Ang Ama ang Nagdidikta ng Lahat ng Dapat na Gawin ng Kaniyang Anak; Maging Masaya Kaya Silang Lahat?

“Ako ang nakakaalam kung ano’ng makabubuti para sa iyo. Kaya sunod na lang anak ha? Pagdodoktor, ‘yan ang kukuhanin mo sa kolehiyo. Maganda ‘yan, ‘nak. Kaso kailangan mo nang itigil iyang teatro mo para masigurong makakapag-focus ka, ano? Pero maganda ‘yan, ‘nak,” magiliw na sabi ni Mando sa anak na si Rex.

Napatigil sa pagsubo ng hapunan ang binata nang marinig ang sinabi ng ama. Sasagot pa sana siya ngunit tuwang-tuwang nangarap na ang kaniyang ama. Kita ang kinang sa mata nito habang iniisip ang magiging hinaharap niya na may suot na puting coat at nagpapagaling ng mga tao. Nilunok na lang ni Rex ang sasabihin. Ang totoo, gusto niyang maging aktor sa entablado ng teatro. Ngunit sa kabilang banda, mahal niya ang ama. Wala itong ipinagdamot sa kaniya, sa materyal na bagay man o pagmamahal. Iyon nga lang ay likas na tradisyonal ito. Ang prinsipyo nito ay responsibilidad nitong maging matagumpay siya. Kaya’t alam niyang pati kurso at karera niya ay ito ang pipili para sa kaniya.

Napuno ng lungkot ang puso ni Rex habang inililigpit ang kaniyang mga gamit sa teatro na kung saan siya parte. Matagal na niyang mahal ang entablado ngunit alam niyang kung nais niyang makapasa sa medical school upang maging doktor, kailangan niyang seryosohing maigi ang pag-aaral.

“Pero Rex! Sa isang linggo na ang show natin! Ikaw pa naman ang bida, paano naman kami?!” sabi ng presidenteng si Cheska. Walang masabi si Rex kundi “sorry” sa mga kasamahan. Umuwi siya sa kanilang bahay na mabibigat ang hakbang.

“Hindi mo ba sasabihin sa papa mo ang nararamdaman mo?” tanong ng kaniyang ina nang maabutan siyang malalim ang iniisip. Matagal siyang hindi nakasagot.

“Hindi na siguro, ‘ma. Baka madismaya lang si papa. At saka… mukhang desidido na siya,” malungkot na sabi ng binata.

“Ikaw, desidido ka na ba?” tanong ng kaniyang mama. Iling lang ang sagot ni Rex.

Sa sumunod na araw ay ginawa na agad ni Rex ang kaniyang application letter sa unibersidad na kaniyang papasukan. ‘Di siya mapakali buong araw dahil pilit siyang tinatawagan ng mga kasamahan niya sa teatro upang kumbinsihin siyang sundin ang kaniyang puso.

Advertisement

Galit na pinagbabaan niya ang mga ito kapag tumatawag ito sa selpon. Lalo lang siyang nalulungkot at nalilito. Nang makauwi siya, nagulat siya nang makita si Cheska na kausap ang kaniyang ina sa sala.

“Cheska?! Ano’ng ginagawa mo rito? Sabi na ngang ayoko na ‘di ba?! ‘Di ka ba nakakaintindi? Kailangan kong maging doctor at hindi makakatulong ang pagte-teatro doon!” Nagulat ang dalawang babae sa pagtaas ng kaniyang boses. Maging siya ay nagulat sa tindi ng halo-halong emosyon na nararamdaman niya.

“Nakita kitang umiiyak noong paalis ka ng teatro. Alam mo Rex, napamahal din ako sa pag-arte dahil sabi mo dapat maging tapat ako sa kung ano’ng sinasabi ng puso ko. Pero bakit ‘di ka maging totoo sa sarili mo? Mahal mo ang entablado at gusto mo lang magdoktor dahil sinabi ng tatay mo,” sabi ni Cheska na tila ba nakalimutan ang presensya ng ina ni Rex na naroon din sa sala.

Walang maisagot ang binata at napayuko na lang.

“Totoo ba ang narinig ko, anak?” malungkot ang tinig ni Mando na kararating lang. Sinubukang magpaliwanag ni Rex ngunit pinigilan siya ng ama. Kita niya ang dismaya sa mata nito kaya’t dumiretso na lang siya sa kaniyang kwarto. ‘Di niya namalayan na ang pagtanggap niya sa desisyon ng ama ay naging mapait na lason na pala sa kaniyang puso. Natagpuan niya ang sarili na pinag-iisipan ng masama ang mga magulang, na masyado na ang mga ito, at nasasakal na siya.

Maya-maya lang ay pumasok sa kaniyang kwarto si Mando.

“’Pa, tama na! Alam ko namang kayo ang nakakaalam ng mabuti para sa akin. Sinuko ko na nga ang pangarap ko para sa pangarap niyo sa’kin eh!” pagsabog ng saloobin ni Rex.

Matagal na natigilan si Mando. Nang matauhan ay labis na natakot si Rex sa kaniyang mga nasabi. “Sorry ‘pa-“

Advertisement

Ngunit nagulat siya nang yakapin siya ng ama.

“Patawad anak… ‘di ko naman alam na ganiyan pala ang nararamdaman mo. Ang akala ko kasi, mas alam ko ang nakabubuti sa iyo. Nais kong malaman mo na ang nakabubuti lang ang gusto ko. Kung… kung ang pagteteatro ang sa tingin mong makabubuti sa iyo, handa akong suportahan ka, anak. Ama mo ako ngunit hindi ibig sabihin ay responsibilidad mong isuko para sa akin ang buhay at pangarap mo.”

Nang mga oras na iyon ‘di mapigilan ni Rex ang luha. Marami siyang kakilala na dinikta lang din ng mga magulang ang buhay at ngayon ay miserable ang kanilang mga buhay. Buong akala niya ay ganoon na rin ang mangyayari sa kaniya. Handa siyang isuko iyon para lang sa kaniyang mga magulang. Ngunit ngayon ay parang nawala na ang malaking bato na nakadagan sa kaniyang dibdib.

Dahil sa pangyayaring iyon ay mas lalong naging malapit ang mag-ama sa isa’t isa. Noon ay ‘di nanonood ng show sa teatro si Mando ngunit nang linggong iyon ay pinanood nito si Rex na bumida sa entablado. Masayang-masaya ang bawat isa, pati na rin mga kasamahan ni Rex nang malamang susuportahan na siya ng kaniyang pamilya. Natutunan ni Rex na komunikasyon na may kasamang pusong handang umintindi lang ang sagot sa lahat ng ‘di pagkakaintindihan.