Sa Pang-Uusisa at Pangingialam ng Dalawang Tiyahin Tungkol sa Kung Kailan ang Kasal Nila ay Hiningan Nila Ito ng Ambag; Makaisa Kaya Sila Rito?

“Talaga bang kailangan pa nating dumalo sa handaan na iyon, Samuel?” alanganing tanong ni Zyrel sa asawa, habang binibihisan ang tatlong mga anak.

Tumango si Samuel saka tinulungan siya sa ginagawa. “Nakakahiya kasi kay Ninang Mildred, mahal, kung tayo lang hindi makakadalo,” anito.

Bumuntong-hininga muna si Zyrel saka nagsalita. “Hamo, kahapon ko pa naman pinaghandaan ang pakikisama sa kanila,” aniya.

Medyo may pagka-matapobre kasi ang ninang nitong iyon. Palibhasa ay sa alta-sociedad ito nabibilang. Mayaman ang angkan ng kaniyang asawa, ngunit hindi ang sa kaniya. Mahirap man ang pamilya niya’y kahit papaano’y nakakaraos pa rin. Sa lahat din ng magkakapatid ay sila pa lang ni Samuel ang hindi pa naikakasal. Kaya sa tuwing nagkakatipon-tipon ang buong pamilya ng asawa’y iyon ang palaging itinatanong sa kanila – kung kailan nila balak na magpakasal.

“Handa na ba ang lahat? Hali na kayo’t baka tayo na lang ang hinihintay roon,” ani Samuel.

Saka kinarga ang bunsong anak na babae habang hawak-hawak naman ni Zyrel ang dalawang anak na lalaki. Kagabi pa siya nag-eensayo kung anong mukha ang dapat na iharap niya sa ninang ng asawa. Kung sa mga magulang lang ni Samuel ay wala siyang problema, ngunit hindi sa mga kamag-anak, tiyahin at itong Ninang Mildred nito.

Kung makatingin ang mga ito sa kaniya’y wala mang lumalabas sa labi ay alam niyang hinuhusgahan na siya ng mga ito. Kaya niya naisip na pare-parehong matapobre ang mga ito, maliban sa mga magulang ng asawa na laking pasasalamat niya at hindi kagaya ng mga ito.

“Samuel, anak,” masayang salubong ni Mildred sa kanila. “Oh! Ang mga cute mong anak,” anito saka isa-isang hinagkan ang tatlo. “Kumain na muna kayo, Samuel at Zyrel, nasa loob ang handaan, mamaya na tayong mag-usap-usap kapag nalamnan na ang mga sikmura niyo,” magiliw na wika nito.

Advertisement

Pagkatapos niyon ay iniwan na sila nito at hinarap naman ang iba pang bisita. Pagkatapos kumain ay kung hindi lang sana kabastusan ay nais na niyang ayain ang asawang umuwi na sa bahay nila. Nang biglang lumapit ang tiyahin ng asawang si Natasha.

“Oh! Zyrel, nandito lang pala kayo,” anito saka nakipag-beso-beso.

“Hello po, tita,” nahihiyang wika ni Zyrel.

“Oh! Samuel at Zyrel, kailan ba ang kasal niyong dalawa? Tatlo na ang anak niyo at hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo naikakasal. Baka mauwi sa pagiging bastardo ni Samuel ang mga anak niyo, kung hindi pa rin kayo magpapakasal na mag-asawa,” anang tiyahin ni Samuel.

“Darating rin po kami d’yan, tita,” sagot ni Samuel.

“Kailan pa? Diyos ko! Ilang taon na iyang panganay mo? Anim na taon na,” patuloy sa pag-uusisa nito.

“Nag-iipon pa rin po kasi kami ni Samuel, Tita Natasha.”

“Oh! Bakit hindi na lang kayo manghingi sa magulang mo Samuel, para maikasal na kayo nito ni Zyrel? Kawawa ang mga bata kung hindi pa rin kayo kasal hanggang sa paglaki nila. Kaya naman iyon ni Mareng Beatriz at Pareng Sam. Kung mag-iipon pa kayo’y baka nakapag-asawa na ang mga anak niyo’y saka lamang kayo makapagpakasal,” ani Mildred, na nakisali na sa usapan.

Advertisement

Ito ang pinakaayaw niya sa mga ganitong okasyon. Iyong tanong na kailan nila balak na magpakasal. Hindi naman sila nagmamadali sa bagay na iyon, pero totoong pinag-iipunan nila iyon ni Samuel. Sino ba naman ang babaeng ayaw ikasal sa lalaking mahal nila? Ang kaso’y palaging nauudlot ang plano nilang iyon dahil sa biglaang pagbubuntis niya nang wala sa plano.

Kaya ang perang para sana sa pagpapakasal nila’y nagagastos sa pagpapa-check-up at sa panganganak niya.

Ang kasal daw ay isang legal na paraan upang masabing may basbas ang pagsasama nila. Pero ang sa kanila ni Samuel ay totoo ang damdamin nila sa isa’t-isa, hindi pa man sila kasal. Alam niyang mahal siya ni Samuel at hindi nito kailanman ipinaramdam sa kaniyang hindi siya mahalaga. Para sa kanilang dalawa, aanhin mo ang salitang kasal kayo at legal ang pagsasama niyo kung hindi naman kayo nagkakasundo at umiiyak ang araw na hindi kayo nag-aaway? Aanhin ang salitang kasal kung kulang ang pagmamahal niyo sa isa’t-isa dahilan ng paghihiwalayan at pagpapawalang bisa ng kasal? Bakit kailangang madaliin ang kasal kung pwede naman itong makapaghintay? Marami ang mag-asawang kasal ngunit hindi naman nagtagal. Ilan iyon sa mga katwiran nila kung bakit hindi nila nagagawang iprayoridad ang pagpapakasal.

“Hayaan niyo po, Ninang Mildred at Tita Natasha, sa kasal namin ni Zyrel ay padadalhan namin kaayo agad nang imbitasyon at kayo ang ispesyal na taong dadalo sa mahalagang araw namin na iyon,” ani Samuel saka inakbayan ang asawang kanina pa nagpipigil na sagutin ang dalawang makukulit na kamag-anak.

“Sa ngayon po kasi’y nag-iipon pa talaga kami ni Zyrel ng pera para sa kasal namin. Ang savings kasi namin ay palaging nababawasan kapag nabubuntis siya kaya palaging balik sa uno ang pag-iipon. Pero kung sasagutin niyo po ang ibang gastusin sa kasal namin ay mas magiging masaya kaming mag-asawa. Sa ganoong paraan ay magiging legal na De Silva ang mga anak ko kay Zyrel. Thank you in advance Tita at Ninang!” nakangising ani Samuel.

“Si Mommy at Daddy, alam na nila ang obligasyon nila sa kasal ko. Kaya ngayong kumpleto na ang sponsor ko’y mamanhikan na kami sa pamilya ni Zyrel, imbitado kayo, ninang at tita. At huwag niyong kakalimutan ang hinihingi ko sa inyo. Salamat ng pauna!” dagdag pa ni Samuel saka isa-isang hinagkan ang tiyahin ay ninang.

Nais mang pumalag ng dalawa’y wala nang nagawa ang mga ito kung ‘di umoo na lamang sa kaniyang dere-deretsong paghingi na walang iniwang pagpipilian ang dalawa. Sa kulit ng mga ito’y dapat lang na magbigay ang mga ito ng ambag nila, hindi iyong taga-husga at nag-uusisa lamang ang mga ito sa buhay nila.

Natatawa at naiiling si Zyrel habang nasa loob na sila sa sasakyan. Ang kasal na matagal pa sanang mangyayari ay napabilis dahil sa paghingi nito ng ambag sa ninang at tiyahin.

Advertisement

Isang leksyon ang naituro ni Samuel sa dalawang babae. Kung wala kang balak magbigay ay huwag kang mangialam sa plano ng ibang tao.