Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Ina sa Mahirap na Kaibigan ng Anak; Isang Trahedya ang Maglalabas sa Tunay na Kulay ng Dalaga

Tutol ang Ina sa Mahirap na Kaibigan ng Anak; Isang Trahedya ang Maglalabas sa Tunay na Kulay ng Dalaga

“Karla, bakit tigdadalawa na naman ‘yang mga binili mong bag at sapatos? Huwag mong sabihin sa akin na bibigyan mo na naman ‘yung kaibigang mong mutsatsa!” saad ng inang si Julie sa kaniyang dalagang anak.

“’Ma, hindi po ba sinabi ko na sa inyo na huwag n’yong tatawaging ganiyan si Annalyn? Kaarawan po niya sa isang araw. Bumili po ako ng pangregalo sa kaniya. Bumili na rin po ako ng para sa akin para magkapareho kami,” paliwanag naman ni Karla.

“Ikaw, Karla, panay ang bigay mo ng regalo diyan sa iskwater na ‘yan! Kaya tuwang-tuwa ‘yun sa’yo dahil palagi ka niyang nauuto, e! Naku, Karla, ako na ang nagsasabi sa’yo! Iba ang bituka niyang mga mahihirap na ‘yan! Kakaibiganin ka para gamitin ka at maabot din nila ang nararanasan mo. Para silang linta na kakapit sa iyo hangga’t napapakinabangan ka nila!” saad pa ng ginang.

“Ibahin n’yo po si Annalyn, ‘ma. Tunay po siyang kaibigan. Saka parang sinasabi n’yo na rin po sa akin na hindi ako mapagkakatiwalaan pagdating sa pagpili ng kakaibiganin. Wala naman po siyang hinihingi sa akin, ‘ma, ako lang naman po ang kusang nagbibigay,” dagdag pa ng dalaga.

“Siyempre pakitang tao lang ‘yon para hindi mo siya paghinalaan. Bahala ka na sa desisyon mo at malaki ka na pero huwag mong sasabihin sa aking hindi kita binalaan tungkol sa pakikipagkaibigan mo riyan kay Annalyn. Winawaldas mo lang ang mga pera na ibinibigay namin sa’yo ng daddy mo!” naiinis muling sambit ni Julie.

Anak ng mag-asawang negosyante itong si Karla. Dahil nakakariwasa sa buhay ay kabi-kabila ang paggastos niya. Dahil din sa pagiging galante niya ay marami ang gustong makipagkaibigan sa kaniya. Pero iisa lamang ang gusto niyang kaibigan. Walang iba kung hindi ang anak ng janitor sa kanilang eskwelahan na si Annalyn.

Nagsimula ang pagkakaibigan ng dalawa nang isumbong ni Annalyn ang pakikipagtagpo sa ibang babae ng kasintahan noon ni Karla. Ayaw na sanang makialam noon ni Annalyn ngunit nakokonsensya siya sa mga nangyayari.

Mula noon ay naging sandigan na ni Karla itong si Annalyn. Magkaiba man ang estado nila sa buhay ay mabilis naman silang magkasundo.

Dumating ang kaarawan ni Annalyn. Labis ang saya ni Karla na ibigay ang kaniyang mga regalo sa kaibigan.

“Hindi ba sinabi ko na sa’yo, Karla, na huwag ka nang mag-abala pa! Pagagalitan ka na naman ng mommy mo niyan, e! ‘Yung makapunta ka lang dito sa amin ay sapat na. Pasensya ka na at pansit lang ang handa namin,” saad ni Annalyn sa kaibigan.

“Ano ka ba, wala ‘yan! Allowance ko ang pinambili ko sa mga ‘yan kaya wala silang masasabi. Saka huwag mo nang alalaahin ‘yun! Ang isipin mo na lang ay kaarawan mo ngayon, dapat ay masaya ka!” sagot naman ni Karla.

Nang buksan ni Annalyn ang mga regalo ay lubos siyang nagulat.

“T-tunay ba ang mga bag at sapatos na ito, Karla?” nangangatal na sambit pa ni Annalyn.

“Oo, naman! Bibili ba naman ako ng peke? Ang gaganda, hindi ba? Alam mo kung ano ang mas maganda pa? Bumili rin ako ng mga tulad niyan para parehas tayo! Suotin natin kapag aalis tayo!” masayang masayang sambit ni Karla.

“Pero, Karla, hindi ko matatanggap ang mga ito. Mahal masyado ang mga ‘to. Iuwi mo na ito sa inyo. Hindi ako karapat-dapat na gumamit ng mga mamahaling bagay,” sambit muli ni Annalyn.

“Tigilan mo nga ‘yang sinasabi mo, Annalyn. Regalo ko ang mga ‘yan sa’yo kaya tanggapin mo na. Bukas na bukas ay gamitin mo na, ah? Gagamitin ko rin ‘yung sa akin,” saad pa ni Karla.

Hindi roon natatapos ang pagbibigay ni Karla ng mga mamahaling bagay kay Annalyn. Madalas, kapag magbabakasyon sina Karla at kaniyang pamilya sa ibang bansa ay inuuwian niya rin ng pasalubong si Annalyn.

“Ano ba naman ‘yan! Kulang na lang ay isama mo sa lakad nating ito ang iskwater mong kaibigan! Napakarami naman niyang pinapamili mo para sa kaniya!” naiinis na sambit ni Julie sa anak.

“P’wede po ba natin isama sa susunod si Annalyn? Ipapaasikaso ko na po sa kaniya ang pasaporte niya!” saad naman ni Karla.

“Talagang nahihibang ka na, ‘no? Hindi mo ba napapansin na inaabuso ka na niyang si Annalyn? Siguro kapag nandoon ka sa lugar nila ay lagi kang pinapagastos. Tigilan mo na nga ang pagsama-sama mo sa mahirap na ‘yan at hindi ko talaga siya gusto. Kapag hindi mo pa nilayuan ‘yan ay ako na ang gagawa ng paraan para magkalayo kayo!” pagbabanta muli ng ina.

“’Ma, naman! Hindi naman po kasi totoo ang mga sinasabi niyo tungkol sa kaniya, e. Mabait talaga si Annalyn. Kung bibigyan n’yo lang po ng pagkakataon na makilala niyo siya ay malalaman niyo kung bakit siya ang pinakamatalik kong kaibigan!” pahayag ni Karla.

Ngunit kahit ano pang pagtatanggol ang gawin ni Karla kay Annalyn ay mainit pa rin ang dugo ni Julie sa dalaga.

Kaya si Julie na mismo ang gumawa ng paraan upang si Annalyn na mismo ang lumayo sa kaniyang anak. Pinuntahan niya ito sa bahay nito upang kausapin.

“Alam ko ang karakas ng tulad mo, Annalyn. Huwag mong ambisyunin na maging katulad namin dahil napaka-imposible. Kahit anong gawin mong paghuthot sa anak ko ay hindi pa rin maitatago ang katotohanan na sa pusali ka nanggaling! Simula ngayon ay ayaw ko nang lumalapit ka sa anak ko dahil alam ko ang likaw ng bituka mo at alam kong nagbabait-baitan ka lang para makuha mo sa kaniya ang mga gusto mo!” mariing giit ni Julie.

Pilit na nagpapaliwanag si Annalyn ngunit binalewala lang ito ng mayamang ginang. Ilang linggo ring hindi muna nilapitan ni Annalyn ang matalik na kaibigan alinsunod din sa bilin ng ina nito.

Isang araw ay nabalitaan na lang ni Annalyn na nadisgrasya daw ang mga magulang ni Karla. Lasing na lasing daw kasi ang ama ni Karla nang magmaneho. Magulo pa ang isip nito dahil sa patuloy na pagkalugi ng kanilang negosyo. Nauwi rin sa isang malaking pagtatalo ang pag-uusap ng mag-asawa dahilan para mabunggo sila sa isang poste.

Nang malaman ni Annalyn ang nangyari sa mga magulang ng matalik na kaibigan ay agad siyang nagtungo sa ospital.

“Annalyn, hindi ko alam kung kanino ako hihingi ng tulong. Kahit sino ay wala akong malapitan. Maging ang mga kaibigan ng mga mommy at daddy ko ay hindi rin ako nagawang tulungan. Malaki ang kailangan naming bayaran sa ospital at hindi ko alam kung saan ako kukuha ng panggastos,” pagtangis ni Karla.

Hindi nagdalawang-isip si Annalyn na tumulong.

“Hintayin mo ako dito, Karla, gagawa ako ng paraan,” saad naman ng kaibigan.

Ilang oras ang nakalipas ay bumalik si Annalyn dala ang pera.

“Malaking halaga ito, Annalyn, saan mo kinuha ito?” pagtataka ni Karla.

“Patawarin mo ako, Karla, a. Pero ibinenta ko kasi ang mga regalo mo sa akin. Mas kailangan mo kasi ang pera na ‘yan. Saka ‘yung iba diyan ay ipon ko. Maliit man, sana’y makatulong din. Saka sabi ng nanay at tatay ko ay ilalapit din daw nila ang kaso ng mga magulang mo sa mga politiko saka sa mga institusyon para maibsan ang laki ng gastos dito sa ospital. Huwag kang panghinaan ng loob, Karla, makakayanan mo ang lahat ng lahat ng ito. Narito lang ako sa tabi mo at hindi kita iiwan,” pahayag ni Annalyn.

Niyakap ni Karla si Annalyn. Lubos siyang nagpapasalamat sa lahat ng tulong ng kaniyang matalik na kaibigan.

Ilang araw ang nakalipas at tuluyan nang nagkamalay ang mga magulang ni Karla. Nang makita ni Julie si Annalyn ay nais niya itong palayasin.

“Ano naman ang ginagawa ng babaeng ‘yan dito? Hindi ba sinabi ko na sa’yong layuan mo ang anak ko?! Wala ka nang mahihita sa amin ngayon dahil wala na kaming pera!” sambit ni Julie kay Annalyn.

“’Ma, tigilan niyo na po ‘yan! Si Annalyn po at ang pamilya niya ang tumulong sa atin para maipagamot kayo. Hindi ko po ito makakaya lahat kung wala po si Annalyn sa tabi ko! Lahat ng mga kaibigan n’yong mayayaman at mga kamag-anak natin ay nilapitan ko ngunit tinanggihan nila akong tulungan. Kung sino pa ‘yung walang-wala ay sila pa ang hindi nang-iwan sa atin,” umiiyak na paliwanag ni Karla sa ina.

Labis na napahiya si Julie sa inasal niya kay Annalyn. Agad siyang humingi ng pasensya sa dalaga.

“Patawarin mo ako sa mga nagawa at nasabi ko sa iyo na hindi maganda. Patawarin mo ako kung hinusgahan kita at ang pamilya mo, Annalyn. Sana ay makapagsimula tayong muli. Ngayon ay alam ko na kung bakit sa lahat ng mayayamang tao na nakapaligid sa amin ay ikaw ang paborito ng anak ko. Dahil talagang busilak ang kalooban mo,” sambit pa ni Julie kay Annalyn.

Mula noon ay tinanggap na ni Julie si Annalyn bilang kaibigan ng kaniyang anak. Dito niya napatunayan na wala sa antas sa lipunan ang tunay na pagkakaibigan. Dahil ang pagkakaibigan ay ang pananatili sa tabi ng isa’t isa ano man ang kalagayan mo sa buhay.

Advertisement