Nang Malaman ng Nobyo na Buntis Siya ay Nagdesisyon Itong Magbukod Sila at Magsama; Makayanan Kaya Nila ang Bagong Hamon sa Buhay nang Magkasama?

“Emil, buntis ako,” ani Rose sa nobyo, sabay iniabot sa lalaki ang pregnancy test na binili kanina sa botika.

Bakas sa mukha ni Emil ang labis na pagkabigla, dahilan upang walang anumang salita ang namutawi sa bibig nito. Nakatitig lamang ito sa kapirasong bagay na hawak at palipat-lipat ang tingin nito sa nobya at sa ibinigay nito.

“Wala ka man lang bang sasabihin, Emil?” untag ni Rose. “Paano ito? Nag-aaral pa ako sa kolehiyo at ikaw…”

Sadya niyang ibinitin ang ano mang sasabihin.

“May trabaho naman ako, Rose, mababa nga lang ang sahod ko sapagkat kakasimula ko pa lang,” ani Emil. “Pero alam kong kaya kitang buhayin kasama ang anak natin sa sahod ko— hindi ko man maibigay ang iba mo pang luho,” anito. Nakayuko.

“Sa ngayong magkakaanak na tayo, sa palagay mo ba’y mahalaga pa sa’kin ang mga luho ko?” nakabusangot na wika ni Rose. “Ano’ng gagawin natin, Emil?” naguguluhang wika ni Rose.

Alam ng mga magulang niya ang relasyon nila ni Emil, pero mahigpit nitong ibinilin sa kaniya na tapusin muna ang pag-aaral, saka mag-isip ng iba pang gagawin. Hindi masama ang makipagrelasyon para sa mga magulang niya, ngunit dapat alam mo ang iyong limitasyon.

Ngunit ano na ang magagawa nila ngayon ni Emil kung nagbunga ang pagmamahalan nilang dalawa? Sa nakita niyang reaksyon ni Emil kanina’y alam niyang hindi siya pababayaan nito, ngunit kayanin kaya nila ang buhay na pareho nilang tatahakin ngayon, kasama ang magiging anak nila?

Advertisement

Kinabukasan pagkalabas sa eskwela ay inaya siya ni Emil na maghanap ng mauupahan, kahit na maliit na kwarto lamang kung saan kasya silang dalawa. Nakahanap sila ng mura at maliit na kwartong pangtatlong tao ang kasya, sa may iskwater area. Pero para kay Rose, hindi na mahalaga kung ano man ang nasa paligid, ang mahalaga ay ang magkasama sila ni Emil at magtutulungan.

Nagalit man ang mga magulang sa nangyari ay walang nagawa ang mga ito. Ayon sa kaniyang ama ay nariyan na at magalit man sila’y wala nang silbi pa. Ipinangako na lamang niyang magpapatuloy siya sa pag-aaral kahit pa naging ganito ang kaniyang sitwasyon.

Habang lumalaki ang tiyan ni Rose ay nagpatuloy siya sa pag-aaral, hindi ininda ang mga tinging mapanghusga. Iniisip na lamang niya na ginagawa niya ito para sa kinabukasan nila ng anak niya at ni Emil. Habang si Emil naman ang kumakayod para sa kanila. Lumiban lamang siya sa klase noong malapit na siyang manganak.

Hindi naging madali ang bawat araw sa kanila. Nagtatrabaho si Emil, habang siya ay patuloy na nag-aaral, bitbit ang anak sa klase. Labis ang hiyang madarama sa tuwing umiiyak ito habang nagka-klase sila, may isang beses pa nga na kinarga na lamang ng kaniyang guro ang anak habang nagkaklase upang tumahan lang.

Naiintindihan naman siya ng kaniyang mga kaklase at mga guro. Pero may mangilan-ngilan pa rin na hinuhusgahan siya sa pagiging estudyanteng ina. Ngunit ano ba ang pakialam niya sa mga ito? Ginagawa niya ang mga ginagawa niya para sa pamilya nila ni Emil at sa pamilya niyang umaasa sa kaniya sa probinsya.

Nang makapagtapos si Rose ay nagpasya silang magpakasal at pagkatapos ay agad siyang naghanap ng trabaho na sinuwerte naman at natanggap agad siya bilang guro. Habang si Emil ay naging manager na sa kaniyang pinagtatrabahuang banko. Nakalipat na rin sila sa sariling bahay na binili nilang mag-asawa sa loob ng isang subdivision.

Kung noon ay dalawang beses lang silang kumain sa isang araw dahil sa pagtitipid na makabayad sa upa ng bahay, kuryente, ilaw at iba pang bayarin, ngayon ay natutugunan na nila ang lahat ng pangangailangan nilang pamilya.

Habang nasa balkonahe at nakatitig sa kalangitan ay niyakap ni Emil ang asawang si Rose.

Advertisement

“Grabe ‘no, sa nakalipas na siyam na taon, ‘di ko maisip kung paano nating nalagpasan ang lahat ng hirap na naranasan natin noon,” puno ng emosyong wika ni Emil.

“Ako rin,” tugon niya. “Pinangarap ko lang ‘to noon, ta’s ngayon ay nandito na. Salamat kasi hindi mo kami iniwan ng anak mo sa kabila ng ‘di tayo sigurado kung ano man ang mangyayari sa’tin noon. Hindi mo ako tinakasan o tinakbuhan nang malaman mong buntis ako, bagkus ay sinamahan mo ako sa hirap at hindi iniwan. Nangyari ang lahat ng ito, iyon ay dahil sa’yo at sa pagmamahal mo sa’min ng anak mo,” maluha-luhang wika ni Rose.

“Mahal kita, Rose, kaya kahit anong hirap pa iyan, sasamahan kita. Wala mang kasiguraduhan ang bawat landas na tatahakin natin, ang mahalaga’y nariyan ka’t kasama kita. Iyon ang pinakamahalaga. Kaya kong lampasan lahat, basta alam kong sa bawat mahirap na daang tatahakin ko’y hawak ko ang kamay mo,” ani Emil saka ginawaran ng mariin na halik ang labi ng asawa.

Nakaramdam man siya ng takot at agam-agam noong nalaman niyang siya’y nabuntis nang maaga, nawala naman ang lahat ng iyon nang hawakan ni Emil ang kamay niya at ipinakita sa kaniya na handa itong samahan siya sa kinabukasang walang kahit sino ang may alam.