dumalaw sa Lamay ng Matandang Mayaman; Ngunit Hindi Siya Kayang Tiisin ng Kaniyang mga Katiwala

Maingay na maingay sa San Martin ang balitang sumakabilang buhay na raw ang pinakamayamang residente sa kanilang lugar—si Don Gonzalvo. Kilalang may malubhang karamdaman ang don kaya naman hindi na nakapagtataka para sa mga taga San Martin ang balitang iyon. Ngunit hindi lang ang pagkawala ng don ang pinakamainit na usapin sa kanilang lugar, kundi pati na rin ang nasasaad sa huling testamento nito tungkol sa kaniyang pamana…

Ayon kasi sa nasabing kasulatan, ang sinuman daw na dumalaw sa kaniyang lamay ay hindi makatatanggap ng pamanang salapi mula sa ari-ariang kaniyang iiwan. Dahil doon, lahat ng kaniyang kamag-anak ay talagang hindi nagpunta sa nasabing lamay. Wala ni isang bisita roon kundi ang abogado ni Don Gonzalvo.

“Inay, talaga po bang pupunta tayo sa lamay ni Don Gonzalvo?” tanong ng anak ni Aling Rafaela sa kaniya habang naghahanda sila nang hapong iyon upang pumunta sa lamay ni Don Gonzalvo na ilang taon din nilang pinagsilbihan bilang mga katiwala sa bahay nito. “Hindi po ba at mahigpit na ibinilin ng kaniyang abogado na huwag daw pong magpapakita ang sinuman sa lamay?” dagdag pa nito.

“Anak, ang sabi lang naman sa testamento, ang sinumang dadalo sa lamay ay hindi makatatanggap ng pamanang salapi mula sa iniwan ng Don Gonzalvo. Hindi naman sinabi na bawal talaga tayong magpunta. Anak, wala naman tayong pakialam sa pamana, e. Hindi namin kayang tiisin ng itay mo na hindi makita si Don Gonzalvo kahit sa huling mga pagkakataon na lamang. Naging napakabuti niya sa atin noong siya ay nabubuhay pa,” sagot naman ng kaniyang ina na ikinangiti ng bata.

“Hay, salamat! Akala ko kasi magpapadala rin tayo sa laman ng testamentong ’yon, inay. Gusto ko pa namang dalawin ang don. Gusto ko po siyang makita, dahil higit pa sa salapi ang ipinamana niya sa akin. Dahil kundi dahil sa kaniya, baka hindi ako nakapagtapos kahit ng elementary man lang.” Tila nawalan ng alalahanin si Alona, ang anak ni Aling Rafaela.

“O, siya, tama na ’yan. Tayo na’t baka abutin pa tayo ng dilim sa daan,” maya-maya ay aya na sa kanila ng amang si Mang Dencio.

Maya-maya pa, nakarating din sa wakas ang mag-anak sa mansyon ni Don Gonzalvo kung saan alam nilang ginaganap ang lamay nito, ngunit laking pagtataka nila nang walang abutang lamay doon.

“O, asan po ang don? Bakit walang lamay rito?” takang tanong ni Alona sa ina.

Advertisement

“Teka, baka naman hindi dito ang lamay? Baka naman umupa ang abogado ni Don Gonzalvo ng—”

“Tama ang pinuntahan n’yo, Aling Rafaela. Dito nga ang lamay ng don.” Pinutol ng abogado ni Don Gonzalvo sa sinabing iyon ni Aling Rafaela. “Halikayo at sumama sa akin upang malaman n’yo kung nasaan ang don,” sabi pa nito.

Kakamot-kamot sa ulo si Mang Dencio, habang bakas naman ang pagtataka sa mukha ng mag-inang Rafaela at Alona. Ganoon pa man ay pinili nilang tumalima na lamang sa utos ng naturang abogado.

Huminto sila sa tapat ng master’s bedroom sa ikalawang palapag ng mansyon kung saan dating natutulog ang yumaong Don Gonzalvo. Ilang sandali pa ay binuksan na iyon ng abogado at ganoon na lang ang gulat ng mag-anak na katiwala nang makita roon si Don Gonzalvo na buhay na buhay at mukhang mas lalo pang lumakas ang pangangatawan!

“D-Don Gonzalvo?!” bulalas ni Aling Rafaela na nanlalaki ang mga mata.

“Kumusta na kayo, Rafaela? Masaya akong makita kayo,” nakangiti namang sabi ng don.

“Akala ko po ba—”

“Hindi totoong sumakabilang buhay na ako, Rafaela. Ang totoo ay gumaling na ako sa aking sakit at ngayon ay malakas na ulit. Ang balitang kumalat tungkol sa aking pagkawala ay sinadya ko upang malaman kung sino sa mga malalapit sa akin ang tanging pera ko lang ang habol at kung sino ang mga katulad n’yong ipagsasawalang bahala ang salapi makita lamang ako sa huling pagkakataon,” pagbibigay sagot pa ng don sa kalituhan ng mag-anak na katiwala. Bukod doon, sinabi rin niya na ang sinumang dadalo sa lamay ay hindi talaga makatatanggap ng pamanang salapi, dahil ang mamanahin niya ay ang lahat ng ari-arian ng don.

Advertisement

Labis na ikinagulat ng mag-anak ang balitang iyon, ngunit ganoon pa man ay ikinatuwa nilang makakasama pa nila nang matagal ang butihing si Don Gonzalvo. Matapos kumalat muli ang balita tungkol sa tunay na kahulugan ng huling testamento ni Don Gonzalvo ay laking pagsisisi naman ng kaniyang mga kaanak, dahil lahat ng pamanang inaasam nila, ngayon ay mapupunta na sa mag-anak na katiwala na siyang tunay na nagmamahal at nagmamalasakit sa don, buhay man ito o hindi.