Inday TrendingInday Trending
Pinalayas ng Mayamang Tiyahin ang Tauhang Pamangkin; Ikagugulat Niya ang Muli Nilang Pagkikita

Pinalayas ng Mayamang Tiyahin ang Tauhang Pamangkin; Ikagugulat Niya ang Muli Nilang Pagkikita

Inabutan ni Minda na nagsasabit ng karatula sa gate ang pamangkin na si Rodel. Nagsimula kasi ng maliit na negosyo ang binata. Gumagawa siya ng tocino at longgasina.

“Hoy, Rodel! Ano’ng ginagawa mo riyan?! Tanggalin mo nga ‘yan at baka mabasa pa ‘yan ng mga amiga ko!” sambit ng masungit na tiyahin.

“E ‘di mas ayos po, tiya, at maraming bibili at mabilis na mauubos ang paninda ko,” tugon naman ni Rodel.

“Anong maraming bibili?! Alisin mo ‘yan dahil nakakahiya sa kanila. Baka isipin pa ng mga ‘yun ay naghihirap na ako. Ang laki-laki ng bahay ko tapos ay nagtitinda lang akong tocino at longganisa? Tanggalin mo ‘yan o ikaw ang lalayas sa pamamahay ko!” bulyaw pa ng ginang.

“Tiya naman, e. Gusto ko lang namang kumita ng extra para mas malaki ang maipadala kong pera kina nanay sa probinsiya. Hayaan n’yo na po akong magtinda, tiya!” giit pa ng binata.

“Tantanan mo ako, Rodel! Kung gusto mong magtinda ay bahala ka. Pero huwag mong isabit-sabit ‘yang karatula na ‘yan sa pamamahay ko dahil nakakahiya!” sigaw pa ni Minda.

Wala nang nagawa pa si Rodel kung hindi ang sumunod.

Dahil sa utos na ito ng kaniyang tiyahin ay hindi tuloy alam ni Rodel kung paano pa ibebenta ang gawa niyang tocino at longganisa.

Lumuwas pa-Maynila itong si Rodel upang gawing boy ng kaniyang tiyahin. Nakakaangat kasi ito sa buhay dahil nakapangasawa ng seaman. Dahil madalas ding magipit ang pamilya ni Rodel sa probinsiya at hindi rin naman gano’ng kalaki ang kinikita nito sa pagtulong sa pagtatrabaho sa ama sa koprahan ay napilitan siyang kunin ang alok ng kaniyang Tiya Minda.

Ngunit simula pa lang ng pagtungtong ni Rodel sa bahay ng tiyahin ay hindi na maganda ang ipinakita nito sa binata. Ni hindi nga pamangkin ang turing ni Minda kay Rodel kung hindi isa lamang sa mga tauhan niya.

Dahil hindi nga maibenta ni Rodel sa bahay ng kaniyang tiyahin ang mga panindang tocino at longganisa ay inalok na lang niya ito sa ilang kapitbahay.

“Lagot ka na naman sa tiyahin mo kapag nalaman niyang nag-aalok ka. Baka mamaya ay tuluyan ka na nung palayasin!” saad ng kasambahay sa kapitbahay na si Leny.

“Kailangan ko lang talagang gawin ito dahil kailangan ng pera ng nanay at tatay ko. Wala kasi silang kinita noong bagyuhan. Lahat ng pananim ay nasira. Pati nga ang bahay namin ay nasira kaya kailangan ko talagang magdoble-kayod. Mag-iingat na lang ako para hindi malaman ng tiyahin ko,” pahayag naman ni Rodel.

“Alam mo sabi nga ng amo ko, ibang klase raw ‘yang si Madam Minda. Parang hindi raw kamag-anak ang turing sa iyo. Kaya naaawa talaga sila sa’yo. Sabi ko nga kung hindi mo lang kailangan ng pera ay tiyak kong matagal ka nang umalis diyan,” dagdag pa ng kaibigan.

“Sinabi mo pa. Buti na nga lang at nariyan kayo. Kahit paano ay naiibsan ang lungkot ko sa buhay. Mahirap din ang malayo sa pamilya. Saka mahirap makisama kay Tiya Minda. Palagi na lang mali ang ginagawa ko. O siya, aalis na ako at baka malaman niyang wala ako sa hardin. Bubungangaan na naman ako buong gabi,” wika pa ng binata.

Palihim na nagtinda si Rodel ng mga tocino at longganisa sa kanilang kapitbahay. Para makagawa naman siya ng paninda niya ay maaga niyang tinapos ang mga utos ng kaniyang tiya. Minsan nga ay mas pinipili na lang ni Rodel na hindi matulog para lang makagawa siya ng tocino at longganisa. Sayang din kasi ang ekstrang kinikita niya rito.

Isang araw ay dumalaw sa bahay ang mga amiga ni Minda. Dahil nga nais ipakita ng ginang na nakakaangat siya ay tinawag niya ang kaniyang pamangking si Rodel para sila’y pagsilbihan.

“Kunan mo nga kami ng maiinom at ng meryenda. Bilisan mo, a! “ utos ni Minda kay Rodel.

Agad namang sumunod ang binata.

“Minda, hindi ba pamangkin mo ‘yang si Rodel? Bakit nagtatrabaho siya sa iyo? Sa yaman mong iyan ay bakit hindi mo na lang pag-aralin nang sa gayon ay makapagtapos at lalo siyang makatulong sa kaniyang pamilya,” saad ng isang kaibigan.

“Pag-aaralin ko pa ‘yan, e, mahina naman ang utak niyan. Kaya nga hindi na rin siguro pinursige ng mga magulang niya na pag-aralin pa ‘yan kasi babagsak lang din naman. Tingnan niyo nga, hitsura pa lang parang wala na talagang alam, ‘di ba? Kailangan niyang tanggapin na hanggang diyan na lang siya!” tugon naman ni Minda.

“Naku, Minda, huwag kang magsasalita ng ganiyan dahil hindi mo alam ang kapalaran ng isang tao. Hindi naman nasusukat sa talino ang lahat. Tingnan mo, maging ikaw ay hindi naman nakapagtapos ng pag-aaral pero nakapangasawa ka ng mayaman kaya yumaman ka rin,” saad pa ng isang ginang.

“Dahil may binatbat naman ang ganda ko! ‘Yang si Rodel, tingnan n’yo nga kung makakapangasawa ng mayaman ‘yan, nuknukan ng pangit at ang itim-itim! Walang magkakagusto riyan!” dagdag pa ng tiyahin.

Labis na sumasama ang loob ni Rodel sa mga sinabi tungkol sa kaniya ng sariling tiyahin. Inihatid niya ang inihandang pagkain sa mga ginang nang nakayuko dahil sa kahihiyan.

Dahil medyo napahiya si Minda sa sinabi ng kaniyang kaibigan tungkol sa hindi siya nakapagtapos at nakapangasawa lamang ng mayaman ay napag-initan na naman niya si Rodel.

Lumapit sa ref itong si Minda upang kunin ang ice cream at nagulat ito nang makita na punong-puno ang freezer ng mga tocino at longganisa na paninda ni Rodel.

“Ang kapal ng mukha mo! Nagtitinda ka ng ganiyan pero ako ang pinagbabayad mo ng kuryente?! Siguro kaya malaki ang binabayaran ko ngayon sa kuryente ay dahil sa mga pinagaggagawa mo! Sa katapusan ay hindi kita pasasahurin. Kabayaran ‘yun sa kuryenteng inaaksaya mo!” bulyaw ni Minda sa pamangkin.

“Tiya, huwag naman po. Kailangan po nila nanay at tatay ng pera ngayon dahil pinapaayos po ang bahay namin. Saka wala po silang panggastos. Tiya, parang awa niyo na po. Huwag n’yo namang gawin ito sa akin,” pagmamakaawa ng binata.

“Ang kapal kapal ng mukha mo! Kung hindi mo kayang sumunod sa patakaran ko ay lumayas ka na rito! Pabigat ka lang sa akin! Ikaw ang nagdadala ng malas dito! Kunin mo na ang mga gamit mo at umalis ka na! Dalhin mo na rin ang mga letseng tocino at longganisang ito!” nangagalaiting sigaw ni Minda.

Isa-isang pinagkukuha ni Minda ang mga tocino at longganisa mula sa freezer at ipinagbabato niya ito sa sahig.

“Tiya, huwag niyo naman pong gawin ‘yan! Pinaghirapan ko po ‘yan! Tiya, wala po akong pupuntahan. Parang awa niyo na po!” pagtangis ng binata.

Ngunit buo na ang desisyon ni Minda na palayasin ang pamangkin.

“Wala akong pakialam kung wala kang pupuntahan. Ayaw ko na ng pabigat dito sa bahay ko! Kung gusto mo ay bumalik ka na lang sa inyo at doon ka magtinda!” sigaw pa ni Minda.

Lahat ay nakatanaw sa ginawang ito ni Minda sa kaawa-awang pamangkin.

Mabuti na lang at mabait ang amo ng kaibigan niyang si Leny. Pinatuloy siya nito at pansamantalang binigyan ng trabaho.

“Dumito ka na muna hanggang sa makaipon ka. Basta, Rodel, hindi ka bisita dito, a. Saka isa pa, ayaw ko sa lahat ay malikot ang kamay,” saad ng amo ng kaibigan.

Malinaw kay Rodel na nais niyang makakawala sa kahirapang kinasasadlakan.

Minsan isang gabi ay nakita siya ng amo na naggagawa ng tocino at longganisa.

“Ikaw pala ang nagbebenta ng tocino at longganisang ito. Minsan na akong nakakakain nito nang bumili si Leny. Napakasarap nito. Gawan mo nga ako at ipapamigay ko sa aking mga kaibigan. Pero ilagay natin sa magandang lalagyan para mukhang sosyal,” saad ng ginang.

Masaya si Rodel dahil kahit paano ay kikita siya. Ngunit hindi niya akalain na ang pagkakataong ito na kaniyang sinunggaban ay ang magbibigay sa kaniya ng magandang hinaharap.

“Rodel, nagustuhan ng isang amiga ko ang tocino at longganisa na gawa mo! Aba’y nais niyang kumuha at magbenta! Aba’y akalain mo, hindi lang basta benta ito dahil malaki ang negosyo ng kaibigan ko na ‘yun! Kapag nagkataon ay malaki ang kikitain mo at makakalipat ka na ng sarili mong tirahan. Magiging amo ka na ng sarili mong negosyo. Kaya galingan mo. Magpakitang gilas ka!” saad muli ng ginang.

At iyon nga ang ginawa ni Rodel. Pinagsikapan niyang pag-aralan na mapasarap pa ang gawa niyang tocino at longganisa. Nagantimapalaan naman ang pagtitiyaga ni Rodel dahil umunlad ang kaniyang negosyo.

Dahil doon ay nakaipon na siya ng pera para makapagrenta ng sarili niyang bahay. At dahil kailangan na niya ng ibang tauhan para matugunan ang dami ng mga gustong bumili sa kaniya ay pinaluwas na niya ang kaniyang mga magulang at kapatid.

Doon na nagsimula ang pamamayagpag ng negosyo ni Rodel.

Makalipas lamang ang isang taon ay nakabili na ng mas malaking lugar itong si Rodel kung saan marami na siyang mga tauhang gumagawa ng mga tocino at longganisa. Unti-unti na rin siyang nakapagpundar ng sariling bahay at sasakyan.

Hindi naman makapaniwala si Minda sa kinahinatnan ng buhay ng kaniyang pamangkin.

Minsan ay nagkrus ang landas ng mag-tiya sa isang mall.

“Nagmamataas ka na ngayon dahil nakakaangat ka na sa buhay? Tandaan mo, hindi ka habang buhay na nasa itaas,” saad ni Minda sa pamangkin.

“Alam ko po, tiya, kaya pinaghihirapan ko ang bawat sentimo na kinikita ko. Mula po ito sa dugo at pawis ko. Kung bumagsak man ako’y kakayanin ko dahil galing naman ako sa wala. Pero ito ang tandaan n’yo, hindi ko na po hahayaan na ang isang katulad ko ay matahin ng isang tulad niyo,” saad naman ni Rodel.

Nanggigigil itong si Minda sa inasal sa kaniya ng pamangkin. Hindi niya matanggap na mas nakakaangat na ito ngayon sa buhay kaysa sa kaniya. Ngunit lalo pang magngingitngit ang kaniyang kalooban dahil patuloy sa pag-unlad ang buhay ni Rodel at ng kaniyang pamilya, ‘di gaya niya na nakaasa lang sa yaman ng kaniyang asawa.

Advertisement