Itinakas ng Babae ang Bata sa Ama Nito; Simula na Pala Iyon ng Pagbabago sa Buhay Niya

Umiiyak na nakatanaw sa labas ng gate si Ria. Tinatanaw niya ang kanyang anak na masayang naglalaro sa hardin ng malaking bahay.

“Hindi ko man lang malapitan ang anak ko,” humihikbi niyang sabi sa sarili na hanggang tingin na lang sa anak na si Lotus.

Pinalayas siya ng ama ng bata na si Rommel dahil pinagtangkaan niya itong itakas nang nagdaang gabi. Sariwa pa sa isip niya ang nangyari ngunit para sa kanya ay wala siyang pinagsisisihan.

Naalala niyang itatakas na sana niya ang anak na ninakaw niya sa bahay ng lalaki ngunit hindi siya nagtagumpay, madali siyang napigilan ni Rommel. May mga kasama pa itong tanod na nakahandang hulihin siya sa oras na ituloy niya ang balak.

“Ria… akin na si Lotus!” sigaw ni Rommel.

Wala na siyang nagawa kundi ang ibigay ang bata sa ama nito.

“Bilang parusa ay hindi mo malalapitan ang bata sa loob ng tatlong araw. Hindi ka makakapasok sa bahay ko hangga’t hindi ka nagtatanda,” wika ng lalaki nang maagaw nito sa kanya ang anak.

“Malupit ka, Rommel. Napakalupit mo,” tugon niya na hindi na napigilang umiyak habang inilalayo sa kanya ng lalaki si Lotus.

Advertisement

Sa mga sandaling iyon ng pangungulila ni Ria sa kanyang anak ay biglang bumalik sa alaala niya ang nakaraaan. Binayaran siya noon ni Rommel para dalhin sa kanyang sinapupunan ang anak nito. Baog ang asawa ni Rommel na si Gabriela kaya naisipan ng mag-asawa na kunin ang kanyang serbisyo ngunit habang lumalaki ang tiyan niya ay nararamdaman niya na sa kanya ang batang dinadala kaya sa tingin niya’y may karapatan siya rito.

“Hindi ko nakakalimutan na binayaran mo ako para magka-anak kayo ng asawa mo, pero ako pa rin ang ina nitong nasa aking sinapupunan. Gusto kong magkaroon ng kahit kaunting karapatan sa kanya,” sabi niya kay Rommel.

“Alam mo namang kahit kailan ay hindi kami magkakaroon ng anak ni Gabriela, kaya lang namin naisip ito ay dahil ang sabi mo’y kailangan mo ng pera, Ria, at gagawin mo ang lahat ‘di ba? Kung hindi lang kagustuhan ng aking asawa ang sitwasyon nating ito ay hinding-hindi ko ito gagawin. Malaki ang tiwala sa iyo ni Gabriela dahil para na kayong magkapatid mula nang maulila ka sa iyong mga magulang. Siya na ang kumupkop sa iyo kaya nang kailanganin niya ang tulong mo’y hindi mo naman siya nagawang tanggihan. Huwag kang mag-alala, bukod sa makukuha mong kabayaran sa iyong serbisyo ay patuloy ka naming pag-aaralin ni Gabriela hanggang sa makapagtapos ka sa kolehiyo. Bibigyan pa kita ng sustento pagkapanganak mo, ngunit ang hinihiling mong karapatan ay malabong mangyari dahil kapag isinilang mo na ang bata ay si Gabriela na ang kikilalanin niyang ina,” sagot sa kanya ng lalaki.

Anak siya ng dating kasambahay ng pamilya ni Gabriela na nang sumakabilang buhay ay ang babae na ang umampon sa kanya. Itinuring siya nitong kapatid kaya nga nang malaman nitong hindi na ito magkakaroon ng anak ay siya ang naisip nitong magbigay dito ng anak sa tulong ng sarili nitong mister. Pumayag siya sa gusto nito dahil malaki ang utang na loob niya rito, kaya ngayon ay dinadala na niya ang anak nila ni Rommel na kapag kanyang iniluwal ay ibibigay na niya sa mag-asawa at si Gabriela na ang kikilalanin nitong ina.

Isang buwan ang lumipas at nakapanganak na nga si Ria. Dali-daling kinuha ni Rommel ang bata para ilayo sa kanya.

“Parang awa mo na, sana’y kahit isang beses sa isang linggo ay makita ko man lang ang anak ko,” pakiusap niya sa lalaki.

“Pasensya na, pero hindi maaari ang gusto mo. May kasunduan na tayo, Ria. Wala kang dapat alalahanin dahil pakamamahalin namin ni Gabriela itong si baby. Nga pala, nakahanda na ang ticket mo pauwi sa probinsya kung saan naroon ang malayo mong kamag-anak,” sagot ni Rommel sa kanya.

Pilit siyang pinaaalis ng lalaki para hindi na makalapit pa sa bata ngunit bago makaalis si Ria ay biglang inatake naman sa puso si Gabriela at agad na binawian ng buhay. Halos gumuho ang mundo ni Rommel nang mawala ang asawa.

Advertisement

“Gabriela… bakit ngayon pang may baby na tayo saka mo naman ako iniwan?!” hagulgol ng lalaki habang pinagmamasdan ang labi ng asawa na nasa loob ng kabaong.

Nang mailibing si Gabriela ay naging malulungkutin na si Rommel. Palagi itong naglalasing at napabayaan na ang sarili. Hindi na nagpapagupit man ng lang buhok at hindi na nag-aahit. Ang guwapong mukha ni Rommel ay nagmukhang matanda. Pati ang anak na si Lotus ay napapabayaan na rin nito at pinaaalagaan na lang sa yaya at kasambahay.

Mabilis na nagdaan ang panahon at apat na taong gulang na ang anak nila ni Ria na si Lotus ngunit hindi pa rin nagbago si Rommel. Araw-araw pa rin itong lango sa alak, napapabayaan na rin nito ang negosyo’t hindi pa rin naaasikaso ang sariling anak. Nang pumanaw ang asawa ay tila wala na ito sa sarili kaya sinamantala ni Ria ang pagkakataon at namasukang kasambahay sa bahay nito. Ginawa iyon ni Ria upang kahit paano ay mapalapit siya sa anak na na si Lotus. Hindi na siya napigilan pa ni Rommel sa gusto niya. Mabuti nga iyon at may dagdag na mag-aalaga at magbabantay sa bata.

Sa ilang araw na paninilbihan ni Ria sa bahay ng lalaki ay nakikita niya ang pagpapabaya ni Rommel sa kanilang anak kaya naisip niyang itakas ito sa bahay ng lalaki para tuluyang ilayo. Pagkakataon na rin ni Ria iyon upang angkinin ang anak na kanya namang dugo’t laman ngunit nahuli nga siya nito at isinumbong siya sa mga tanod. Tinakot siya ni Rommel na ipapahuli at hindi na makikita ang anak kapag itinuloy niya ang pagtakas sa bata. Kahit masakit sa kalooban niya’y ibinalik niya ang anak sa ama nito at tinanggap ang parusa ng lalaki.

Makalipas ang tatlong araw ay muli siyang nagbalik sa bahay ni Rommel at sabik na sabik na pinuntahan at niyakap ang anak.

“Lotus, lotus!” sigaw ni Ria.

“Mama tita, mama tita!” masayang bati nito nang makita siya.

At nagyakap ang mag-ina. Kitang-kita naman ni Rommel ang tagpong iyon.

Advertisement

“Sana naman ay nagtanda ka na, Ria. Huwag mo nang uuliting itakas ulit ang anak ko,” sambit ng lalaki habang may hawak na baso ng alak at nakaupo sa sala.

“Alam ko, Rommel. Excuse me, paliliguan ko lang si Lotus, papakainin at aalagaan. Ako ang gagawa ng mga bagay na hindi mo na nagagawa,” malaman niyang sagot.

Magmula nang bumalik siya bahay ay naging mas masayahin at masigla si Lotus. Muling namahay ang tuwa sa dating malungkot na bahay na iyon.

“Habulin mo ako mama tita, bilis, mama tita!” tuwang-tuwang sambit ng bata habang nakikipaglaro sa kanya.

“Nariyan na ako, takbo na!” aniya na masayang-masayang kapiling ang anak.

Lingid sa kanila ay pinagmamasdan lang sila ni Rommel. Tila nakakaramdam ito ng inggit sa pagiging malapit nilang mag-ina.

Hindi lang pag-aasikaso sa kanilang anak ang ginagawa ni Ria nang bumalik siya, pati si Rommel ay pinagsisilbihan na rin niya.

“Nakahanda na ang isusuot mo. ‘Di ba may business meeting ka ngayong araw?” tanong niya sa lalaki.

Advertisement

“A, eh, oo, mabuti’t pinaalala mo. Salamat, Ria,” sagot nito na nagpakawala ng ngiti sa mga labi.

Napansin ni Ria ang mga ngiting iyon. Ngayon na lang uli ngumiti si Rommel mula nang pumanaw si Gabriela.

Samantala, napansin naman ni Rommel na sa tuwing uuwi siya sa bahay ay palaging malinis iyon at may nakahanda nang pagkain sa mesa.

“Hindi ganito kaayos ang bahay ‘di tulad noon. Kahit na may mga kasambahay ay hindi nila nagagawa ang ganito. At lagi na lang masarap ang ulam. Mahusay kasi talagang magluto si Ria kaysa sa aming kusinera,” wika ng lalaki sa isip.

Nang makapag-isa sa kuwarto ay ‘di napigilan ni Rommel na magmuni-muni. Ang totoo’y minsan din niyang minahal noon si Ria ngunit alangan siya rito dahil mas bata ito ng limang taon sa kanya, kaya hindi niya itinuloy na manligaw sa babae. Si Gabriela ang pinili niyang ibigin dahil mabait din ito’t mapagmahal subalit ‘di niya inasahan na hindi siya nito mabibigyan ng anak at maaga pa itong mawawala sa kanya. Nang sabihin noon ng asawa na gusto nitong magkaroon sila ng anak ni Ria at ito ang tatayong ina ay laking tuwa niya dahil pagkakataon na iyon upang maipadama niya ang kanyang pagmamahal sa babaeng una niyang inibig. Ngayon na malaya na siya’y gusto niyang bigyan ng pagkakataon ang sarili na muling mahalin ang totoong ina ng kanyang anak.

“Ayoko nang lokohin ang aking sarili, mahal kita, Ria, mahal ko kayo ng ating anak. Sana ay mapatawad ako ni Gabriela,” lumuluha niyang sambit sa sarili.

Kinaumagahan habang magkakasabay silang kumakain ng almusal ay ipinagtapat na ni Rommel ang totoong nilalaman ng kanyang puso.

“Ria, patawarin mo ako, hindi ko na kayang itago pa ang nararamdam ko sa iyo. Mahal kita, Ria. Noon pa man ay mahal na kita. Natakot lang ako dahil malaki ang agwat ng ating edad at baka hindi mo ako magustuhan at iwasan mo ako, kaya binaling ko ang aking pagtingin kay Gabriela na hindi ko naman pinagsisisihan sapagkat sinuklian naman niya iyon ng tapat at busilak na pagmamahal. Patawarin mo rin ako dahil naging maramot ako sa iyo pagdating sa ating anak. Natakot akong tuluyan mo siyang kunin sa akin at magpakalayu-layo kayo’t iwan niyo akong mag-isa. Hindi ko iyon kakayanin pa, kaya pakiusap, Huwag na huwag mong ilalayo sa akin si Lotus, huwag niyo akong iiwan,” pagsusumamo ni Rommel kay Ria.

Advertisement

Napaluha si Ria sa pagtatapat na iyon ng lalaki. Ang akala niya’y wala itong katiting na pagtingin sa kanya dahil sino nga ba naman siya? Kinupkop lang siya ni Gabriela at isa lamang ulila, hindi pumasok sa isip niya na magugustuhan siya ni Rommel na mayroong mataas na pinag-aralan at may kaya pa sa buhay. Kaya nga siya nagsisikap sa pag-aaral ay gusto niyang maging katulad ni Gabriela na isang edukada. Ngunit may inilihim din si Ria kay Rommel na ipinagtapat din niya sa lalaki na labis din nitong ikinagulat.

“A-ano, m-may pagtingin ka rin sa akin noon?!” gulat na taong ni Rommel sa kanya.

“Oo. Mahal din kita noon pa. Alangan din kasi ako sa iyo dahil mas may edad ka sa akin at mas nakaaangat ka sa buhay kaya inakala kong wala na akong pag-asa kaya nang sabihin mo sa akin na gusto mong magkaanak tayo para magkaroon kayo ng anak ni Gabriela ay pumayag ako, dahil kahit sa paraan na iyon lang kita mapaligaya ay masaya na ako,” bunyag ni Ria.

Sa kanilang mga natuklasan ay isa lang ang ibig sabihin, na sila talaga ang itinadhanang magsama habang buhay. Doon nila napagtanto na ang anak nilang si Lotus ang naging tulay upang magtagpo ang pag-ibig na nananahan sa kanilang mga puso.

Tuwang-tuwa si Lotus nang makitang masaya na silang dalawa.

“Mama tita at papa, love love na!” sambit ng bata habang pinagmamasdan sila na magkahawak-kamay na sa isa’t isa.

Alam nina Ria at Rommel na masaya na rin para sa kanila si Gabriela kung nasaan man ito. Ilang linggo lang ay nagpasiya na silang magpakasal para buuin na ang kanilang pamilya. Pagkaraan ng siyam na buwan ay muling nagsilang si Ria ng kambal na lalaki na pinangalanan nilang Leo at Lio.