Ikinahihiya ng Binata ang Inang may Nobyo; Sa Paglabas ng Katotohanan ay Talagang Magugulat Siya

Malaki ang pagkadismaya ni Bradley nang pag-uwi niya ng kanilang bahay ay nakita niya ang nobyo ng kaniyang inang si Alice. 

“Bradley, narito ka na pala. Tara na’t kumain. Magmano ka muna sa Daddy Paul mo,” salubong ni Alice sa binatang anak. 

“Hindi na, ‘ma. Hindi po ako gutom. Punta na po ako sa silid ko para makapagpahinga,” sagot naman ni Bradley. 

“Kumain ka muna, Bradley. Saluhan mo muna kami ng mommy mo dito. Kanina ka pa namin hinihintay. Sa katunayan nga ipinagluto kita ng ng paborito mong mechado,” wika naman ni Paul.

“Tara na, anak at saluhan mo kami ng Daddy Paul mo,” dagdag pa ng ginang.

“‘Ma, ilang beses ko bang sasabihin na ayaw kong tinatawag siyang Daddy Paul? Hindi naman siya ang daddy ko! Saka isa pa, baka mamaya ay maiskandalo na naman tayo ng asawa niyan? Hindi pa ba sapat ang kahihiyan na dinadala niyo sa pamilyang ‘to? Kayo na lang ang kumain dahil nawalan na po ako ng gana. Magpapahinga na po ako sa silid ko at maaga pa ang klase ko bukas,” pabalang na tugon muli ni Bradley. 

“Bradley, huwag ka ngang magsalita ng ganiyan! Pinag-aaral kita sa magandang eskwelahan tapos ay ganito lang ang iaasal mo sa harap namin ng Daddy Paul mo? Humingi ka ng tawad!” giit ni Alice. 

“Kayo nga ‘tong parang walang pinag-aralan. Para kayong mauubusan ng lalaki. Nawala lang si daddy ay ganiyan na ang ginawa n’yo sa buhay n’yo! ‘Ma, kung gusto mong mag-asawa ulit, ‘yung wala sanang sabit. Tapos bandang huli, ako pa pala ang masama, ako pa ang kontrabida! Bahala na nga kayo diyan!” sambit pa ni Brandley sabay talikod sa ina. 

Advertisement

Pilit na tinatawag ni Alice ang anak ngunit ayaw na talaga siyang kausapin nito. 

“Pasensya ka na sa inasal ni Bradley, love. Mabait naman talaga ang batang iyan. Dadating din ang panahon na matatanggap niya ang relasyon natin,” saad ni Alice sa nobyo.

“Nauunawaan ko siya, Alice. Handa akong maghintay kahit gaano katagal,” sambit naman ni Paul. 

Kinagabihan, pag-alis ni Paul ay pinuntahan ni Alice ang anak para kausapin.

“Anak, hindi maganda ang ginawa mo kanina. Sana sa susunod ay kung naiinis ka sa relasyon namin ni Paul, ay sa akin mo na lang ipakita. Hindi kita pinalaki na bastos at walang respeto sa kapwa, lalo na sa nakakatanda sa iyo,” malumanay na sambit ni Alice sa anak. 

“‘Ma, talaga bang mahal mo ‘yang si Paul? Talaga bang hindi mo na mahal si daddy? Bakit kailangan mo pa siyang palitan? Bakit kailangan pang magdagdag tayo sa pamilya, ayos naman na tayong dalawa na lang, ‘ma,” naluluhang sambit naman ni Bradley.

“Anak, inirerespeto ko ang alaala ng daddy mo, pero wala na siya ngayon. Hindi ka ba masaya na makita akong masaya sa piling ni Paul?” tanong pa ng ina.

“Pero mali, ‘ma! May asawa ang tao. Hindi ko maintindihan kung bakit siya pa ang pinili mo, ‘ma. Parang hindi na ikaw ‘yung mommy ko!” sambit naman ng binata. 

Advertisement

“Anak, mauunawaan mo rin pagdating ng panahon kung bakit ko ito ginagawa. Sa ngayon, ang hinihiling ko lang sa iyo ay huwag mong bastusin si Paul. Irespeto mo siya bilang tao,” saad pa ni Alice. 

Kahit kasi ano pang gawin nina Paul at Alice ay hindi matanggap ni Bradley ang kanilang relasyon. Labis kasi ang pagmamahal nito sa amang si Rolly at ang pagpasok ni Paul sa buhay nilang mag-ina ay tila pagtataksil sa yumaong ama.

Dahil sa labis na inis ni Bradley sa kaniyang ina ay mas pinili na lang niyang magrebelde. May mga gabi na hindi na ito umuuwi ng bahay. Madalas kung saan-saan hinahanap ni Alice ang binata.

Isang gabi ay halos malaglag ang puso ni Alice nang makatanggap siya ng tawag mula sa mga pulis. Humahangos siyang nagtungo sa himpilan kasama si Paul.

Halos himatayin ang ginang nang makitang maraming galos at pasa sa mukha ni Bradley.

“Anak, ano’ng nangyari? Bakit ka dinampot ng mga pulis? Ayos ka lang ba? Sinaktan ka ba nila? Sabihin mo sa akin, anak!” natatarantang sambit ni Alice. 

“Ma’am, hindi kami ang gumawa niyan. Kasali ang anak niyo sa isang away sa bar. Tinawagan namin kayo dahil menor de edad pa pala ito. Bakit naman pinapayagan niyong uminom ‘yang anak n’yo?” sambit naman ng isang pulis.

“Ikaw naman, sir, bakit hindi mo swetuhin ‘tong anak mo? Aba’y magiging salot ng lipunan ‘yan kapag tuluyang napabayaan! Iyan ang hirap sa mga may kayang pamilya. Pinapalaki ninyo ang mga anak ninyo na akala nila’y sila ang bida sa mundong ito!” dagdag pa ng pulis. 

Advertisement

“Hindi siya ang daddy ko! At hinding-hindi siya magiging daddy ko!” pagtutol ni Bradley. 

“Anak, tumigil ka na. Sa bahay na natin ito pag-usapan. Sumama ka na sa Daddy Paul mo sa kotse at ako na ang bahala dito,” saad ni Alice. 

Nakauwi rin ng gabing iyon si Bradley nang maayos ni Alice at Paul ang kaniyang gusot. Pag-uwi sa bahay, imbes na humingi ng tawad ay si Bradley pa ang may ganang magalit.

“Mabuti na lang ay kakilala pala ng Daddy Paul mo ‘yung may-ari ng bar kaya napakiusapan,” saad ni Alice. 

“‘Ma, ilang beses ko bang sasabihin na hindi siya ang daddy ko? Kaya huwag n’yong ipipilit sa akin ‘yang gusto n’yo! Iisa lang ang daddy ko! At si Daddy Rolly ‘yun, hindi ang lalaking ‘yan! Palayasin mo na nga siya rito dahil puro kahihiyan at gulo lang ang dadalhin niya sa buhay natin!” bulyaw ni Bradley. 

“Bradley, itigil mo na ito. Huwag kang magsalita ng ganyan sa Daddy Paul mo!” unti-unti nang tumataas ang tono ng pagsasalita ni Alice. 

“Bakit ako hihingi ng tawad? Hindi ba totoo naman ang sinasabi ko? At ikaw mommy, ubod ka ng landi, pumatol ka pa sa may asawa!” sambit muli ng binata.

Dito na umawat si Paul.

Advertisement

“Tumigil ka na, anak! Bastusin mo na ako nang bastusin hanggang gusto mo. Ngunit huwag mong pagsasalitaan ng ganiyan ang mommy mo! Hindi mo alam ang lahat ng pinagdaanan niya! Sa tingin ko ay kailangan mo nang malaman ang katotohanan, anak,” sambit ng ginoo. 

“Huwag mo akong tatawaging anak dahil hindi kita kadugo!” giit ng binata.

“Anak, hindi kabit ang mommy mo dahil siya ang tunay kong asawa! At tatawagin kitang anak dahil iyon ang totoo. Anak kita at sa akin ka galing!” pag-amin ni Paul.

Labis na nagulumihanan ang isip ni Bradley sa mga sinabi ng nobyo ng ina.

“Mommy, anong ibig sabihin nito? Anong sinasabi niyang siya ang tunay kong ama? Nahihibang na ata siya!” sambit ni Bradley. 

“Anak, totoo ang sinasabi ng Daddy Paul mo. Patawarin mo ako kung itinago ko ‘tong lahat sa iyo. Hindi ko kasi alam kung paano ipapaliwanag sa iyo ang lahat. Tutal alam mo na rin naman ay ilalahad ko na sa iyo,” umiiyak na sambit ni Alice. 

“Lihim kaming magkasintahan ng Daddy Paul mo. Dahil sa ayaw siya ng mga magulang ko para sa akin ay nagpakasal kami nang lihim. At ikaw ang bunga ng aming pagmamahalan. Ngunit pilit kaming pinaghiwalay ng mga magulang ko. Pilit akong ipinakasal kay Rolly. Mabuti na lang ay tinanggap ka niya bilang anak. Samantalang ang Daddy Paul mo naman ay ipinakasal din ng kaniyang mga magulang sa iba. Kahit may mga asa-asawa na kami ay hindi tumigil ang pagmamahal namin sa isa’t isa. Hindi rin nagkulang sa iyo ang Daddy Paul mo. Ngayong wala na ang Daddy Rolly mo ay handa ko nang panindigan ang pag-ibig ko sa Daddy Paul mo. Anak, sana ay mapatawad mo ako!” pagtangis pa ng ina. 

“Legal ang kasal namin ng mommy mo kaya siya pa rin ang legal kong asawa. Iniwan ko na si Sally dahil alam naman niyang mula noon ay si Alice ang laman ng puso ko. Sana ay matanggap mo rin ako, anak. Sana hayaan mo akong makabawi sa iyo bilang ama mo,” saad naman ni Paul.

Advertisement

Hindi alam ni Bradley kung paano tatanggapin ang lahat. Hindi madali para sa kaniya na iproseso ito. Ngunit sa paglipas ng panahon ay tuluyan na rin niyang natanggap ang kaniyang tunay na ama dahil pinatunayan nito na tapat ang hangarin nito sa kanilang mag-ina.

Ngayon ay namumuhay na ng tamihik sina Alice at Bradley kasama ang kanilang bagong padre de pamilya na si Paul.