Nasaktan Nang Todo ang Binata Nang Hindi Pumayag ang Nobyang Pakasalan Siya; Mauuwi Kaya Sila sa Hiwalayan?

Taong 2015 nang sinagot ni Lori ang kaniyang ngayon ay kasintahan nang si Ronnie. Masaya ang kanilang pamumuhay sapagkat nagtutulungan sila sa lahat ng problema at talagang nagkakasundo silang dalawa sa maraming bagay.

Parehas silang nakatapos ng pag-aaral at wala nang makitang rason si Ronnie para hindi pa sila magsama.

“Hon, mangupahan na tayo at magpakasal,” biglaang wika ni Ronnie habang sila ay kumakain sa isang sikat na restawran. Nilabas din ito ang isang maliit na jewelry box. Naglalaman ito ng engagement ring ng kaniyang yumaong lola.

Nasamid si Lori sa kanyang nakita at narinig.

“Hon, ano ka ba? Ginugulat mo naman ako,” wika nito habang bahagyang natatawa.

“Maayos naman tayo ha, okay ang mga pamilya natin na natutulog ka sa amin tapos ay ganoon din naman ako sa inyo. Huwag na muna tayong magpakasal dahil mahirap pa ang buhay sa ngayon. Isa pa, hindi ba’t nakakatakot na engagement ring pa nila Lolo Ben at Lola Sally ang ibibigay mo sa akin,” dagdag pa ng nobya habang nagpipigil tumawa.

Nalungkot si Ronnie dahil hindi nito inaasahan na ayaw pa ni Lori ang kanyang ideya na magpakasal at bumukod na sa kanilang pamilya. Nainsulto rin ito sapagkat kinatatakutan pala ng nobya ang pinakamamahal niyang lola.

“Hon, oo alam ko naman na ayos ang mga pamilya natin sa ganitong set-up natin, pero hindi ba mas magiging masaya sila kung magpapakasal na tayo? Lalo ang mama at papa mo. Baka isipin nila na wala akong planong panindigan ka at kuntento na ‘ko sa ganito. Gusto kong malaman nila na desidido na akong makasama ka habambuhay,” dugtong ni Ronnie na parang nagpupumilit na tanggapin ng kasintahan ang kaniyang alok na kasal.

Advertisement

“Natutuwa ako na gusto mo nang magpakasal tayo. Pero ang hirap. Wala pa tayong bahay at sasakyan. Paano naman ‘pag nagkaanak na tayo? ‘Di man lang natin mabibigyan ng magandang buhay ang mga anak natin. ‘Di pa nga tayo nakakaipon nang malaki. Ipagpaliban na muna natin yan,” sagot ni Lori.

Nawalan ng gana si Ronnie sa kinakain at nanatili na lamang itong walang kibo hanggang matapos silang kumain. Hinatid ni Ronnie ang nobya sa kanilang bahay at ito ay hindi na pumasok sa opisina. Sa halip ay naisipan nitong gumala mag-isa.

Ramdam ni Lori na may mali at alam nitong hindi masaya ang nobyo pero ipinagsawalang bahala na lamang niya ito.

Sa sobrang sama ng loob ng nobyo ay naisip nitong maglasing. Matapos magpalipas ng oras sa mall ay tumungo siya sa isang bar na malapit sa kanilang bahay nang sumapit ang gabi.

Umiinom siya ng alak habang nanonood sa kumakantang banda. Pilit nitong inaalis sa isip ang nangyari kanina.

Nakakarami na siya ng inom nang may makita siyang pamilyar na mukha. Nakaw atensiyon ang binibining kaniyang nakita dahil sa kinis ng mala-porcelana nitong kutis. Tinititigan niya ito sa malayo at pilit inaaninag. Kapansin-pansin ang babae sa lahat ng mga kalalakihan na naroon dahil na rin sa damit nitong masikip at napakaikli. Halos lumuwa na rin ang kaniyang dibdib sa lalim ng suot nito.

Gulat na gulat si Ronnie nang lumapit ang babae sa kaniya.

“Hoy Ronnie, bakit ka mag-isa diyan?” wika ng babae.

Advertisement

“Hey Chloe, ikaw pala ‘yan! Akala ko naman kung sinong artista o modelo,” sagot ni Ronnie na noon ay hilong hilo na sa dami ng nainom.

“Tara umupo ka rito, wala ka bang kasama?”

“Wala. Ako lang mag-isa. Kasama ko dapat sila Maya at Coleen pero hindi pa sila dumarating,” sagot ni Chloe sa kaniya.

“Tamang-tama, dito ka na lang umupo sa tabi ko at samahan mo muna ako hangga’t wala pa ang mga kasama mo.”

“Sige, dito na muna ‘ko. Teka pala, nasaan yong girlfriend mo? Bakit hindi mo yata siya kasama? Nag-away kayo, ‘no?” panunukso ni Chloe sa kaniya.

“Hindi, mayroon lang hindi pagkakaunawaan. Sinabihan ko kasi siya na magpakasal na kami pero parang ayaw niya. Iniisip ko nga baka hindi niya ‘ko ganoon kamahal at ayaw niya akong makasama habangbuhay,” sumbong ni Ronnie sa dalaga.

“Ano ka ba, mahal na mahal ka ni Lori. Baka naman natatakot lang siya sa ngayon? Hello! Ang hirap ng buhay kaya! Siguro gusto rin naman niya na magpakasal na sa ‘yo kaya lang ay natatakot lang din siyang mahirapan kayong dalawa,” sinserong tugon ni Chloe.

“Sh*t, ang tanga ko. Iniisip kong ayaw niya kong makasama pero baka naman nga tama ka. Wala pa rin ba ‘yong mga kasama mo? Babalikan ko na si Lori. Kakausapin ko siya. Naging sarado ang isip ko sa pangre-reject niya kanina. Salamat sa mga sinabi mo,” nagmamadaling wika ni Ronnie.

Advertisement

“Sige na, puntahan mo na si Lori. Nasa labas na raw ‘yong mga kasama ko, naghahanap lang ng mapaparadahan. Ingat ka sa pag-uwi,” panghihikayat ni Chloe sa binata.

Pagpunta ni Ronnie sa bahay nila Lori ay niyakap niya itong bigla at humingi ng tawad sa kaniyang inasal.

Mula noon ay nagpursigi pang lalo sa pagtratrabaho si Ronnie. Hindi niya alam na may isang sorpresang naghihintay sa kaniya.

Takang-taka ang binata kung bakit palagi na lamang gustong magtipid ng nobya. Hangga’t maaari ay ayaw nitong gumastos kahit pa napromote na ito at napakalaki ng mga nakukuha nitong komisyon.

Lumipas ang ilang taon at nakaipon si Ronnie ng tatlong milyong piso.

Sa isip niya’y may sapat na siyang hawak upang makabili ng sasakyan at malaking lupa. Ang susunod na pag-iipunan na lamang niya ay pampagawa ng bahay. Pagkatapos noon ay puwede na silang magpakasal ng kasintahan.

Pag-uwi galing trabaho ay agad na nakatulog ang binata dahil sa matinding pagod. Sa sobrang abala niya ay nakalimutan na niyang kaarawan na pala niya kinabukasan.

“Happy birthday to you… Happy birthday to you,” gulat na gulat ang binata nang makitang naroon si Lori sa kanilang bahay. May hawak itong cake at maliit na kahon.

Advertisement

“Hon, mahal na mahal kita. Happy birthday!”

Napatayo sa pagkakahiga si Ronnie sabay niyakap nang mahigpit ang nobya.

Nanlaki ang mga mata ni Ronnie nang buksan ng dalaga ang isang maliit na kahon.

“WIll you marry me, hon?” naluluhang tinig ng nobya.

Maya-maya pa’y naglabasan na ang kanilang mga kaibigan, mga kapatid, at mga magulang.

Napatakip ng bibig si Ronnie at naglulundag.

“Naunahan mo ako! Ang daya mo!” natatawa at naluluhang sagot niya.

“S’YEMPRE OO! PAKAKASALAN KITA, MAHAL KO! Wala na akong iba pang mamahalin kundi ikaw!”

Advertisement

Pagsuot ni Lori ng singsing sa kamay ng binata ay may isa pa itong kinuhang maliit na kahon at binigay niya iyon sa nobyo.

“Hon, puwede ba nating tirhan ang bahay na nabili ko para sa ating dalawa?”

Lalong nanlaki ang mga mata ni Ronnie sa narinig.

Pinagmalaki niya rin sa nobya na may malaki na siyang ipon at sobra-sobra na pala ang hawak nilang pera upang magsimula ng bagong buhay bilang mag-asawa.

Ilang buwan lamang ang lumipas matapos silang ikasal noong taong 2019 ay nagdalantao na kaagad si Lori. Nag-resign na rin siya sa trabaho at nagsimulang magpundar ng sarili nilang negosyo. Sa kabutihang palad ay sinuwerte sila at kumita ng limpak-limpak.

Sa ngayon ay may dalawa na silang anak at namumuhay nang masagana at maligaya. Ginawa nilang sentro ang Diyos sa kanilang pagmamahalan.