Ipinagpaliban ng Dalaga ang Kaniyang Pag-aaral Upang Habulin ang Kaniyang Pangarap na Pagsusundalo; Biguin Kaya Siya Nito?

Maagang gumising si Edlyn upang maihabol ang mga gawain niya sa kaniyang klase. Huling buwan na kasi ng kaniyang semestre subalit ginagahol pa siya sa oras ng mga nararapat niyang ipasa sa kaniyang guro. Hindi naman sa nahihirapan siyang maintindihan ang mga leksiyon, sadyang wala lang talaga sa kaniyang kurso na pagtititser ang kaniyang puso’t isipan.

Sa loob ng dalawang taon at apat na semestre niyang iginugol sa pag-aaral, malungkot pa rin ang kaniyang puso sa tuwing makikita ang sarili na sana ay nakasuot siya ng batik na uniporme habang nakasaludo sa mga kapwa niya sundalo. Ito ang nais na tahaking landas ng dalawampu’t dalawang taong gulang na dalaga.

Sa kadahilanang mga guro ang kaniyang mga kapatid pati ama’t ina, nais sana ng kaniyang pamilya na parehong landas ang kaniyang tahakin. At dahil ayaw niya ng gulo, sinunod lamang ni Edlyn ang nais ng pamilya para sa kaniya. Buong akala niya ay mawawala rin sa isip niya ang pangarap na maging sundalo ngunit hanggang ngayon ay hindi ito mawaglit sa kaniyang puso at isipan.

Isang hapon, pagod na pagod ang katawan at isip ng dalaga dahil sa maghapong mga pagsusulit at mga tambak na gawain sa eskwelahan. Nakita na naman niya ang post sa social media ng isang anunsiyo ng pagbubukas ng oportunidad upang maging isa siyang sundalo. Muling kumabog ang kaniyang puso sa saya at nakita ang sarili na naka-uniporme.

Sa kalagitnaan ng pangangarap ng dalaga sa hangin, nagising siya nang tawagin siya ng kaniyang guro sa kaniyang pangalan. Kinausap siya nito at nanlumo siya matapos nitong sabihin na kinakailangan niyang balikan ang klase na iyon sa susunod na semestre dahil bagsak daw siya. Masama ang loob ng dalaga na lumabas ng silid.

Sa kaniyang pag-uwi, habang sila ay naghahapunan, nais sana niyang kausapin ang ina upang ibahin na ang landas na kaniyang tatahakin. Ayaw na talaga niyang magtiis sa kaniyang kurso dahil kahit anong pilit niya, hindi niya maipasa. Subalit sa tuwing magtatangka siyang magsabi, pinangungunahan siya ng takot na baka mapagalitan lamang siya ng mga magulang dahil dalawang taon na lang naman ang dapat niyang tiisin upang makatapos. Natapos ang kaniyang sandali na hindi na niya ito nasabi. Naisip niyang bukas na lamang niya sasabihin kapag nakapasa siya sa pagsusulit.

Kinabukasan, mataas ang kasabikan sa puso ni Edlyn at maagang pumila upang kumuha ng pagsusulit. Sa kalahating araw na kaniyang ginugol, masaya siyang umuwi matapos malaman na pasado siya at babalik upang magkaroon naman ng pisikal na pagsusulit. Ang balitang ito ay nais sana niyang ipahatid sa kaniyang mga magulang subalit pag-uwi niya ng gabi, abala ang mga iyon at hindi niya nakausap. Muli, ipinagpaliban ni Edlyn ang pagsasabi ng kaniyang mga naging desisyon.

Kinabukasan, nagtungo ang dalaga upang kausapin ang mga guro na hindi na siya magtutuloy sa kaniyang pag-aaral. Nagsinungaling pa siya na alam na raw ito ng kaniyang mga magulang. Kahit na sa kaniyang mga kaklase ay ipinamalita niya na siya raw ay magsusundalo na. Wala namang mapagsidlan ang kasiyahan na nararamdaman ng dalaga.

Advertisement

Nagpatuloy si Edlyn sa kaniyang mga pag-aasikaso ng mga dokumento hanggang sa maipasa na niya ang lahat ng mga pagsusulit. Hinihintay na lamang niya ang tawag kung kailan siya aalis upang mag-ensayo na mismo sa loob ng kampo. Habang siya ay abala sa pag-abot ng kaniyang mga pangarap, walang kaalam-alam ang kaniyang pamilya sa mga desisyon na kaniyang tinatahak.

Lumipas ang isang buwan, dalawa, tatlo at apat na buwan, ang sabik na si Edlyn, ngayo’y waring binagsakan ng langit at lupa. Matagal na kasi masyado ang kaniyang paghihintay. Ang alam ng kaniyang mga magulang ay nakapasa siya sa kaniyang semestre at nakatakda nang mag-enroll muli sa susunod na taong pampaaralan. Kabado na ang dalaga kung paano niya tatapatin ang lahat sa mga magulang.

Dumating ang araw na sinamahan siya ng kaniyang ina upang sana ay mag-enroll. Hindi niya tuwid na matingnan sa mata ang ina at sabihin ang katotohanan. Nang sila ay makarating sa eskwelahan, doon nalaman ng kaniyang ina na hindi natapos ni Edlyn ang kaniyang semestre at hindi pa ito maaaring tanggapin ulit dahil sa mga kulang nitong grado.

Sa kanilang pag-uwi, tumangis ang kaniyang ina sa harapan ng dalaga ngunit walang maisagot si Edlyn. Wala siyang ibang nabanggit kundi ang salitang “patawad” lamang. Dahil sa naging desisyon ni Edlyn, naramdaman niya kung paano siya layuan ng mga kapatid, ang naging tingin sa kaniya ng mga ito ay suwail na anak at kapatid. Hindi na siya muling pinag-aral ng kaniyang ina dahil ayaw na niyang bumalik sa paaralan. Pumasok na lamang siya bilang empleyado sa mga pabrika at nagtagal doon ng isang taon.

Sa haba ng panahon na lumipas, hindi nawaglit sa isip ng dalaga ang kaniyang pangarap. Isang umaga, muling nabuhay ang kaniyang diwa nang makatanggap ng mensahe na siya raw ay tanggap na at bukas na bukas rin ay maaari nang magtungo sa kampo. Laking tuwa ng dalaga at ibinalita ito kaagad sa kaniyang ina.

Niyakap siya ng ina na doon lamang naintindihan ang tunay na nais ng dalaga. Kinabukasan, hinatid ng kaniyang pamilya si Edlyn sa mismong kampo at masaya silang nagkaroon ng pagpapaalam sa isa’t isa. Maligaya ang bawat isa dahil sa wakas ay nakita na nila sa mga mata ni Edlyn na ito talaga ang nais nito at dapat lamang na suportahan nila ang nais ng dalaga. Laking pasasalamat ng dalaga na hindi siya binitawan ng kaniyang pangarap, lalo na ng Maykapal. Ngayon ay pursigido siyang gawin ang lahat upang maipagmalaki siya ng kaniyang pamilya, kahit ibang landas ang tinahak niya.