Pinakain ng Libre ng Babae ang Pilay na Ale; Grabe ang Isinukli Nito sa Kanya

Noon pa man ay hindi na nagpapatalo si Almira sa kakambal niyang si Almaria. Gusto niya na palaging nalalamangan ang kapatid sa kahit anong bagay, kaya nang magpatayo ito ng karinderya ay ginaya rin niya ang negosyo nito at kinumpetensiya.

“Bili na kayo mga suki! Marami akong lutong ulam na tiyak na ikasisiya ng inyong mga sikmura!” sigaw ni Almaria na iniaalok ang kanyang mga paninda sa mga nagdaraan niyang mga kapitbahay.

Maya-maya ay nilapitan siya ng isang ale.

“Pabili nga ng isang order ng adobong manok at isang order ng pinakbet,” sabi ng babae.

“Naku, mader, hinding-hindi ka magsisisi na sa akin ka bumili, dahil masarap ang pagkakaluto ko nitong adobo at pinakbet,” sagot niya sabay abot ng order sa kustomer.

“Salamat. Kaya nga gustung-gusto kong sa iyo bumibili ng lutong ulam dahil mura na, ubod pa ng sarap,” wika ng ale.

“Ayoko kasing napapahiya sa mga kustomer ko. Gusto kong ma-enjoy ninyo ang mga ulam na inihahain ko sa murang halaga. Sa hirap ba naman ng buhay ngayon ay magtataas pa ba ako ng presyo?” ani Almaria sa kausap.

“Kaya nga nagpapasalamat kaming mga kapitbahay mo, kasi malaking tulong ang hindi mo pagtataas ng presyo ‘di gaya ng mga panindang ulam ng kakambal mong si Almira diyan sa tapat, doble ang itinaas ng presyo,” hirit ng ale.

Advertisement

Lingid sa kaalaman nila ay nakarating kay Almira ang sinabi ng babae tungkol sa mga panindang ulam nito. ‘Di sinasadyang narinig ng kaibigan nitong si Anita na napadaan sa karinderya ng kapatid ang pag-uusap ng dalawa.

“Ano, sinabi ‘yon ng dalahirang babae na ‘yon? Itsinismis pa sa buwiset kong kakambal ang pagtataas ko ng presyo sa mga paninda ko?” inis sa sambit ni Almira.

“Oo, dinig na dinig ko, mare. Mababang presyo ng mga panindang ulam ni Almaria ang dahilan kung bakit matumal ang benta ng karinderya mo,” hirit pa ng tsismosang kaibigan.

“Hmmm… kailangan kong makaisip ng paraan para masira ang negosyo ni Almaria para sa akin magsibili ang mga kapitbahay natin,” sagot niya.

Isang araw nga ay may kumalat na balita sa kanilang lugar tungkol sa mga panindang ulam ni Almaria.

“Huwag na huwag na kayong bibili sa karinderya ni Almaria dahil manloloko ang babaeng ‘yan! Mababa nga ang presyo ng mga paninda niya, mga botchang karne naman at bulok na gulay ang ibinebenta niya. Gaya nitong nabili kong menudo sa kanya, kinagabihan ay sumakit ang aking tiyan, nang magpatingin ako sa doktor ay napag-alaman kong nakakain daw ako ng botchang karne, eh, sa karinderya lang naman ako ni Almaria bumili ng lutong ulam. Pati ‘yung binili kong ginisang ampalaya ay may halong maliliit na uod! Kadiri! Bulok na pala ‘yung ampalaya na inilahok niya sa ulam,” pagbubunganga ni Aling Barbi sa labas ng karinderya ni Almaria.

Narinig ng babae ang reklamo ng ale at hinarap ito.

“Ano ba ‘yang sinasabi mo, Barbi? Kahit kailan ay hindi ko hinahaluan ng botchang karne at bulok na gulay ang mga paninda ko,” sabi niya rito.

Advertisement

“Aba at pinagmumukha mo pa akong sinungaling? Gusto mo ng ebidensiya? O, heto ang ginisang ampalaya na binili ko sa karinderya mo, tingnan mo’t may mga uod ang ampalaya!” galit na tugon ng ale.

Nang makita ng mga kaptibahay ang ebidensiya ni Aling Barbi ay nagkaroon ng duda ang mga ito sa panindang ulam ni Almaria. Ang ilan sa mga kapitbahay ay nagdesisyon na hindi na bumili sa kanya at lumipat na lang sa karinderya ng kakambal niyang si Almira.

Dahil sa kumalat na tsismis ay naging matumal ang benta ng karinderya ni Almaria. Kung dati ay sa kanya bumibili ang halos lahat ng kapitbahay niya, ngayon ay mabibilang na lamang sa daliri ang mga kustomer niya. Ang mga tao sa kanilang lugar ay sa karinderya na ng kapatid niya bumibili ng lutong ulam. Dahil humina ang kita ay namomroblema na siya kung paano maitatawid ang araw-araw nilang gastusin. Matagal nang biyuda si Almaria at mag-isa na lang niyang binubuhay ang dalawa niyang anak. Nang tingnan niya ang kanyang ipon ay napaluha siya dahil malapit na itong maubos.

“Diyos ko, pati ipon ko ay nagagalaw ko na dahil sa tumal ng benta ko sa karinderya. Ano ang gagawin ko? Hindi maaaring palaging ganito kundi ay magugutom kaming mag-iina,” nag-aalalang sambit ni Almaria sa isip.

Sa kabilang karinderya ay tuwang-tuwa naman si Almira dahil sa dami ng kanyang kinita sa araw na iyon.

“Sige lang, sa akin kayo magsibili, mga mahal kong kapitbahay, para mas lalo akong suwertehin at yumaman!” nakangising sabi ng babae habang binibilang mga mga perang kinita niya.

Maya-maya ay may isang babaeng pilay na lumapit sa karinderya ni Almira.

“Ale, maaari bang makahingi ng makakain? Kahit kaunti lang. Ilang araw na kasi akong hindi kumakain,” sambit ng babaeng may kapansanan.

Advertisement

Sa inis ay pinamewangan ni Almira ang babae.

“Hindi ako namimigay ng pagkain, kung gusto mo ay bumili ka! May pera ka bang pambili? Kung wala, eh, makakaalis ka na!” singhal niya sa babae.

Walang imik na umalis ang babaeng pilay at lumipat sa karinderya ni Almaria.

“Ale, maaari bang makahingi ng pagkain? Kahit tira-tira lang o lumang tinapay ay ayos lang sa akin,” wika nito.

Nakaramdan ng awa si Almaria sa kalagayan ng babae.

“Halika sa loob ng karinderya ko, bibigyan kita ng pagkain at maiinom,” sabi ni Almaria sa babae na inalalayan pa itong makaupo sa maliit na silya. Inahinan niya ng sinigang na baboy na may kasamang isang pinggang kanin at malamig na tubig ang babae na halatang gutom na. Kahit wala pa siyang benta sa araw na iyon ay ‘di niya alintana kung magbabayad man ito o hindi dahil sa tingin niya ay wala naman itong pera, ang mahalaga’y nakagawa siya ng kabutihan sa kanyang kapwa.

Nang matapos kumain ang babae ay nagpaalam na ito.

“Maraming salamat, ale. Wala akong maibabayad sa iyo pero tanggapin mo ito, malaki ang maitutulong niyan sa iyo,” sabi ng babaeng pilay habang iniabot sa kanya ang isang lumang kahon na mayroong kandado. “Kapag nangailangan ka ay saka mo buksan ang kahon,” dagdag pa ng babae.

Advertisement

“T-teka, para saan ito?” tanong ni Almaria.

“Pasasalamat ko sa kabutihan mo,” sagot ng babae.

May pahabol pa sana siyang tanong ngunit paglingon niya ay wala na ito sa kinauupuan.

“Aba, nasaan na siya? Ano naman kaya ang laman nitong kahon na ito? Kinakalawang pa ang kandado. Paano ko mabubuksan ito, eh, walang susi?” nagtataka niyang tanong sa sarili.

Nang sumunod na araw ay ‘di inasahang nagkasakit ang bunso niyang anak at isinugod sa ospital. Hindi malaman ni Almaria kung ano ang gagawin at kung saan siya kukuha ng perang pambayad sa ospital at gamot ng anak. Nakiusap siya sa kapatid na si Almira na pahiramin siya ng pera ngunit tinanggihan siya nito. Ang sabi pa sa kanya ay wala itong perang maipapautang sa kanya. Sa isip niya ay napakasama talaga ng ugali ng kakambal niya, pati ang sariling pamangkin ay nagawang tiisin. Halos mabaliw na nga siya kung saan makakakuha ng pera kahit kasi mga kapitbahay niya’y hindi siya tinulungan dahil na rin sa tsismis na ipinakalat ni Almira kaya nagdududa pa rin ang mga ito na pautangin siya. Hanggang sa bigla niyang maalala ang ibinigay na lumang kahon ng babaeng pilay. Ang sabi nito ay kapag nangailangan siya ay buksan niya ang kahon. Dali-dali siyang umuwi sa bahay at pilit na inalis ang kandado sa kahon. Nang mabuksan niya ito ay laking gulat niya nang makita ang laman niyon.

“Diyos ko, mga maliliit na itim na bato na tila mga itim na brilyante!”

Hindi makapaniwala si Almaria sa ibinalik sa kanya ng babae na binigyan lang niya ng makakain at inumin. Ibinenta niya ang mga brilyante at nabayaran ang mga nagastos sa ospital. Agad ding gumaling ang kanyang anak. Dahil sa nakuhang biyaya ay mabilis na nagbago ang buhay ng pamilya ni Almaria. Gamit ang perang pinagbentahan sa mga brilyante ay pinalago niya ang kanyang karinderya at nagtayo pa ng ibang mga negosyo. Hindi niya sinolo ang magandang handog na iyon sa kanya dahil nagbigay din siya ng tulong sa mga kapuspalad at naglunsad ng programa na naglalayong pakainin nang libre ang mga mahihirap na walang makain. Ginamit niya sa makabuluhan ang biyayang natanggap niya mula sa misteryosang babae na habang buhay niyang ipagpapasalamat.

“Kung sino ka man ay nais kong magpasalamat sa iyo. Binago mo ang buhay naming mag-iina. Sa tingin ko’y ipinadala ka ng Diyos upang tulungan kami. Hindi kita bibiguin, ibabahagi ko sa aking kapwa ang tulong na ibinigay mo,” sambit ni Almaria na manghang-mangha pa rin sa kinasapitan nila.

Advertisement

Kung inuulan ng suwerte si Almaria ay inuulan naman ng kamalasan ang kakambal niyang si Almira. Kumalat na kasi sa kanilang lugar ang ginawa niyang panloloko at paninira sa kapatid na naging dahilan ng pagkalugi ng kanyang negosyo. Mula noon ay hindi na siya pinagkatiwalaan ng mga kapitbahay at hindi na bumili ang mga ito sa kanyang karinderya. Nabunyag ang kanyang kabuktutan nang minsang madulas ang dila ni Aling Barbi at ikinuwento nito sa mga kumare ang ginawa niyang pagbabayad dito para gawan ng tsismis at siraan ang kakambal. Sa huli ay sa kanya bumalik ang karma na siya ang humabi. Samantala, humingi naman ng paumanhin ang mga kapitbahay kay Almaria sa ginawang pagtalikod ng mga ito na tinanggap naman ng babae.

Nang malaman ni Almira ang nangyari sa kapatid ay laking pagsisisi niya dahil hindi niya ito tinulungan nang mangailangan ito. Labis din ang panghihinayang niya na hindi niya binigyan ng pagkain ang babaeng pilay na unang lumapit sa kanya, ‘di sana ay siya ang nakatanggap ng suwerte at nagtatamasa ng ginhawa.

Saka lamang niya naisip na mas karapat-dapat na si Almaria ang binigyan ng biyaya dahil sa kanilang dalawa, ang kakambal niya ang may mabuting kalooban.