Inday TrendingInday Trending
Ipinagmamalaki pa ng Ginang ang Pagiging Tsismosa Niya Kahit Nakakasira na Siya ng Buhay ng Iba; Isang Aral ang ‘Di Niya Malilimutan

Ipinagmamalaki pa ng Ginang ang Pagiging Tsismosa Niya Kahit Nakakasira na Siya ng Buhay ng Iba; Isang Aral ang ‘Di Niya Malilimutan

“Teh, si Helen nahuli raw kahapon ni Raul. Diyos ko! Gumanti si Helen, mumsh! Siguro nasagad na rin dahil nga itong si Raul ay tatlong beses na raw nambabae. Nabuntis pa nga raw yong isa, buti nakunan! Kakakasal lang nila, gumastos pa ng daang libo pagkatapos ay lolokohin lang pala nitong si koya si ate at may eksena ng pagganti naman itong si Helen, nakakaloka! ‘Di ko kinaya,” saad ni Marites sa kaibigang si Malou.

Napatakip naman ng bibig si Malou sa narinig.

“Naku, paiyak-iyak pa si Raul habang naglalakad sa simbahan itong si ate mo gorl. May trauma na talaga tayo sa mga lalaking paiyak-iyak pa tuwing kasal!” giit ni Malou.

“Yiz, sinabi mo pa kaya nga itong si Alfred sinasabihan kong ‘wag na ‘wag iiyak sa kasal namin kundi babatukan ko siya!” natatawang sagot ni Marites.

“Naku teh, mahal na mahal ka naman ni Alfred. Imposibleng lokohin ka niya! At saka iyang nasa ibaba mo, ‘di ba ang sikip-sikip pa niyan kahit pa dalawa na ang panganay mo sa magkaibang lalaki,” diga naman ni Malou.

Tawanan ang dalawa na may kasama pang hampasan.

Maya-maya’y umaarangkada na ng kaka-post si Marites sa social media at todo-todo ang parinig nito kay Helen. Wala itong preno. Kung ano-anong quotes ang shine-share niya at may kasama pang caption na “Kung binigay niyo na lang sa mahirap yang ginastos niyo sa kasal, marami pang nakinabang! Hihihihihi!”

“Teh! Baka mapahamak ka diyan ha, mamaya idemanda ka niyang si Helen at Raul. Okay lang naman maging tsismosa basta with a heart!” payo ni Malou sa kaibigan.

“Tantanan nila ako at wala namang nakalagay na pangalan doon! Naalala mo ba noong mga dalaga pa tayo at tinangkang landiin niyang si Helen si Alfred?! Karma is real!,” tila tuwang-tuwa pang saad ni Marites.

“Naku teh, over ka naman. Hindi naman si Helen ang may gusto kay Alfred. Alam naman nating pinipilahan talaga ng mga manliligaw si Helen. Sa totoo lang lahat tayo, nagtabaan na at nalosyang matapos magka-anak pero itong si Helen nabuntis na’t lahat ay maganda pa rin,” wika ni Malou.

“Ah basta, imbyerna pa rin ako sa babaeng ‘yan. Paanong hindi papayat iyan e kung sino-sinong lalaki nga ang kinakama.”

Natahimik ang dalawa nang dumating ang kinakasama ni Marites na si Alfred.

“Kotang-kota na naman kayong dalawa sa tsismis ha, ano’ng atin ngayon? Sino na naman pinaparinggan mo sa FB, hon?” pagbibiro ni Alfred.

“Naku, ‘di mo gugustuhing malaman kung sino at malamang e pag-aawayan niyo na naman ‘yan!” malutong ang tawang sagot ni Malou.

“Sino pa nga ba kundi ‘yong pangit na babaeng humaling na humaling ka. E ‘di si Helen!” nakataas pa ang kilay ni Marites nang sagutin si Alfred.

Bigla namang namutla ang lalaki sa narinig.

Maya-maya’y may kumakatok nang malakas sa kanilang pintuan.

“Hayop ka!” Sabay unday ng patalim sa tagiliran ni Alfred.

Agad namang bumulagta si Alfred habang namimilipit sa sakit.

Nanigas si Marites sa kinatatayuan nang makita kung sino ang gumawa nito sa kaniyang kinakasama.

“Raul! Maghunos dili ka!” sigaw ni Malou.

“Ikaw, ang lakas ng loob mong magparinig! ‘Di mo ba alam, ‘yang kinakasama mo ang kabit ng asawa ko?! Palibhasa pangit at inggitera ka kaya ‘di makalimutan ni Alfred si Helen! Napilitan lang itong gag*ng ito na kasamahin ka dahil may sarili kang bahay at mayaman ang dati mong kinakasama! Pinerahan mo lang yong ex mo! Hindi iyan tsismis, totoong pangyayari ‘yan!” nanlilisik ang mga mata ni Raul habang papalapit na ito kay Marites.

“‘Ma! Huwag po!”

Akmang sasaksakin ni Raul si Marites ngunit humarang ang panganay nitong anak na si Steven kaya’t ito ang natamaan.

Nanginginig sa takot si Marites at humahagulgol ito sa pag-aalala sa pobreng panganay at sa kinakasama.

Maya-maya pa’y nagdatingan na ang mga pulis at ambulansya.

Agad na pinosasan si Raul pati na rin si Marites.

“Ano’ng kasalanan ko, bakit pati ako? Ang anak ko at si Alfred! Parang awa niyo na! Gusto ko silang samahan sa ospital!” nagwawalang sigaw ni Marites.

“Marites! Hon!!! Huy, gumising ka!!!” malakas ang boses ng nag-aalalang si Alfred.

Humahagulgol pa si Marites nang magising.

“Ayoko na! Hindi na! Sorry na po, Lord!” sigaw niya.

“Ano na naman itong dapat mong ipopost sa Facebook? Buti at nakatulugan mo na’t hindi mo pinost! Napakaraming pulis kanina sa kabilang kanto! ‘Yong kabit ni Helen na matandang mayaman, inayudahan ng patalim ni Raul! Mabuti at dumaplis lang!”

“Salamat po Lord, hindi s’ya napuruhan!” wika ni Marites.

“Ha?! Ikaw ba talaga yan Marites? Dati ay tuwang-tuwa ka pa sa mga ganitong kuwento. Minsan nanghihinayang ka pa kapag walang sakitan o ‘pag walang na dedbols,” pagtataka ni Alfred.

“Nahihiya na ako sa sarili ko, hon. Magbabago na ako…”

Napansin ni Marites na may bitbit na bulaklak si Alfred. Sa ibabaw noon ay may isang singsing na may diyamante sa ibabaw.

“Hon, hindi man ito tunay na ginto… Pilak man lamang ito at puwit ng baso… Hon, nakapag-ipon na ako at mas lalo pang nag-iipon. Magpakasal na tayo, will you marry me?” saad ng lalaki habang nakaluhod sa kaniyang harapan.

“Yes, Alfred… Oo, oo, oo… Magbabago na ako at pakakasalan kita, Alfred, oo….” lumuluhang tugon ni Marites.

Maya-maya’y nagpasukan na sila Malou at kaniyang dalawang anak sa silid nila ni Alfred.

“Oh, iyan friend. May lalaki nang magpapakasal sa ‘yo. Natupad na ang pangarap mo kaya magbago na tayo. Atupagin na lang natin ang sarili nating buhay! Huwag na buhay ng iba,” saad ni Malou.

Natawa naman nang malakas si Marites at niyakap ang kaibigan.

Mula noon ay pinatunayan ni Marites kay Alfred at sa mga anak na nagbago na siya. Simula rin nang atupagin niya ang sariling buhay ay nagkaroon siya ng maraming oras sa kaniyang negosyong pagtitinda ng mga pampaganda. Nakapagpakasal sila ni Alfred nang enggrande at nakapag-ipon. Ngayon ay buntis na naman si Marites ngunit kasal na siya sa ama ng dinadala niya sa pagkakataong ito.

Advertisement