Hinding-Hindi Raw Makikipagrelasyon sa Dukha ang Matapobreng Babae; Nang Malugi ang Negosyo ng mga Magulang ay Nilunok Niya ang Lahat ng Kaniyang Sinabi

Pakendeng-kendeng pa habang naglalakad sa mall si Rizza bitbit ang kaniyang mamahaling bag at suot ang mamahaling sapatos na napakataas ng takong. Sa sobrang sarap ng kuwentuhan nila ng kaibigang si Mary ay hindi niya sinasadyang mabangga ang isang lalaking may bitbit na mga supot na may lamang pagkain. Tila isa itong delivery rider.

Imbes humingi ng paumanhin ay nagtaray pa si Rizza.

“What the! Ang t@nga mo naman, hindi ka tumitingin sa dinaraanan mo!” galit na galit ang dalaga habang pinupunasan ang puting-puting bestida na natalsikan ng sopdrinks.

“Ma’am, kayo po ang bumangga sa akin. Bigla po kayong umikot at nasa likod ninyo ako kaya’t hindi ninyo ako napansin. Bakit po kasi hindi muna kayo huminto maglakad habang may kausap kayo sa cellphone? ‘Yong ikot ninyo po kasi ay para kayong nasa runway at nagmomodel,” saad ng lalaking si Victor habang nagkakamot ng ulo.

Sa inis ni Rizza ay agad itong kumuha ng pera sa loob ng bag at hinagis sa rider ang dalawang libong papel.

“Oh ayan na, manahimik ka na. Ok na ba? Or maninisi ka pa?” pagmamalaki ng dalaga.

“Ay ma’am, sa tanang buhay ko po ay wala pang nakainsulto sa akin nang ganito. Kayo pa lang po,” wika ni Victor.

Dahil sa eksenang iyon ay ‘di nila namamalayang marami na palang nanonood sa kanilang paligid. Mga nagtatawanan pa ang mga ito.

Advertisement

“Naku, parang napanood ko na ito sa teleserye ha,” saad ng isang matandang babae.

“Oo nga, mare. At alam ko na ang ending. Sila pala ang magkakatuluyan. Parehas pa silang maganda at guwapo, bagay na bagay!” tugon ng kumare ng ale.

Lalo namang napikon si Rizza sa narinig at tila diring-diri ito sa lalaki.

“Excuse me ho! Hinding-hindi ho ako iibig sa isang hampaslupa!” sabay taas ng kilay ni Rizza.

Napatakip naman ng bibig ang dalawang matanda sa inasal ng dalaga.

Sa galit ni Victor ay pinulot nito ang lahat ng pagkaing nagkalat sa sahig at iniwan ang dalawang libong hinagis ni Rizza.

“Kaya habangbuhay na lang kayong magiging dukha e. Ma-pride pa kasi kayo! Walang yayaman sa gan’yang ugali,” nakapamewang pang salita ng dalaga.

At dahil mahaba ang pasensya ng binata ay pinili niya na lang palagpasin ang ugali ng mayabang na babae. Maganda at seksi nga ito ngunit napakapangit naman ng ugali.

Advertisement

“Anak, it’s nice to see you home so early. Sakto at kakausapin ka namin ng daddy mo,” tila mabigat ang mga salita ni Donya Carmen.

“Hay naku mom, ‘di naman sana ako uuwi pero natapunan ako ng softdrinks sa mall ng isang bobong lalaki,” wika ni Rizza.

“Anak, hindi ka namin pinalaki upang maging gan’yang kayabang. Huwag kang nagsasalita nang masama sa kapwa mo,” usad ni Don Timoteo, ang ama ni Rizza.

Nang umupo na ang mga ito sa dining table ay nagtataka ang dalaga kung bakit ang ina niya mismo ang nagsisilbi ng pagkain sa mesa at wala sa kaniyang paningin ang kanilang mga kasambahay. Doon na siya nagsimulang kabahan.

“Naghihirap na ba tayo? Marami na akong pagbabagong napapansin sa inyo, mom… dad… Wala kayong inatupag since last month kung hindi magbenta ng mga properties… Hindi na rin yata kayo natutulog… What seems to be the problem?” pinagpapawisan na sa kaba na tanong ni Rizza.

“Anak, naloko tayo ng kumpare ko… Si Tito Tony mo. Lahat ng perang ininvest namin sa kaniya ay naglahong parang bula. Sa sobrang tiwala namin sa kaniya ay nailabas namin ang lahat ng pera natin. 50 million pesos lahat iyon… At dahil nangailangan pa siya ay nagsangla pa kami ng mga ari-arian at kailangan naming tubusin iyon kundi ay makakasuhan kami… Sabi niya kasi ay ibabalik din lahat sa loob ng isang buwan lamang at dodoble pa ang pera… Isa pa, itong negosyo namin ng mommy mo ay pahina na nang pahina” lumuluhang tugon ng kaniyang ama.

“So stupid! Bakit kayo naniwala?!” mataas na ang boses ni Rizza. Animo’y hindi niya mga magulang ang kausap kung sagutin ang mga ito.

“Anak, sa tingin ko aral ito ng Diyos. May gusto Siyang ituro sa atin gaya ng pagpapakumbaba,” sambit ng kaniyang ina.

Advertisement

Lumipas ang ilang buwan at nangyari na nga ang kinatatakutan ni Rizza. Kinailangan nilang mabayaran ang malaking mga pagkakautang ng kaniyang ama’t ina kaya’t binenta na ng mga ito nang palugi ang kanilang mga ari-arian. Maging siya ay nagbenta na rin ng mga mamahaling bag at sapatos ngunit hindi pa rin iyon sapat upang makaahon sila kaya’t pati ang bahay na tinitirhan nila ay binenta na rin nila.

Lumipat sila sa isang maliit na condo unit. Dalawa lamang ang kuwarto doon at napakaliit pa. Wala na rin silang mga kasambahay at drayber. Doon napuwersa si Rizza na tumigil ng pag-aaral at maghanap ng trabaho.

Dahil nasanay siyang maging boss at palaging may mga utusan ay nahirapan siyang makahanap ng trabaho hanggang sa ‘di inaasahang pagkakataon ay muling nagkrus ang landas nila ni Victor, ang binatang delivery rider na nakabungguan niya sa isang mall dati.

“Sir, alam kong hindi naging maganda ang unang pagkikita natin pero patutunayan ko sa inyong nagbago na ako,” pagmamakaawa ng dalaga.

“Naaalala mo ba kung paano mo ako matahin noong nabangga mo ako sa mall?” malamig ang boses na tugon ng binata.

Napayuko na lamang si Rizza ngunit bigla siyang nawindang sa susunod na sinabi ni Victor.

“Pumasok kang kasambahay ko,” tila nakangisi pa ito.

Kahit naiinsulto ay tinanggap ni Rizza ng pikitmata ang alok ng binata.

Advertisement

Gulat na gulat siya nang malamang ang pamilya pala ni Victor ang nakabili sa dati nilang bahay. Kahit pa milyonaryo ang mga magulang ng binata ay pinili nitong mamuhay nang simple lamang at itaguyod ang sarili nang mag-isa at hindi umaasa sa mga magulang.

Natuto si Rizza sa mga gawaing bahay sa tulong ni Victor. Hindi nagtagal ay tila nahuhulog na ang loob niya sa binata ngunit pilit niya itong nilalabanan sapagkat may nobya na ito.

Sa suweldo niyang 6,000 kada buwan ay nagsikap siyang makaipon upang bumili ng mga panindang bag at sapatos. Binigyan din siya ni Victor ng 20,000 upang makapagsimula ng bagong negosyo.

Nagsimula siyang magbenta sa mga dating kakilala hanggang sa gumawa na s’ya ng kaniyang Facebook page at nagsimulang mag live selling.

Makalipas ang isang taon ay malaki-laki na rin ang ipon ni Rizza. Halos buo na niyang mababayaran ang mga natirang pagkakautang ng kaniyang mga magulang.

Selos na selos si Rizza tuwing makikita niyang umuuwi si Victor sa dati nilang bahay kasama ang iba’t-ibang mga babae gabi-gabi.

Lingid sa kaalaman ni Rizza ay hindi naman ito kaano-ano ni Victor at sadyang pinagseselos lamang siya ng binata.

“P’re, kung ako sa ‘yo aminin mo nang gusto mo si Rizza,” napakatakip ng bibig si Rizza sa narinig mula sa bibig ng matalik na kaibigan ni Victor na si Resty.

Advertisement

“Ayoko, p’re. Hindi ko pa sigurado kung totoong nagbago na siya. Baka lumaki lang lalo ang ulo kapag nagtapat ako,” paliwanag ni Victor.

Sa sama ng loob ay nabitawan ni Rizza ang hawak na baso at narinig naman iyon ni Victor at Resty.

“Ooops…” tila nangangantyaw pa ang tono ni Resty.

“Alam kong nagkamali ako noon, pero bakit? Hindi ba puwedeng magbago ang isang tao?” umaagos na ang luha ni Rizza.

Tila hinimas naman ang puso ng binata nang makitang lumuluha si Rizza.

“Sorry, I’m sorry… Please, huwag ka nang umiyak. Ayokong nakikitang ganyan ka… Kasi…” napayuko na ang binata sa hiya.

“Ano? Mahal kita, Victor! Mahal kita kahit nananadya kang pahirapan ako! Kahit alam kong gumaganti ka dahil masama ang ugali ko noon… Pero sana bigyan mo ako ng pagkakataong ipakita sa ‘yo na ibang tao na ako!” wika ni Rizza.

Bigla naman siyang hinatak ni Victor papunta sa labas ng bahay at doon ay niyakap nang mahigpit si Rizza.

Advertisement

“Mahal kita, Rizza. Matagal na kitang mahal. Hindi ka mahirap mahalin…”

Bigla na lamang hinalikan ng dalaga si Victor sa labi at gumanti naman ng mas mainit na halik ang lalaki.

Sa ngayon ay nagpaplano nang magpakasal ang dalawa. Inaayos na lamang ni Rizza ang bagong bahay na nabili niya mula sa pagtitinda upang kahit papaano’y masuklian niya ang ‘di man perpekto ngunit magandang buhay na naibigay ng kaniyang mga magulang sa kaniya.

Umaandar na rin ang kasong isinampa nila sa kaniyang Tito Tony at dahil sa sipag ni Rizza ay nasimot niya ang mga utang ng kaniyang mga magulang.