Isa sa Ipinagpapasalamat ng Babaeng OFW sa Kaniyang mga Magulang ay Napalaki Siya Nito na Marunong sa Gawaing Bahay; Ano ang Naging Dahilan Nito?

Katatapos lamang ni Karen na linisin ang tatlong kwarto sa itaas nang makitang humahagulhol ng iyak ang kaniyang kasamahang katulong na halos dalawang linggo pa lang ang nakakalipas mula noong nakarating ito doon sa Canada.

“Bakit, ano’ng nangyari sa’yo?” nag-aalala niyang tanong.

“A-ayoko na rito, Karen, gusto ko nang umuwi,” umiiyak na wika ni Olivia.

“Ha? Pero bakit naman? Wala ka pang isang buwan mula noong dumating ka rito sa Canada. Baka kasuhan ka ng agency mo kapag bumalik ka nang ‘di pa tapos ang kontrata,” ani Karen.

“Pero hindi ko na kaya, Karen,” tangis nito. “Hindi ko kaya ang mga gawain dito sa hotel. Ang sakit-sakit na ng mga kamay ko, ang tuhod ko kumikirot na sa kakatayo nang halos siyam na oras. Ang buong katawan ko’y namamanhid na sa pagod. Hindi ko kaya ang ganito, Karen, hindi ganito ang buhay ko sa ‘Pinas, hindi ko kailanman naranasang mapagod nang ganito kalala sa bansa natin.”

“Pero alalahanin mo, Olivia, wala tayo sa ‘Pinas. Narito tayo sa Canada, upang magtrabaho, hindi para magpasarap sa buhay,” aniya.

Suminghot ito saka umayos ng upo, pinahid ang luha sa mukha. “Ayoko na talaga, Karen. Ayoko na ng ganitong trabaho. Hindi ito ang inaasahan kong dadatnan sa pagpunta rito. Ang hirap, hindi ko kaya,” anito saka tumayo at iniwan siya.

Wala sa loob na napasandal si Karen sa may dingding, sapo ang nananakit na ulo. Isa sa mga ipinagpapasalamat niya noon sa mga magulang ay iyong hindi siya kailanman pinalaking walang alam sa gawaing bahay.

Advertisement

Dati ay kinaiingitan niya ang mga kaibigan niyang walang ginagawa sa loob ng bahay, ultimo paghuhugas ng pinggan ay hindi pinapahintulutan ng mga magulang ng mga kaibigan niya ang mga anak, dahil ayon sa mga ito ay hindi pa kaya sapagkat mga bata pa, saka na lang— kusa ring matututo ang mga ito.

Ngunit hindi sila gano’ng pinalaki ng kaniyang Tatay Doming at Nanay Tina. Tandang-tanda niyang, walong taon siya noong tinuruan siya ng kaniyang nanay na maghugas ng pinggan at magwalis sa sahig, pati na rin ang pagpupunas ng mesa. Dahan-dahan hanggang sa ang natandaan na lamang niya’y halos silang magkakapatid na ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay.

Alas-singko ng madaling araw silang gigising upang gawin na ang mga nakatokang gawain nila, dahil alas-syete ng umaga ang pasok nila sa eskwela. Hindi sila makakapagbaon ng kanin at ulam kung ‘di sila ang mag-aasikaso. Abala sa trabaho ang parehong magulang, kaya sa kanilang magkakapatid na iniwan ang obligasyon sa bahay.

Kinaiinisan niya ang pagpapalaki ng mga ito sa kanila noon at kinaiingitan ang mga kaklase’t kaibigan na inaalagaan ng mga magulang. Ngunit ngayong bente-syete na siya at halos magdadalawang taon nang natatrabaho dito sa Canada, bilang isang Chamber Maid ng isang sikat hotel o taga-linis, tagapagpalit ng mga punda sa bawat silid, taga-kuskos ng banyo at kung ano pa ang trabaho ng isang taga-linis, ay pinapasalamatan niya ang pagpapalaki sa kanila ng mga magulang.

Nahirapan man siya noong una niyang buwan sa banyagang bansa, ngunit iyon ay dahil namimiss niya ang kaniyang pamilya. Hindi siya sanay na mapalayo sa mga ito. Gusto niyang umuwi na kaagad upang makita ang mga ito. Pero hindi dahil nahihirapan siya sa kaniyang trabaho. Kung tutuusin ay mas magaan ang trabaho niya ngayon, kaysa noong nasa poder siya ng kaniyang pamilya.

Kinapa niya ang selpon at pumindot roon at nang mag-ring ay hinanda ang sarili. Namiss niya bigla ang mga magulang at kapatid. Gusto niyang makita at marinig ang mga boses nito.

“Oh! Anak, kumusta ka na d’yan?” masayang bungad ng ina.

“‘Nay, ayos lang naman po ako rito,” sagot niya sa tanong nito. “Napatawag lang ako kasi namiss ko kayo ni tatay. Nasaan na si tatay?” aniya. Hanap niya sa ama.

Advertisement

“Nandito sa tabi ko, nakikinig,” anito.

“‘Nay, ‘tay, maraming salamat po ah. Sobrang salamat po talaga, kasi pinalaki niyo akong malakas at marunong sa lahat ng gawain. Ngayong nandito ako sa banyagang bansa, mag-isa at hindi kayo kasama,” nahinto siya sa nais na sabihin, sapagkat hindi na niya mapigilan ang pagbara sa lalamunan sa pinipigilang iyak. “Alam ko kung paanong tumayo mag-isa, kasi iyon ang itinuro niyo sa’kin, sa aming magkakapatid. Kinainisan ko man kayo noon, pero ngayong nandito ako nagtatrabaho, naiisip ko, kung paano kaya kung ‘di niyo ako pinalaki nang ayon sa pagpapalaki niyo sa’kin? Baka sumuko na rin ako rito. Baka ginusto ko na ring umuwi ng Pinas, baka hindi ko kayanin. Pero salamat, ‘nay, ‘tay. Kung magiging bata man ako ulit, gugustuhin ko pa rin na palakihin niyo ako, sa kung paano niyo ako pinalaki ngayon,” aniya. Hindi napigilan ang paghugulhol.

Hindi na rin nakasagot ang mga magulang dahil sa pag-iyak ng mga ito.

Walang ni isa sa mga anak nila ang tamad at umaasa lamang sa iba. Lahat ay kumakayod at nagsisikap sa sarili nilang paraan, pagod at pawis. Lahat ay breadwinner kung ituring ang isa’t-isa. Lahat ay nagsusumikap at pare-parehong nagtutulungan.

Kinabukasan ay masiglang pumasok sa trabaho si Karen. Masaya siya na nakausap niya’t nakakwentuhan ang buong pamilya. Animo’y isa siyang baterya na nakapag-re-charge ulit. Nakasalubong niya si Olivia, bitbit ang mga maleta nito. Ayon sa mga kasamahan nila’y binayaran ng pamilya nito ang kontrata ni Olivia at pati na ang mga nagastos sa pagpunta roon at pabalik ng ‘Pinas.

“Naisanla ang lupain ng mga magulang niya, Karen, mabayaran lamang ang kontrata niya pati na ang mga ticket ng eroplano at ang mga iilang nagastos sa pagpunta niya rito. Tsk! Imbes na makakatulong na sana siya sa pamilya niya kasi nandito na siya’t malaki naman ang sahod, mas naging pabigat pa tuloy,” dismayadong wika ni Neneng, kasamahan nila sa hotel.

“Kaya talaga dapat kapag mangingibang bansa ka’y malakas ang loob mo’t matibay. Kasi tingnan mo si Olivia, mas papasanin siya ng pamilya niya dahil sa ginawa niyang ito. Hay, naku! Makabalik na nga lang sa trabaho,” wika naman ni Jessa, at umalis na upang gawin ang trabaho.

Malalim na naglabas ng hangin sa dibdib si Karen, saka inayos ang sarili upang simulan na ring gawin ang kaniyang trabaho.

Advertisement

Sadyang hindi natin alam kung saan tayo dadalhin ng panahon. Pwedeng sa mahirap na daan o sa liko-likong daan tayo makakaraan, pwede rin namang sa isang diretso’t tuwid lamang na daan. Pero ang pinakasigurado’y mas madali ang buhay kung alam mo kung paano haharapin ang bawat pagsubok na darating. Huwag sumuko dahil kapalit ng hirap ay ginhawa sa dulo.