
Nang Sumakabilang Buhay ang Babae ay Naiwang Mag-Isa ang Ampon Niya; Paano kung Bumalik ang Tunay Niyang Anak at Palayasin Ito?
“P-paano na ako ngayon, inay? Ikaw lang ang nagmamasalakit at nagmamahal sa akin!” hagulgol ni Nica.
Parang gumuho ang mundo ng dalaga nang pumanaw ang inang si Aling Connie. Inatake sa puso ang matanda habang abalang nagluluto ng pananghalian nila. Naisugod pa ito sa ospital ngunit hindi na rin nakaabot pa nang buhay.
Hindi lingid kay Nica na habang nagdadalamhati siya sa pagkawala ng ina ay pinagbubulungan naman siya ng mga tsismoso’t tsismosang kapitbahay na nakikiramay rin sa burol.
“Kawawa naman ang ampong iyan ni Aling Connie, ano? Wala na ang kumupkop sa kanya at nagpapa-aral. Saan na kaya siya pupulutin ngayon?” wika ni Aling Grasya.
“Sinabi mo pa, talagang kawawa siya. Nasa kolehiyo pa naman ang ampong iyan na malapit nang makagradweyt pero dahil pat*y na si Aling Connie, eh, saan siya kukuha ng pantustos sa pag-aaral niya? Namomroblema pa nga siya kung paano siya mabubuhay na wala na ang ina-inahan na sumusuporta sa kanya. Kung ako sa kanya ay huminto na lang muna siya sa pag-aaral at maghanap ng trabaho,” sagot ni Aling Inez.
“Di lang ‘yan ang dapat niyang problemahin, kabahan na siya kapag dumating na si Dianne, ang tunay na anak ni Aling Connie,” hirit ni Mang Nato.
Nagkatinginan ang magka-kapitbahay sa sinabi ng may edad na lalaki.
“Bakit naman?” tanong ni Aling Inez.
“Hindi niyo ba alam? Kaya naglayas noon si Dianne ay dahil sa ampong iyan?” sambit ng tsismosong lalaki.
“Ganoon ba? Naku, tiyak na palalayasin ang ampon na ‘yan kapag nagbalik si Dianne. Tapos na ang maliligayang araw niya,” sabad ni Aling Grasya.
Nang marinig ni Nica ang usapang iyon ng mga kapitbahay niya ay biglang nanariwa sa kanya ang nangyari noon.
Walong taong gulang pa lang siya nang kupkupin ni Aling Connie.
“Hindi mo na nga matustusan nang husto ang pag-aaral ko ay nag-ampon ka pa, inay?” inis na tanong ni Dianne sa ina.
“Kawawa naman si Nica, anak. Ulilang lubos na siya. Parehong nas*wi sa aksidente ang mga magulang niya na pareho kong matalik na kaibigan. Wala na rin siyang mga kamag-anak na mapupuntahan. Ayoko namang magpagala-gala siya sa kalye,” paliwanag ni Aling Connie.
“Nagdagdag ka pa ng palamunin dito at pasang krus sa buhay mo, inay,” sagot ng anak.
“Dianne, unawain mo naman ang desisyon ko. Hindi kaya ng kunsensiya ko na hindi tulungan ang batang ‘yan. Matitiis mo ba na hayaan siya sa lansangan na walang masilungan at walang makain?”
Hindi na sumagot pa si Dianne ngunit isang araw ay nagulat si Aling Connie nang makitang may bitbit na maleta ang anak.
“Anong ibig sabihin nito, anak?” tanong niya.
“Naaawa na kasi ako sa iyo, inay, kaya babawasan ko na ang mga palamunin mo rito sa bahay. Mawawala na ang isa sa mga krus na gusto mong balikatin,” sambit ni Dianne.
Halos manikip ang dibdib ni Aling Connie sa binitawang mga salita ng dalaga.
“Kaya ako na lang ang aalis!”
“Huwag mong gagawin ‘yan, Dianne, pakiusap!” pagsusumamo ng ina sa anak ngunit hindi rin ito napigilan.
Umalis noon sa poder ni Aling Connie ang anak at kahit kailan ay hindi na bumalik. Nabalitaan na lang nito na nakapagtapos si Dianne ng pag-aaral sa Maynila sa sarili nitong sikap at mayroon nang magandang trabaho.
Halos sampung taong nawala si Dianne. Dahil sa matinding lungkot at pangungulila ay nanghina ang pangangatawan ni Aling Connie kaya nagkaroon ito ng sakit sa puso na naging dahilan ng maaga nitong pagyao.
Nang muling magbalik ang gunita ni Nica ay nakaramdam siya ng matinding pangamba.
“Natitiyak kong babalik na si Ate Dianne. Galit siya sa akin dahil inagawan ko siya ng pagmamahal ng isang ina. Gaganti siya, palalayasin niya ako rito. Paano na ako kapag nagkagano’n? Saan ako pupunta?” naluluhang sambit niya sa isip.
Maya maya ay dumating na nga ang kinatatakutan niya.
“I-inay…” wika ng isang babae nang makita ang kabaong na pinaglalamayan. Hindi na nito napigilang maiyak at nilapitan ang labi ni Aling Connie. Ang babae ay walang iba kundi si Dianne.
Napatingin sa kanya ang mga tsismoso’t tsismosang kapitbahay. Muling nagbulungan ang mga ito sa pagbalik niya. Ano kaya ang mangyayari sa paghaharap ng tunay na anak at ng ampon?
“Patawarin mo ako, inay! Bakit hinintay ko pang sa ganitong pagkakataon pa tayo muling nagkita,” hagulgol ni Dianne.
Sa pagdating ng babae ay ibinigay ni Nica ang lahat ng oras para makasama at makita nito ang kanilang ina. Sa burol ay hindi na siya muling lumapit sa kabaong ni Aling Connie. Hinayaan niyang naroon si Dianne, tutal ito naman ang totoong anak at sampid lang siya. Mas pinili niyang maupo sa dulong upuan na malayo sa mata ng mga malisyoso nilang kapitbahay.
Ilang araw lang at inilibing na ang labi ni Aling Connie. Nang sumapit ang ikasampung araw matapos ang libing ay nagpasiya na si Nica na umalis sa bahay ng babaeng itinuring niyang tunay na ina. Bago pa siya palayasin ni Dianne ay uunahan na niya ito.
“Nararamdaman kong kalabisan na ako sa bahay na ito kaya ako na ang kusang aalis,” aniya sa sarili na bitbit na ang maleta niya’t iba pang dalahin.
Bago siya lumabas sa pintuan ay maayos siyang nagpaalam kay Dianne.
“A-ate, aalis na ako. Sapat na ang napahiram sa aking lakas ni inay. Kakayanin kong tumayo sa sarili kong mga paa ngayong wala na siya. Paalam, ate, at salamat sa lahat,” sabi niya.
Ngunit…
“Sinong nagsabing aalis ka, Nica?” tanong ni Dianne sa kanya.
Nagulat si Nica sa sinabing iyon ng kapatid.
“Aaminin ko na nagselos ako sa iyo noon dahil nagkaroon ako ng kahati sa pagmamahal ni inay, ngunit alam mo bang may maganda iyong naitulong sa akin? Natuto akong magsikap at tumayo sa aking sariling mga paa. Minahal ka ni inay na parang tunay niyang anak kaya wala akong karapatan na paalisin ka. Walang aalis sa bahay na ito, Nica. Ngayong nagbalik na ako’y hayaan mong sa iyo ko punuin ang mga pagkukulang ko kay inay, aking kapatid,” naluluhang wika ni Dianne sabay yakap sa kanya na nangangahulugan na tinatanggap na siya nito bilang kapatid.
“O, salamat, Ate Dianne,” sambit ni Nica na napaiyak na rin sa tuwa at niyakap ang kanyang ate.
Mula noon ay silang dalawa na ang magkatuwang sa lahat ng bagay. Nang malaman ng mga tsismoso’t tsismosa nilang kapitbahay na magkasundo na sila ay biglang natameme ang mga ito at hindi na nagkalat pa ng tsismis tungkol sa kanila. Pinag-aral ni Dianne ang kapatid hanggang sa ito naman ang nakatapos at nagkaroon ng trabaho. Sinuklian naman ni Nica ang lahat ng pagmamagandang loob ni Dianne na nang magtagumpay sa buhay ay nagpatayo ng sarili nilang negosyo para sa kanilang magkapatid na pagtutulungan nilang palakihin at paunlarin.
Kahit wala na ang kanilang ina ay ipinagpatuloy nina Nica at Dianne ang pag-agapay sa isa’t isa, sa hirap man at sa ginhawa.

Sa Kagustuhang Makapasok sa Paaralan, Sinusuot ng Bata ang Malaking Sapatos ng Ama at Nilalagyan na Lamang ng Sipit Upang Sumikip; May Maawa Kaya sa Kaniyang Kalagayan?
