Nagsinungaling ang Dalaga Tungkol sa Trabaho Para ‘Di Mapahiya ang Ina sa Iba; Itakwil Kaya Siya ng Ina sa Paglabas ng Katotohanan?

“Oo naman ma! Okay na okay ako, oh siya sige na, dumating na yung negosyanteng ka-meeting ko. Bye, love you!” sabi ni Maya sabay nagmamadaling itinago ang cellphone sa bulsa ng kaniyang suot na apron. Agad niyang dinampot ang esponghe at kinuskos ang maruruming plato sa harapan niya, nakita niya kasing paparating ang anak ng kaniyang boss na si Leslie.

Tulad ng dati, kahit wala naman siyang ginagawang mali sa trabaho ay may naipipintas pa rin ito.

“Bobita! Tingnan mo nga at may mantika pa itong baso, ulitin mo lahat!” bulyaw nito sa matining at nakakainis na tinig. ‘Di na lang nagsalita si Maya at inulit ang paghuhugas upang matanggal ang imbisibol na mantikang sinasabi nito. Mas bata sa kaniya si Leslie ngunit kung makapagsalita sa kaniya ay wagas. Daig pa nito ang ama nito na siyang boss niya talaga.

Pag-alis nito ay lumapit sa kaniya ang kaibigang si Reymer at tinanong kung ayos lang siya. Tango lang ang sagot niya rito.

“Ikaw naman kasi Maya, bakit ba hindi ka na lang umuwi sa inyo at sabihin ang totoo sa nanay mo na wala kang nahanap na trabaho dito sa Maynila? Ginapang mo ‘yang diploma mo tapos sa paghuhugas ng pinggan ka lang mauuwi?” sabi ni Reymer na halata mong konsumido sa kaniya. Naging kaibigan niya ito noon sa kolehiyo ngunit tumigil din ito dahil sa hirap ng buhay. Nang pumunta siya sa Maynila upang makipagsapalaran, agad siyang binigo ng tadhana nang manakaw ang wallet niya. Si Reymer lang ang kakilala niya roon na siya ring nagpasok sa kaniya sa restawran kung saan sila nagtatrabaho; siya bilang taga-hugas ng pinggan at ito bilang assistant ng chef.

“Ano eh, di pwede. Proud na proud sa’kin ang nanay ko, pinagkalat niya pa sa mga kamag-anak at kapitbahay na engineer ako dito kaya ‘di ko siya pwedeng ipahiya. Huwag kang mag-alala, makakahanap din ako ng raket,” tugon niya.

Napailing na lang ang kaibigan sa kaniya. Sa loob-loob niya, alam niyang mahirap mangyari iyon. Gayong kahit isang araw na pagliban sa pasok ay malaking kabawasan sa budget niya. Napakamahal pa ng pamasahe, pangkain niya pa, kapag naghanap pa siya ng ibang trabaho ngayon, talagang mahihirapan siya. Idagdag pa na kahit mga nakapagtapos ng kolehiyo ay nahihirapan din talagang makakuha ng trabaho sa panahon ngayon.

Nang gabing iyon, naghahanap siya ng trabaho sa internet. Nakita niya ang post ng kaniyang ina tungkol sa kaniya. Ipinagmamalaki nito sa post nito ang larawan niya noong makagraduate at ngayon daw ay engineer na siya sa Maynila.

Advertisement

“Dabest talaga ang anak ko!” sabi pa nito sa post. Marami ang natuwa ngunit tulad ng inaasahan niya ay marami ring mga walang masabing maganda. Mga kapitbahay nilang inggitera ang nangunguna sa pagcomment na kesyo wala pa naman daw siyang naipundar, mayroon pang akala mo mabait at nagtatanong kung saan siya nagtatrabaho, na ang sagot ng kaniyang ina ay hindi nito alam.

“Naku, dapat magpursige siya at maraming nakapagtapos ng kolehiyo tapos tagahugas lang ng pinggan ang bagsak!” panunuyang komento ng kaniyang tiyahin.

Nakita niyang nauwi iyon sa mga patutsada at sagutan kaya’t itinigil na lamang niya ang pagbabasa. Mas lalong bumigat ang kaniyang puso. Kinabukasan sa trabaho ay lutang siya dahil magdamag siyang nag-isip ng paraan at naghanap ng trabaho. Tumunog ang kaniyang selpon at nakitang tumatawag ang ina. Bago sagutin ay nagpaskil muna siya ng ngiti at saka tumikhim.

Malakas at masaya ang boses niya habang kausap ang ina na nangungumusta sa kaniyang trabaho. Ginagawa niya iyon upang ‘di nito mahalata na problemado siya. Ilang beses na niyang gustong sabihin dito ang totoo ngunit ‘di niya magawa dahil ayaw niya ngang magalit ito sa kaniya at mapahiya sa mga tao. Nagulat siya nang biglang may humablot sa kaniyang selpon.

“Hoy Maya! Bakit ‘di ka nagtatrabaho nang ayos ha? ‘Di mo ba nakikitang naiipon na ‘yang mga maruruming pinggan?! Hindi porque maluwag sa’yo ang Daddy ko, ‘di ka magtatrabaho nang ayos! Anong iniiyak mo d’yan?! Hugas na!” bulyaw ni Leslie.

Ang ‘di alam ng malditang dalaga, nang mga oras na iyon ay naririnid ng ina ni Maya ang lahat ng sinabi nito. Ang sikretong iningatan ni Maya ay basta-basta nitong isinuwalat sa pinakamalupit na paraan.

Nang oras din na iyon nagdesisyon si Maya na umalis na sa kaniyang trabaho. Hinablot niya ang kaniyang selpon saka kinuha ang bag. Awang-awa si Reymer na nakatingin lang sa kaniya. Si Leslie naman ay tila tinamaan ng konsensya nang makita ang paghagulgol ni Maya.

Isang linggo ang lumipas, inipon ni Maya ang lahat ng lakas ng loob upang makauwi sa kanilang probinsya. Pagdating sa kanilang bagay, nagulat siya nang yakapin siya ng ina. Walang mga salitang namagitan sa kanila kundi luha lamang. Hiyang-hiya siya sa ina.

Advertisement

Nang tumahan siya, tumatak sa kaniya ang sinabi nito.

“Ipinagmamalaki kita, anak. Hindi dahil sa perang ipapadala mo, o materyal na bagay na ibibigay mo sa akin. Hindi kita pinalaki para lang pabayarin bandang huli. Gusto kong malaman mo na naiintindihan ko kung bakit mo ginawa iyon at masaya akong umuwi ka na.”

Mali ang naging pagtingin niya rito. Akala niya, katulad ng ibang tao ay ikinahihiya siya nito at dismayado ito sa kaniya. Doon napatunayan ni Maya na wala talagang kapantay ang pagmamahal ng isang ina. Nagdesisyon siyang kahit hindi nito hinihingi, gagawin niya ang lahat para suklian ang lahat ng paghihirap at pagmamahal ng kaniyang ina.